Nag-request ang pamilya ng namatay na dating actor na si Romano Vasquez ng kapribaduhan sa kanilang pagluluksa.
Namayapa nga ang kanilang tahanan sa Cavite noong Linggo, Enero 23.
Siguro nga ay hindi pa malaman ng kanyang asawang si Lenlen kung ano ang unang haharapin kaya humingi muna siya ng privacy para sa kanilang pamilya.
Mabilis namang naiayos ang lahat at sinasabi ngang nakaburol na ang mga labi ni Romano sa Imperial Crown Funeral Homes sa Trece Martires, Cavite. Batang-bata pa si Romano. Siya ay 51 years old lamang.
Isa si Romano sa mga artistang nakadikit namin noong panahon ng That’s Entertainment. Bagama’t karamihan sa mga kaibigan namin noon ay nasa Thursday group, naging kaibigan namin si Romano na kabilang sa Friday group ng That’s.
Natatandaan namin, hindi namin sa That’s nakilala si Romano. Nagpunta kami noon sa shooting nina Keempee de Leon at Vina Morales sa Tarlac, at doon sa set ay nilapitan kami ni Romano, nagtanong kung kami nga si Ed de Leon, at sinabing siya ay pamangkin ng isa naming kaibigan. Tinanong naman namin siya kung sino ang tatay niya, dahil kaibigan naming lahat ang mga kapatid ng binanggit niyang tiyuhin niya. Mula noon, naging close kami ng dating aktor at siguro nga sa amin niya inihihinga ang lahat ng mga problema at sikreto niya sa buhay na alam niyang hindi naman namin ilalabas.
Kaya naging Romano Vasquez ang screen name niya ay dahil ini-love team nga siya noon kay Shirley Fuentes. Parang Romeo-Amalia. Si Romano ay Romanito Dila ang tunay na pangalan. Si Shirley naman si Maria Cecilia Magmayo. Hindi lang sila magka-love team noon, naging magsyota sila.
Ang tatay ni Romano na nakilala rin namin ay si Apollo Dilan na isa namang radio drama talent noong araw. Bukod kay Shirley, maraming iba pang naging girlfriend si Romano, at ang isa sa niligawan niya noon ng seryoso ay si Almira Muhlach.
Totoo rin naman iyon, nang mawala na ang bold films lalong nawala ang career ni Romano at marami nga siyang napasukan na inaamin niyang mali.
Pero mula sa mga pagkakamaling iyon, bumangon siya, sumama sa isang multi-level marketing company at nang magtagal ay nagtayo na rin ng sariling negosyo kaya umangat sa kanyang buhay.
Matagal na rin naming hindi nakakausap si Romano. Ang huli naming pagkikita ay may limang taon na rin. Kinukumbinsi niya kami noon na sumama na sa business niya dahil sa tingin daw niya pababa na talaga ang showbiz.
Mula nga noon, nawalan na kami ulit ng chance na makapag-usap maliban sa ilang maiikling chats sa messenger.
Gretchen, bumalik sa pagiging katoliko
Nagulat kami sa isang video na inilabas ni Gretchen Barretto sa kanyang social media account. Nagkukuwento siya sa mga ginagawa nilang pag-ayuda sa frontliners sa mga ospital. Pero ang nagulat kami ay ginawa niya iyon sa harap ng kanyang home altar. May imahen ni San Lazaro dahil sa ospital ng San Lazaro daw siya tumutulong. Mayroong St. Joseph. May malaking image ng Our Lady of the Most Holy Rosary of Manaoag. Mayroong image pa ng isang birhen at sinabi niyang devotee kasi siya ng Mother of Perpetual Help.
Nagulat lang kami kasi ang alam namin nag-born again na si Gretchen. Hindi pala kung ganoon.
Nanatili rin pala siya sa simbahang Katoliko.
Mga baguhang artista, game sa mala-pornong pelikula
“Kawawa ang mga bagong artista, nakakadiri na. Napakahalay na ng ginagawa nilang mga pelikula,” sabi ng isang kritiko.
Talagang mahalay, kasi inilalabas nga nila sa internet, at alam naman natin na karamihan sa nagbabad sa internet ang hinahanap na mapanood ay porno.