Babaeng personalidad na ‘di malaman ang sakit, may nagkumpirmang ipinakukulam
Dobleng kilabot ang naramdaman ng isang kilalang personalidad sa showbiz nang matanggap ang tawag ng kanyang kaibigan. Biglang gumapang ang kilabot mula sa kanyang talampakan hanggang sa kanyang batok.
Hindi ito makapagsalita habang nagsasalita ang tumawag sa kanya. Meron daw ba itong pagkakataong makausap nang personal ang isang pamosong female personality?
Kuwento ng aming source, “Nakakakilabot ang impormasyong nalaman niya. May communication naman sila nu’ng female personality, pero hindi niya alam kung paano niya ipaaabot ang scenario.
“Kahit naman siguro sino, e, magdadalawang-isip na iparating ‘yun sa problemadong female personality ngayon. Walang maglalakas-loob,” unang kuwento ng aming impormante.
Maselan ang kuwento. Puwedeng paniwalaan ng iba at puwede rin namang pagtawanan lang ng mga makakarinig. Depende ‘yun sa paniniwala ng tao.
Kuwento uli ng aming source, “Ang sabi kasi ng tumawag sa kanya, e, may nagpapatrabaho raw sa female personality. Kahit anong pagpapagamot daw ang pagdaanan niya, e, hindi siya gagaling.
“Hindi raw kakayanin ng pinakamahuhusay mang doktor ang kanyang sakit, ibang manggagamot daw ang makapagbibigay ng solusyon sa pinagdadaanan niya ngayon.
“Kapag sinabi palang may nagpapatrabaho sa isang tao, e, involved ang witchcraft. May ibang nangyayari. Talagang hindi raw ‘yun mate-trace ng kahit anong medical process.
“Ibang method daw ang paraang kailangang gawin para gumaling ang female personality. May mga binabanggit pang iba-ibang kulay ng kandila ang tumawag sa showbiz personality.
“Parang may kailangan siyang gawing ritual para mawala ang kung anumang ipinatrabaho sa kanya. Kilabot na kilabot ang pinagsabihan ng information, siyempre!” mahabang kuwento ng aming source.
Ang problema, sabihin nang totoo ang impormasyong may nagpapatrabaho nga sa babaeng personalidad, ay kung maniniwala ba naman siya sa ganitong kuwento? Paniniwalaan ba niya ang kakaibang sistema ng gamutan sa kanyang sakit?
Sabi na lang ng aming impormante, “Kani-kanyang paniniwala talaga ‘yan, pero kung gustong gumaling ng tao, e, wala namang masama kung makikinig din siya.
“Pero ewan lang, parang napakalayo sa isip niya ang mga ganu’ng paniniwala. Lalo na, kayang-kaya niya naman ang matinding gastos sa pagpapagamot niya,” umiiling na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Mayor Isko, consistent ang pagiging madulas ang dila
Mapang-imbita sa kontrobersiya si Mayor Isko Moreno. Siya mismo ang nagbubukas ng pintuan ng oportunidad para siya bimbangin ng kanyang mga kalaban.
Hindi namin alam kung bukaklak lang ng kanyang dila ang pagbira sa kanyang mga katunggali o talagang sinasadya niyang magparinig para siya mapag-usapan.
Hanggang sa mundo ng pulitika ay mukhang bitbit ni Mayor Isko ang kapaniwalaang good or bad publicity is still publicity. Pero hindi gusto ng mas nakararami nating kababayan ang palagi niyang pagpapasaring sa ibang kandidato sa panguluhan.
At ang kapansin-pansin pa, magsasalita siya nang napakatindi ngayon pero ilang araw lang pagkatapos ay binabawi niya rin naman, senyal ng kawalan ng paninindigan.
Tulad ng sinabi niyang mabuti pa raw ang pandesal at may laman samantalang ang utak ng iba ay lutang. Wala siyang binanggit na pangalan, pero ang pagtanggap ng marami ay si VP Leni Robredo ang kanyang pinariringgan, madalas niyang patutsadahan ang bise-presidente sa pamamagitan ng blind item.
Sabi naman ng mga tagasuporta ni VP Leni, si Mayor Isko raw ay parang buko, puro sabaw lang at walang laman. Siya mismo ang sinabihan, walang parinig, diniretso siya ng grupo.
Ewan kung paano kakawala ang madulas na dila ng aktor-pulitiko sa susunod na buwan na senyal na ng simula ng kampanya. Patikim pa lang kaya ang mga sinabi niya nu’n laban sa kanyang kaagawan sa pinakamataas na upuan o sangdamakmak pa ang ating matutunghayan?
Unahan na natin ang bilangan sa darating na halalan. Kunwari ay natalo si Mayor Isko Moreno. Sino kaya ang kanyang sisisihin? Ibabato kaya niya ang sisi sa kanyang mga political advisers?
Makipagtuos kaya siya sa katotohanan habang lumuluhang kausap ang kanyang sarili sa salamin? Magsasalita kaya ang kanyang kunsensiya?
Kung ang sabon nga sa isang patalastas ay may kunsensiya, di lalo na ang tao, kunsensiya ang sumisigaw nang napakalakas pero wala tayong naririnig na boses.
Ano kaya ang diretsong sasabihin ni Mayor Isko Moreno sa kanyang kunsensiya? “You and your big mouth!”?
- Latest