Jodi, nalampasan ang stress at pressure ng pagiging doktor
Sa susunod na Lunes ay mapapanood na ang The Broken Marriage Vow na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Sue Ramirez at Zanjoe Marudo.
Aminado si Jodi na talagang nakaramdam umano ng pressure dahil sa pagtitiwala sa kanyang kakayahan ng pamunuan ng ABS-CBN para sa malaking proyektong ito. “No’ng nakatanggap ako ng tawag from my management na in-offer nila, hindi ako makapaniwala. No’ng time na ‘yon katatapos ko lang panoorin ‘yung Korean adaptation. Siyempre nakaka-pressure na parang hindi ko alam kung paano ko siya gagawin. Alam ko na sobrang hit ng Korean series. Siyempre talagang nagulat ako na in-offer siya sa akin. While we were taping naman sa Baguio, nandoon na lahat ng pressure, ng kaba. We have to live up to the expectations of those people na nakapanood na ng mga naunang adaptations. Nando’n ‘yung paano ba natin ito iibahin,” kwento ni Jodi.
Nawala lamang daw ang kaba ng aktres ngayong ramdam na nilang maganda ang kinalabasan ng naturang serye. Ngayon pa lamang ay pinag-uusapan na dahil sa kontrobersyal na tema nito. “Na-let go na ‘yung stress. Na-let go na ‘yung pressure. Kumbaga tapos na, wala ka na magagawa, buo na, canned na siya. Mas nae-excite na lang ako ipakita ‘yung finished product na nagawa naming lahat,” dagdag niya.
Ayon kay Jodi ay natupad na rin ang kanyang pinapangarap lamang noon na makaganap bilang isang doktor.
Ginagampanan ni Jodi ang karakter ni Dr. Jill Ilustre sa bagong serye ng Kapamilya Channel. “I’m actually grateful na hindi man ako doktor sa totoong buhay, pero kahit paano naisabuhay ko ‘yung isang pangarap na meron ako. Siguro Jill and Jodi are the same sa pagiging passionate sa mga bagay na gusto nila sa buhay or sa mga bagay na pinahahalagahan nila. Siguro we are similar in that way,” pagtatapos ng aktres.
Angelica, nahirapan sa mahabang linyahan ng script
Napapanood pa rin sa WeTV ang The Kangks Show na pinagbibidahan ni Angelica Panganiban. Mapapanood ang bagong episode ng online series tuwing Biyernes.
Ginagampanan ng aktres sa naturang online series ang karakter ni Doc Kara na isang sex guru. Ayon kay Angelica ay ibang-iba ito kumpara sa kanyang mga nagawa ng mga proyekto noon. “Iba siya sa teleserye talaga, episodic siya. Eight episodes unlike sa teleserye na tatakbo siya ng almost a year or more than a year. Sinimplehan lang natin this time, eight episodes na lang,” pahayag ni Angelica.
Kahit nag-enjoy ay talagang nahirapan daw ang aktres dahil sa mahabang linyahan o script niya sa taping. “Umaabot ng 17 pages ang sinasabi ko nang ako lang ang nagsasalita. Kaya ako nag-agree sabi ko, ‘Direk baka pwedeng mag-prompter tayo?’ Kasi baka pwedeng dayain kasi TV show. So nag-agree sila pero noong taping mismo, pumalpak kasi nagkamali ang order nila. Naiyak ako noong nando’n ako sa tent noong ako na lang. Na-rattle talaga ako na parang ang sabi n’yo may prompter. Nabigyan ako ng prompter last day ko na, tapos expert na ako, memorized ko na lahat,” pagdedetalye ng dalaga.
(Reports from JCC)
- Latest