Sa usapin ng pera ay markado na ang isang kilalang male personality. Maraming puwedeng sabihin ang kanyang mga nakakasama sa trabaho pero ayaw na lang nilang magsalita at makisawsaw.
Kontrobersiyal ang male personality ngayon dahil sa isyu ng pananalapi. Meron silang pinag-aawayan ng isang personalidad na hindi na iba sa kanya.
Kuwento ng aming impormante, “Kung magkakaroon ng botohan kung sino sa kanya o sa kalaban niya ang nagsasabi ng totoo, e, matatalo sa laban ang male personality na nagbibintang!
“Siguradong tatalunin siya landslide ng inuupakan niyang male personality, walang boboto sa kanya! Olats siya! Marami na siyang hiningan ng tulong na basta kinalimutan na lang niya!” unang istorya ng aming source.
Nu’ng magtayo pala ang male personality ng negosyo ay marami siyang nilapitang kaibigan para mag-finance. Hindi pa raw kasi dumarating ang malaking halagang hinihintay niya!
“Pagdating daw, e, babayaran niya agad ang inuutang niya, ‘yun ang pangako niya sa mga pinagkakautangan niya! Pero ni ha, ni ho, wala naman siyang communication sa mga nagtiwala sa kanya!
“Inilista na lang niya sa tubig ang mga utang niya! Ni kumustahin ang pinagkakautangan niya, e, hindi man lang niya ginawa!” nakairap na kuwento ng aming impormante.
Heto na. Isang milyonaryong male personality ang nilapitan niya. Kesyo parating na raw ang mga inorder niyang computer para sa itinayo niyang negosyo. Hindi pa rin daw dumarating ang inaasahan niyang pera.
“Natural, pinahiram naman siya nu’ng milyonaryong male personality. Milyon ang inutang niya, hindi barya-barya lang, ha? Pero dekada na ang utang niya, idinaan na lang niya sa deadma!
“Wala siyang tawag, walang text man lang, waley! Basta idinaan na lang niya sa deadmahan ang lahat! Kaya hindi naniniwala ang mga pinagkakautangan niya sa kuwentong ang male personality ang niloko ng kadugo niya!
“Siya ang markado na pagdating sa datung, siya ang nangutang nang nangutang nang walang bayaran, kaya kumakampi sa inaaway niya ang mga taong inabala niya nu’n!
“Ipinang-casino lang pala niya ang mga inutang niya, palagi siyang olats sa casino at nakapangutang pa siya sa mga financer du’n, kaya siya bumagsak!” naiinis na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Kris, hahaba pa ang buhay! Dahil sa panaginip
Hindi maganda ang gising namin kahapon. Napanaginipan namin si Kris Aquino. Bumiyahe raw siya sa ibang bansa para magpagamot. Nakadalawang linggo raw naman siya sa ospital pero binawian din siya ng buhay.
Bago kami natulog ay ipinagdasal pa namin si Kris. Ilang linggo na namin siyang ibinabahagi sa aming mga panalangin. ‘Yun lang naman kasi ang maitutulong namin sa kanyang pinagdadaanan ngayon.
Humihingi kami ng milagro para sa kanya. Na kung may mahuhulog mang himala mula sa langit, sana’y masambot niya ang isa, si Kris na rin kasi ang nagsabing wala nang paggaling ang kanyang autoimmune disease.
Nakalulungkot lang na habang nagdurusa si Kris at patuloy nang pumapayat ay meron pa ring mga taong hindi naniniwala sa kanyang dinaramdam.
Ginagamit lang daw ‘yun na dahilan ng TV host para siya kaawaan. Kailangan daw tanggapin ni Kris na ‘yun ang kanyang karma. Masasakit ang mga salitang ikinakapit kay Kris.
Nangyari na ang ganyan nu’n kay Roxanne Abad Santos, ang pumanaw na artistang nakatambal ni Gabby Concepcion sa isang pelikula (Miracle Of Love), ayaw ring paniwalaan ng marami na meron itong cancer.
Ginagamit lang daw ang sakit ng dalaga para sa promosyon ng pelikula nila ni Gabby. Pero pagkatapos ng proyekto ay pumanaw si Roxanne, nu’n lang naniwala ang mga pilosopo, totoo raw palang malala na ang sakit ni Roxanne.
Kabaligtaran daw ang panaginip. Ibig sabihi’y lalakas pa si Kris at natatagpuan na ng mga espesyalista kung saan nagmumula ang kanyang sakit.
Kung totoo ngang kabaligtaran ang laman ng ating panaginip, sana’y gabi-gabi naming mapanaginipan na namaalam na si Kris, para humaba pa ang kanyang buhay.
Hindi simple ang kanyang pinagdadaanan. Parang braso na lang ng sanggol ang meron siya ngayon. Humpak na ang kanyang mga pisngi at halatang-halatang parang sumusuko na siya kaya ipinagpapasa-Diyos na lang niya ang kanyang kahihinatnan.
Totoo namang sa libro ng Panginoon ay nakasulat ang ating kapanganakan at panahon ng pamamaalam. ‘Yun lang ang dalawang katotohanan sa buhay na ito.