Tagumpay ang baon ng ilang Kapamilya stars sa pagpasok ng 2022 matapos tumanggap ng pitong parangal mula sa Filipino-American community sa 2021 TAG Awards Chicago kamakailan lang.
Dahil dito, may kabuuang 237 awards ang tinanggap ng ABS-CBN noong 2021 mula sa 39 award-giving bodies dito at sa ibayong dagat. Kasama rito ang mga award para sa kumpanya mismo, sa iba-iba nitong plataporma, mga programa, pelikula, proyekto, lider, artista, at talent.
Panalo ang New Gen Phenomenal Loveteam nina Donny Pangilinan at Belle Mariano o DonBelle bilang Loveteam of the Year, samantalang nag-tie sina Jodi Sta. Maria (Ang Sa Iyo Ay Akin) at Yam Concepcion (Init sa Magdamag) bilang Best Actress.
Nagwagi rin ang co-star ni Yam na si JM de Guzman bilang Best Actor, habang Best Supporting Actress si Andrea Brillantes (Huwag Kang Mangamba) at Best Supporting Actors naman si Grae Fernandez (Ang Sa Iyo Ay Akin). Tinanghal naman na Influencer of the Year ang sikat na YouTuber na si Ivana Alawi na magkakaroon ng bagong programa.
Isinasagawa ang 2021 TAG Awards Chicago ng TAG Media Chicago na inanunsyo ang mga panalo sa bisperas ng Bagong Taon sa Amerika.
Bongga na kahit shutdown noong 2020, lubos na nagpapasalamat ang network sa patuloy na pagkilala noong nakaraang taon, kung saan ginawaran ito ng Natatanging Hiyas ng Sining sa Telebisyon ng 5th GEMS Awards, TV Station of the Year mula sa 2nd VP Choice Awards, at Best TV Station sa 34th PMPC Star Awards for TV.