Mga napapanahong kwento at mga bagong aral ang handog ng iWantTFC sa pagbubukas ng 2022 sa ikatlong season ng digital serye na Click, Like, Share kasama ang mga bidang sina Vivoree Esclito, Jane Oineza, Elmo Magalona, JC Alcantara, Shanaia Gomez, at Belle Mariano.
Mapapanood na ito sa iWantTFC app at website (iwanttfc.com) simula Enero 12 tuwing Miyerkules ng 8 p.m. tampok ang mga istoryang aantig sa puso at magtuturo ng kahalagahan ng pagmamahal, pagpapatawad, kabutihan, sakripisyo, at pamilya.
Bida sa unang episode na Repair si JC tungkol kay James, isang ambisyosong pulis na sinusundan ng kahihiyan dahil sa namayapa niyang amang kriminal. Sa gitna ng muling pagbuhay ng isyu online tungkol sa biktima ng kanyang ama, babalik siya sa nakaraan para harapin ang kanyang ama.
Isa namang security guard si Vivoree sa QR Code at matatanggal sa trabaho pagkatapos niyang magpapasok sa gusali ng isang taong walang dalang QR code. Dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas, magdedesisyon si Ellie (Vivoree) na mag-apply ng trabaho sa ibang bansa ngunit sunud-sunod na pasakit muna ang haharapin niya bago ito mangyari.
Sa Unseen, susubukin ng tadhana ang magkarelasyong sina Jerome (Elmo) at Mariel (Jane) dahil sa isang aksidenteng bubulag sa dalaga. Dahil sa pagsisisi, aalagaan ni Jerome si Mariel ngunit isang araw ay maglalaho na lang siya nang parang bula mula sa buhay nito.
Inggit naman ang sisira sa magkapatid na Belle at Shanaia sa Swap.
Makukuha ni Jessie (Belle) ang matagal nang hiling dahil isang araw ay magigising na lang siyang nagkapalit na sila ng buhay ni Jenny (Shanaia) na isang sikat at mayamang vlogger. Dahil sa misteryosong pangyayaring ito, lalo pa nilang makikilala ang isa’t isa at madidiskubreng hindi lahat ng nakikita sa social media ay totoo.
Ang bagong season ng Click, Like, Share ay sa ilalim ng direksyon ni Andoy L. Ranay at mula sa produksyon ng ABS-CBN Entertainment at iWantTFC.
Mapapanood din sa episodes nito sina Allan Paule, Mark Rivera, Nikki Valdez, at Bernard Palanca.