Ate Vi, sinabing wala nang budgetang gobyerno sa panibagong lockdown!
Mukhang bago matapos ang trabaho ni Congresswoman Vilma Santos sa kongreso ay masasabak pa siya sa mabibigat na trabaho, kasabay sa pagsasailalim hindi lang ng lone district ng Lipa, kundi ng buong Batangas sa Alert level 3 dahil sa paglaganap ng Omicron variant ng COVID-19, at dahil tumaas ang bilang ng mga infected sa pinakamataas na bilang mula nang magsimula ang pandemya.
Pahayag niya : “Talagang malaking problema ang hinaharap natin ngayon, dahil hindi natin inaasahan na mas darami pa pala ang magkakasakit kaysa sa ating kinatatakutan. Noong nagsisimula ang pandemya nagpa-panic tayo dahil hindi pa natin alam ang gagawin. Trial and error ang nangyari sa gamutan at marami ang namatay. Ang pag-asa natin noon basta dumating ang bakuha matitigil na iyan.
“Dumating ang bakuna, hindi natigil. Ngayon na-realize pa natin na kahit na iyong bakunado na, tinatamaan pa rin, at hindi mo masasabing mild lang kung bakunado na. Kaya ginagawa na nga natin ang lahat para makaiwas, iyon lang ang paraan, iwasan mo. Pinag-uusapan nila alert level 4, ano ang kasunod? Lockdown?,” tuluy-tuloy niyang komento nang kausap ko siya kahapon.
Iniisip niya kung kaya pa ba ng gobyerno natin ang panibagong lockdown. “Masusuportahan pa ba ng gobyerno natin ang panibagong lockdown? Iyong budget na naipasa na namin sa kongreso for 2022, aywan kung sapat pa. Bilang congresswoman pa rin, nag-iisip ako kung papaano pa ako makakatulong sa mga tao na walang inaasahang government budget. Personal din akong hihingi ng tulong sa mga kaibigan natin, doon sa mga kumpanyang may mga produktong ine-endorse natin, para makatulong sa mga tao.
“Basta ako hanggang sa matapos ang term ko, at kahit na siguro tapos na ang term ko, hindi naman maaaring pabayaan ko na lang si Ralph (Recto) sa Batangas,” ang pangako pa ni Ate Vi.
Pero maliwanag ang pananaw ni Ate Vi sa hinaharap. “Sinasabi naman nila na maaaring mag-decline ang bilang ng mga nagkakasakit, at sana nga ay mangyari iyon. Ang film industry naman, maliwanag na kung gusto ng tao ang panonoorin nila, papasok sila sa sine. Tingnan ninyo iyong Spider-Man, hindi inisip ng mga tao ang mas mataas na alert level, nanood pa rin sila. Basta gumawa tayo ng tamang pelikula, kikita iyan.
Makakabangon ang industriya at mas makakatulong pa tayo sa iba,” pagtatapos pa niyang pahayag na may himig na pag-asa.
Kauna-unahang black Hollywood star, pumanaw sa edad na 94
Natatandaan namin, bata pa kami nang ipalabas sa Pilipinas at naging isang malaking hit ang pelikulang To Sir With Love. Maging ang theme song ng pelikula na kinanta ng singer na si Lulu ay naging top hit.
Pero ang talagang sumikat nang husto ay si Sidney Poitier, ang kauna-unahang “black Hollywood star” na noon ay sikat na sikat at binabayaran na ng isang milyong dolyar sa bawat pelikula. Si Sidney rin ang sinasabing kauna-unahang black actor na naging best actor sa Oscars.
Ang malungkot na balita ay pumanaw na si Sidney sa Bahamas kung saan siya naninirahan at ipinanganak, sa edad na 94.
Matagal na rin naman daw may sakit si Sidney, bunga na rin ng kanyang katandaan. Hindi na nga siguro siya kilala ng millennials, pero sa henerasyong tinatawag na “baby boomers” si Sidney ay isang icon noong kanilang panahon.
Dating sikat na female bold star, tinarayan ng negosyanteng suki
Hindi na nga siguro kumikita nang kalakihan ang isang dating sikat na female bold star. Noon kasi sunud-sunod ang kanyang mga pelikula, pero ngayon ay hindi na. May edad na rin naman siya, at medyo mabigat na rin ang timbang. Pero kailangan niyang kumayod dahil sa rami ng binabayaran niyang utang.
Minsan daw may naka-date na businessman ang female star, at nang matapos ang date gusto niyang magpadagdag ng bayad. Tumangging magdagdag ang businessman kaya tinarayan niya iyon. Tinarayan din siya ng businessman at ipinamukha sa kanyang siya ay matanda na, hindi na sikat, at kaya siya pinatulan ay dahil mababang presyo nga lang ang sinabi ng bugaw.
Minsan, napakasakit tanggapin ang katotohanan.
- Latest