Male TV host na walang loyalty, usad-pagong ang rating ng mga programa

Nalulungkot ang buong team ng isang kilalang male personality dahil meron nga siyang mga trabaho ngayon pero hindi na tulad nang dati ang suportang tinatanggap niya mula sa manonood.

Hindi sumisipa pataas ang rating ng mga programang ibinigay sa kanya, kung anu-ano nang kadramahan ang ginagawa ng male host, pero malagihay pa rin ang pagtanggap sa kanyang mga programa.

Kuwento ng aming source, “Ibang klaseng sumuporta ang Pinoy, unconditional kung tutuusin, pero kapag nagtampo naman o nagalit, ibang klase rin!

“Hindi kasi nagustuhan ng mga kababayan natin ang kawalan ng loyalty nu’ng TV host, tapos, nakalundag na nga siya sa ibang network, e, panay-panay pa rin ang pagkatsang niya!

“Ayaw ng mga Pinoy sa ganu’n! Okey nang lumipat siya, pero ang pakikialam at pagpaparinig sa pinanggalingan niyang network, e, sobra na!” unang opinyon ng aming impormante.

At sa paniniwala ng marami nating kababayan ay mabilis nakalimot ang male TV host. Kung anu-anong kuwento ang ipinakakalat niya tungkol sa dati niyang istasyon.

Patuloy ng aming source, “Napakaliit lang naman kasi ng mundo ng television. Wala siyang maitatagong kahit ano. Ang kadaldalan kasi ng taong ‘yun, e, wala ring taros!

“Napaka-tactless niya! Daldakino! Marami siyang satsat, kalalaking tao niya, pero masyado siyang madaldal na parang babae! Ano tuloy ang napala niya?

“Ayun, usad-pagong ang pagsipa ng rating ng mga shows niya, dapang-dapa! May isang kinakagat ng mga manonood, pero hindi naman siya ang main host ng programa, parang sabit lang siya!

“Tantanan na kasi niya ang pagiging daldalero, umayos siya, kalalaking tao niya pero sawsaw siya nang sawsaw sa kung anu-anong issue!” banggit pa ng aming source.

Maraming hindi nagkakagusto sa pagiging maepal ng male TV host, hindi na lang siya sinasagot ng mga ‘yun, pero nabubuwisit sa kanya.

“Sobra niyang ipinagmamalaki ang mga shows niya, hindi niya naiisip na para siyang binili nang dalawa-singko lang! Ang tanong, kailan kaya sisipa pataas ang mga shows niya ngayon?

“Kausapin niya ang pagong kung kailan! Kausapin din niya ang mga unggoy kung kailan tatalon pataas ang rating ng mga programa niya! Ano na? Ano na, kuya!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Nag-iingat... TIPMMG, hindi muna eere!

Matindi ang lumalaganap na pagkakasakit ngayon ng ating mga kababayan. Hindi na indibi­dwal ang pagkakasakit, pinapakyaw ang buong pamilya, ubo, sipon at lagnat ang nasa hangin.

Huwag na tayong lumayo. Sa aming bahay na lang. Mas malakas pang kumahol ngayon ang aming mga kasambahay, nagkakasakit halos lahat, kinakabog ang pagkahol ng mga alaga naming aso.

Sabi ng mga doktor ay ito na ang epekto ng Omicron virus, napakabilis kumalat, masyadong mabangis. Ang pinakahuling numero habang sinusulat namin ang kolum na ito ay kumabog na sa numero ng mga dinapuan ng COVID-19 nu’ng nakaraang taon.

Tripleng pag-iingat talaga ang kailangan, kaya pinadalhan kami ng impormasyon ni Salve Asis, tagapamuno namin sa Take It, Per Minute… Me Gano’n na wala muna kaming show bukas nina Mr. Fu at Kabsat Lolit Solis.

Malaki ang posibilidad na sumailalim sa Alert Level 4 ang NCR dahil sa taas ng numero, ang mga probinsiyang malapit lang ay ganu’n na rin, marami nang ipinagbabawal ang DOH at ang ating pamahalaan.

Lumalabas kasi kami tuwing Martes, sa aming gallery ginaganap ang show, bumibiyahe kami ni Kabsat Lolit. May peligro, hindi tulad sa Cristy Ferminute na work from home kami ni Romel Chika, si Japs Gersin ang aming direktor, floor director at lahat-lahat na.

Tama ang CFMers, sigurado raw na walang TIPMMG bukas, dahil nagkakahigpitan na naman. Malungkot dahil nasanay na ang mga tumututok sa aming show na tinatawag na happy pill ng mga OFW sa mga kuwentuhang du’n lang maririnig.

Blind items na pinapangalanan, mga artistang nakakatikim ng pag­hambalos, mami-miss nga naman nila ang programang walang inuuurungan at sinasanto.

Pero dahil sa pag-iingat hindi lang sa aming mga hosts kundi pati sa aming staff ay kailangang magpahinga ng show. Nakapag-show nga kami, marami nga kaming napasaya, pero pagkatapos ay may mga nagpositibo naman!

Hindi bale nang hindi muna umere ang programa na ligtas naman ang lahat. ‘Yun ang pinakamahalaga dahil iisa lang ang ating buhay na kapag nalagay sa alanganin ay wala na tayong makukuhang kapalit.

Pasensiya na po sa mga tagasubaybay ng TIPMMG dito at sa iba-ibang bansa, kapag ibinaba na ang alert level ay balik na naman uli kami, wala na namang humpay ang ating mga chikahan at halakhakan.

Dobleng ingat po tayong lahat at maraming-maraming salamat. (Salamat po Nay. Salamat po TIPMMG viewers. Ingat po tayong lahat. – Salve)

Show comments