Ngayon lang yata nangyari na pumalag si Daniel Padilla sa isang intriga. Marami na rin namang mga tsismis ng bashers in the past pero hindi pinapansin ng actor. Alam naman niya ang buhay sa showbiz, hindi mo maiiwasan ang mga tsismis. Pero ngayon talagang pinalagan niya ang tsismis na ikinakalat ng isang nagpapakontrobersiyal na blogger dahil ang tsismis ay pinatulan naman ng ilang lehitimong media na isang malaking ka-cheapan.
Ito ay iyong ginawang tsismis na inili-link si Daniel kay Barbie Imperial. Kung bakit naman nila naisipan iyon at kung ano ang batayan ng tsismis na kanyang ginawa ay walang nakakaalam kundi ang nagpapa-kontrobersyal na blogger. Palagay namin hindi lang si Daniel, pati si Barbie ay hindi rin alam kung bakit nagkaroon nga ng ganoong usapan. Siguro nga hindi pa man natin matatawag na pormal pero alam naman natin na si Daniel at ang syota niyang si Kathryn Bernardo ay engaged na sa isa’t isa.
Hindi lang ninyo alam, pero marami na ring naisakripisyo sa kanilang buhay ang dalawa dahil sa kanilang relasyon. Kaya nga nasabi ni Daniel na unfair naman iyong pinaniwalaan nila ang tsismis na ginawa lamang ng isang taong walang magawa.
Marami na rin naman kasi ang ginawang weirdo ng nasabing blogger kaya wala na rin halos kumakagat sa kanyang mga kuwento sa ngayon.
Siguro nga kaya pinansin na lang ni Daniel para matigil na ang fake news na iyan. Wala namang affected eh, kung iisipin mo nga maski si Kathryn pinagtatawanan lamang iyon, dahil alam naman niya kung ano ang kanyang relasyon sa boyfriend niya, at imposible nga ang tsismis.
Gumagaling agad...
Mabuti naman at negative na ang dating Miss Universe na si Pia Wurtzbach, na nahawa ng COVID sa UK. Ganundin ang pamilya ng broadcaster na si Karen Davila ay infected din ng COVID sa ngayon.
Araw-araw, sinasabing napakaraming nahahawa at kahit na bakunado pa, nahahawa rin sa bagong variant.
Ang nakakatuwa lang mas marami naman ang gumagaling ngayon sa nasabing sakit, dahil may mga nagagamit na tayong gamot laban sa COVID. Hindi diretsong gamot sa COVID kundi kombinasyon ng mga gamot laban sa sintomas ng COVID, at iyong virus mismo ay namamatay na matapos ang maikling period, kailangan lang na manatiling malakas ang kanilang katawan. Pero ang pinakamabuti, iwasan pa rin ang mahawa.
Kaya nga maski iyong Star City na handang-handa na sanang magbukas na muli, hindi na muna matutuloy dahil sa lumalalang sitwasyon ng COVID sa bansa.
Maghihintay silang bumuti ang panahon na inaasahan din naman nating mangyayari agad.
Dating sikat na matinee idol, nagkasintomas ng COVID-19 matapos rumaket sa bading
Natakot rin ang isang dating sikat na poging matinee idol. May naka-date kasi siyang “alam na ninyo.” Tapos kinabukasan bigla siyang nagkaroon ng sipon at ubo at noong gabi ay nagkaroon na ng lagnat.
Symptoms iyan ng COVID. May COVID kaya ang naka-date niyang bading?
Tumakbo agad sa ospital si pogi, at nakahinga lang siya nang maluwag nang malaman niyang negative s’ya sa COVID at ang sipon at ubo ay dahil lamang sa allergic rhinitis. Kasi alam naman niyang delikado ang panahon hindi pa mapigil sa “sideline” eh.
Alam naman nila na ang peligro ng COVID. Mabilis kang mahahawa lalo na sa body fluids at secretions. Eh tiyak maghahalikan sila, puwede bang hindi sila magkahawahan?
Kaya dapat itigil na nila iyang kanilang sideline na ganyan.