Maraming mga bagay ang natutunan ni Janine Gutierrez mula sa kanyang mga kasamahang artista sa Marry Me, Marry You na pinagbibidahan nila ni Paulo Avelino.
Dalawang linggo na lamang ang tatakbuhin ng istorya ng naturang serye simula ngayon Lunes. “Sobrang dami kong natutunan watching sir Jet (Pangan), Tito Edu (Manzano), sir Lito (Pimentel), ate Pie (Picache), ate Shine (Dizon), Ms. Vina (Morales). Not just learning about acting but ‘yung pakikitungo nila sa tao at ‘yung alaga nila sa lahat, sa crew, sa staff, sa amin. And ‘yon talaga ‘yung dadalhin ko sa susunod ko na project na kailangan mo talagang tratuhin na pamilya ‘yung lahat ng kasama mo. Kasi at the end of the day, kapamilya naman tayong lahat and ramdam na ramdam ko talaga ‘yung pagmamahal. And sa tingin ko ‘yon din ‘yung kinapitan ng mga fans at lahat nang nanood ng Marry Me, Marry You. I’m so blessed to have been part of the show,” pahayag ni Janine.
Mag-iisang taon na ang nakalilipas mula nang lumipat ang aktres sa ABS-CBN. Masayang-masaya raw si Janine sa kinalabasan ng kanyang kauna-unahang serye sa Kapamilya network. “The best, sobrang saya and I’m really so thankful. I’m so thankful to all our fans and sa lahat ng sumuporta from the beginning hanggang ngayon. Sobrang kinapitan n’yo ‘yung istorya namin. I hope nabigyan natin ng saya ‘yung isa’t isa,” giit niya.
Para kay Janine ay malaking bagay na napasaya ng kanilang programa ang mga manonood sa gitna ng pandemya. “Happy ako na naging connection kami ng lahat ng Kapamilya worldwide sa kung paano talaga maging Pinoy. Sa ngayon, ang mahirap talaga for me ‘yung hindi mo makikita ‘yung mga mamang at si papang at ‘yung family mo. ‘Yon ‘yung talagang nagpaiyak sa akin no’ng mga last tapings namin. Grabe ‘yung samahan na nabuo namin. Parang naging pamilya na talaga kami. So ‘yung family talaga na nabuo namin sa set ‘yung nakakalungkot for me,” pagtatapos ng dalaga.
Seth, hirap pa rin sa kakaibang galawan sa pandemya
Katulad ng mga ordinaryong kabataan ay nahihirapan din si Seth Fedelin dahil sa pagkakaroon ng pandemya. Aminado ang aktor na talagang kakaiba ang galawan ngayon sa mga trabahong ginagawa sa kanyang bahay. “Ngayong pandemic, siguro ‘yung struggle na may kailangan gawin na video na kailangan ipasa. Ako lang din ang gumagawa. Ako ang nag-iisip kung paano ko gagawin. Tapos minsan magpapatulong ako sa kapatid ko. ‘Yon po ‘yung struggle ko,” pagtatapat ni Seth.
Kahit na nahihirapan ay iniisip na lamang umano ng aktor ang mga magagandang bagay na nangyayari kahit na may krisis na pinagdadaanan ang bansa dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.
Maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay dumaranas din ng krisis na dulot ng pandemya. “Sa lahat ng kabataan diyan, lalo na mga ka-generation namin, mahirap po talaga ‘yung setup na ganito, na puro tayo online at iba po ang pakiramdam no’n. At ‘yung mga nagsisimula pa lang ho, ‘yung bago pa lang ‘yung pandemic, lahat tayo nag-adjust. Gusto ko lang ho ipaalala na sa kabila ng mga nangyayari sa atin, may nangyayari pa rin (na maganda). Nakakapag-aral pa po tayo kahit online. Nandiyan pa rin ‘yung school.
“Kami kahit gano’ng nahihirapan kami na kami nag-aasikaso sa sarili namin, kailangan eh. Dahil hindi naman natin ‘to ginagawa dahil pandemic lang, ginagawa natin ‘to para matuto tayo. Matuto tayong tumayo sa sarili nating mga paa. Huwag natin ‘tong titingnan na nakaka-bad trip. Oo, nakakainis at the the moment pero mare-realize din natin na ‘Uy! Nakakapag-aral pa rin ako kahit pandemic. Kahit pandemic makaka-graduate pa rin ako.’ Magpasalamat pa rin tayo kasi kahit paano meron pa rin tayong natatanggap na blessing,” paliwanag ng aktor.
(Reports from JCC)