Sikat na aktor at marami pang ibang celeb, positive sa COVID-19!
Tahimik lang ang ibang stars na nahawa na rin ng COVID-19 dahil sa bilis ng hawaan ng Omicron virus.
Talagang naantala ang taping ng ibang programa at may ibang weekly shows na nakatakda na ang taping at ang iba naman ay magla-live na malabo nang matuloy dahil sa rami ng mga nagka-COVID.
May isang weekly show na 40 percent ng staff at artists na involved sa show ay nagkasakit, kaya hindi na itinuloy ang taping.
Kaagad namang nag-post si direk Louie Ignacio na nag-positive siya kaya humihingi siya ng prayers.
May isang komedyante, at isang young star ang nag-positive na rin daw, pero tahimik lang sila.
Ganundin ang isang sikat na sikat na aktor na nakasama ang magaling na direktor sa isang malaking showbiz gathering nung bago mag-new year na nakakaramdam na rin daw ng symptoms ng COVID-19 kaya pinagpapahinga na muna sila.
Hindi nila ito ibinabahagi sa kanilang social media account, kaya hindi na rin natin binabanggit kung sino sila.
Hangad pa rin namin ang kanilang agarang paggaling, at sana matapos na ito agad itong mabilis na pagsirit ng COVID cases.
Angelika, dinala ang mga anak sa probinsya
Sobrang apektado na rin si Angelika dela Cruz na barangay captain sa Brgy. Longos, Malabon dahil ang bilis na rin daw ng pagtaas ng COVID cases sa kanyang barangay.
Naikuwento nga niya sa amin sa nakaraang virtual mediacon ng bagong afternoon drama nilang Little Princess na pinagbibidahan ni Jo Berry na “actually, isang oras pa lang ako natutulog. Umuwi ako kaninang umaga na. Kasi from zero biglang 90 plus ‘yung positive cases namin tapos pending pa sa result ‘yung iba.”
Mabuti at tapos na raw sila sa taping ng Little Princess, kaya sa responsibilities niya sa barangay siya nakatutok. “Isa sa ginagawa namin dun, kami ‘yung sumusundo at nagdadala sa isolation center, tapos ako rin nagbibigay ng pagkain para sa families ng mga nag-positive. Kaya hanggang late, nagri-repack ako. So, ang hirap talaga.
“Nakaka-frustrate ‘tong pandemic na ‘to kasi mari-relax ka lang sandali, babalik uli. Mari-relax ka na naman, tapos balik na naman uli. Para kang pinaglalaruan ‘di ba? Saka nakakaawa ‘yung malalang cases…nakakaawa ‘yung family nila, lalo na ‘yung walang-wala kasi ang hirap talaga,” himutok ni Angelika.
Sa takot nga raw niya, dinala na raw muna niya ang mga anak niya sa Batangas, at siya na lang munang mag-isa sa Malabon para hindi raw maapektuhan ang kanyang pamilya.
“Siyempre, natatakot lalo na may kids ako. Kaya ngayo n, ‘yung mga anak ko, hindi ko kasama. Sa Batangas sila nakatira, ako lang ang nandito sa Malabon, kasi siyempre ayoko silang i-risk.
“Kung magkasakit man ako, at least hindi sila mahawa. Sacrifice talaga,” dagdag na pahayag ni Angelika na gumaganap bilang si Elise Reyes, ang ina ni Jo Berry na Little Princess na magsisimula na sa Jan. 10, pagkatapos ng Las Hermanas.
The world... at the end, sabay ang tapos
Ngayong araw na magtatapos ang The End of Us episode ng mag-asawang Zoren Legaspi at Carmina Villarroel sa Stories From the Heart.
Maganda ang feedback sa mini series na ito kaya consistent ding mataas ang rating nito.
Sa GMA Telebabad naman ay ending na rin ngayong gabi ng The World Between Us na naging maaksyon at madrama ang huling tagpo.
Sa totoo lang, madrama rin ang pagtatapos ng taping nila dahil sobrang mami-miss daw ng production staff ang buong cast na napakabait sa kanila.
Sobrang pinuri ng mga staff si Alden Richards dito dahil hindi raw sila nahirapan sa aktor.
“Very generous pa siya lalo na sa mga staff. Binigyan niya ng grocery bags silang lahat,” kuwento sa amin ng nasa production staff ng naturang drama series.
- Latest