Ang taong 2021 ay masasabing isang madilim na panahon sa show business. Ngayon lamang nagtala ang ganun karaming pumanaw na showbiz personalities sa loob lamang ng isang taon.
Kasisimula pa lamang ng taon nang gulatin tayo ng pagkamatay ni Tony Ferrer noong Jan. 23. Si Tony ay kilalang isa sa pinakasikat na action stars ng kanyang panahon. Tinawag siyang local James Bond dahil sa kanyang character na Tony Falcon Agent X44. Siya rin ang bida sa itinuturing na klasikong action picture sa pelikulang Sabotage na isinali sa kauna-unahang Manila Film Festival noong 1966. Nadagukan din ang industriya nang halos magkasunod namang yumao ang Jukebox Queen na si Claire dela Fuente noong Marso, at ang jukebox king na sa Victor Wood noong Abril dahil sa komplikasyon ng COVID-19. Yumao rin ang isang haligi ng local rock, si Heber Bartolome sa taong ito.
Maging ang movie press ay nagluksa nang ang beteranong entertainment editor ng Philippine STAR, at isa sa iginagalang sa industriya na si Ricky Lo, ay pumanaw din noong Mayo. Isa pang manunulat at miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino at national artist din, si Bienvenido Lumbera ay sumunod pa noong Setyembre.
Hindi na rin tayo mapapatawa ni Shalala na pumanaw na noong Hunyo, ni Arlene Tolibas na nagpapatawa rin naman, at si Mahal na pumanaw noong Agosto.
Tinamaan din ang mga director sa pagyao ni Toto Natividad na kinikilalang isa sa pinakamahusay na direktor ng action movies, at Bert de Leon na napakagaling naman sa comedy at musical at siyang nagsimula ng Eat Bulaga. At wala pang isang linggo, namatay din si Arlyn dela Cruz.
Nakakagulat din ang pagyao ng dating MTRCB at PCSO Chairman Manoling Morato noong July. Na nasundan ni Arlene Sinsuat de Castro na dating news director ng ABS-CBN at asawa ni Kabayan. Ganoon din naman si Kitchie Benedicto na producer, director at dating may-ari ng Channel 9, 2 at 13.
Sa taon ding ito ay yumao ang actor at art collector na si Orestes Ojeda. Matagal na rin naman iyong sakit niya at ngayon nga lang natiyempo.
At meron pang mga iba pa.
Marami ang yumao sa showbiz at hindi nga maikakailang marami riyan ay komplikasyon ng COVID-19. Nagkaroon naman ng malawakang pagbabakuna sa showbiz, pero tinamaan pa rin sila ng virus at pumanaw.
Ang bakuna naman kasi ay hindi katiyakan na hindi ka mahahawa o makakahawa ng COVID. Hindi rin masasabi kung talagang magaan lang ang tama sa iyo kung bakunado ka o matitigok ka rin.
Walang katiyakan. Kailangan talaga ibayong pagdarasal na matapos na ang pandemyang ito.
Dating sikat na matinee idol Alfie Anido, 40 years nang pumanaw
May isa pa kaming naalala, sa petsa ring ito noong 1981, o saradong 40 taon na ngayon ay namatay ang noon ay sikat na matinee idol na si Alfie Anido. Iyon walang sakit at dalawang araw lamang bago sinabing nag-suicide siya ay kakuwentuhan pa namin siya sa telepono.
Magulo rin ang kuwento. Unang ini-report iyon sa diyaryo na car accident pero binago kinabukasan na kaso raw pala ng suicide. Ang tila hindi pare-parehong reports noon, at ang katotohanan na sinabi ng pulisya ng Makati na pinamununuan noon ni Col. Ruperto Acle na wala silang alam dahil hindi sila nag-imbestiga ang lalong nagpalabo ng istorya.
Apatnapung taon nang namayapa si Alfie at hanggang ngayon dinadalaw pa rin ng fans niya at mga kaibigan ang kanyang libingan sa Manila Memorial Park, na laging may kandila at bulaklak lalo na kung ganitong petsa na birthday niya at kamatayan din. Namatay si Alfie sa edad na 22 lamang.
Pagkabaril sa Luneta ni Jose Rizal, naalala ngayon
Hoy, huwag ninyong kalilimutan na ngayon ay isang legal holiday dahil sa petsa ring ito, binaril sa Luneta ang pambansang bayani ng Pilipinas na si Gat. Jose Rizal.
Si Rizal ay isang manunulat, pintor, iskultor, at sumubok din sa iba pang mga sining.
Isa sa pinakaunang ginawang pelikulang Pilipino ay tungkol kay Rizal. Sa MMFF, isa sa mga pelikulang humakot ng awards at malaking kita ay ang Jose Rizal na ginawa ni direk Marilou Diaz-Abaya.