Mga pumanaw sa Yolanda, inalala

Sa kabila po ng pandemya at sa nakakalungkot na nagaganap ngayon sa Katimugan ay nais pa rin naming bumati sa inyong lahat ng Maligayang Pasko.

Galing na kami sa ganitong pakiramdam nang wasakin ng sinasabing pinakamapamuksang bagyo sa kasaysayan na Yolanda ang buong probinsiya ng Leyte at ang mga katabi nitong probinsiya.

Disyembre 2013 nang bumiyahe kami sa Palo, Leyte. Gabi kaming umalis sa Maynila, nagpalipas kami nang magdamag sa Cebu, alas kuwatro nang madaling-araw ay sumakay na kami sa unang biyahe ng barge papuntang Ormoc City.

Mula sa Ormoc ay dalawang oras at kalahati kaming bumiyahe papuntang Leyte, wala kaming nadadaanang nakatayong bahay at mga puno, lahat ay pinahalik sa lupa ng bagyong Yolanda.

Ni hindi kami umidlip sa kabuuan ng aming biyahe, sinuyod namin ang lahat ng mga bayan ng Ormoc na pinahirapan ng bagyo, akala nami’y ‘yun na ang makikita namin sa kabuuan pero hindi pa pala.

Pagpasok namin sa Leyte ay mas nakalulungkot ang aming natunghayan. Dobleng mas malala pa kesa sa Ormoc ang napagmasdan namin, nakaabang ang pami-pamilyang nakalinya sa kalye na namamalimos dahil sa sobrang kahirapan.

Wasak ang kapaligiran, walang pinalad na kabahayang nakatayo pa, maging ang malalaking bahay na matibay ang pagkakagawa ay nakahalik din sa lupa.

Patay ang mga tatay at anak na panganay ng marami sa Palo, sila ang nakipaglaban sa matinding hangin at ulan ng bagyong Yolanda, sila rin ang nakipagtuos sa malalaking alon (surge) na umahon na sa kabayanan.

Nang bumiyahe na uli kami pabalik sa Ormoc ay para kaming tulala. Hindi kami makapagsalita. Parang pansamantalang nakalimutan ng Diyos ang mga lugar na dinaluyong ni Yolanda.

Philmar napahagulgol, ‘di kinaya ang sinapit ng Siargao

Hindi na bago sa aming paningin ang naganap sa Katimugan. Magkapatid lang sa lakas ang hangin ng Yolanda at Odette. Magkatumbas lang ang bigat ng ulan na ibinagsak ng dalawang bagyo.

Mas malawak pa nga ang naging epekto ng Odette kung tutuusin dahil pinahirapan nito ang Visayas at Mindanao. Parang tinahip nang ilang oras ang Katimugan. Wasak ang mga bahay, humiwalay sa lupa ang ugat ng malalaking puno, maraming buhay rin ang nabuwis sa matinding bagyo.

Ang napakagandang Siargao na dinadayo ng mga turista ay parang isinumpa. Wasak ang boardwalk, bagsak sa lupa ang mga cottage, walang bahay na makikitang nakatayo.

Nakiiyak kami kay Philmar Alipayo, ang karelasyon at ama ng mga anak ni Andi Eigenmann, napakasikip sa dibdib na makakita ng isang lalaking matipuno ang katawan na tumatangis dahil sa pagkawasak ng Siargao.

Ang General Luna ang sentro ng mga resort at ng surfing ay parang alaala na lang ngayon. Isa sa mga tagapamuno ng eskuwelahang nagtuturo ng surfing si Philmar. ‘Yun ang kanyang ikinabubuhay.

Hindi namin makakalimutan ang pagmamatapang pa ni Philmar sa pagsasalita. Pero unti-unti nang namumuo ang luha sa kanyang mga mata na wala pang isang segundo ay bumagsak na.

Hindi kinaya ni Philmar ang naganap sa pinakamamahal niyang Siargao. Nakikipaghalikan sa lupa ang mga kabahayan, ang pinagkakakitaan nilang mga cottage ay walang kalaban-labang binuhat ng hangin sa karagatan, wasak na wasak ang opisina ng mga surfers at wala nang itinira sa kanila ang bagyo.

Parang ghost town na ang mapanghalinang Siargao. Ang ipinagmamalaki nilang taniman ng mga palm trees ay nakalbo. Ang mga cottages na tinutuluyan ng mga bisita ay nagpatung-patong sa sobrang pagkawasak.

Ayon kay Philmar Alipayo, kahit sa panaginip lang ay hindi niya naisip na magaganap pala ang mabagsik na hagupit ni Odette, pero ipinag-adya pa rin ng Diyos ang kanyang pamilya.

Dumalaw sila sa Maynila ilang araw bago ang anunsiyo ng bagyo, hindi sila mapakali ni Andi, dahil ang unang bagsak sa lupa ng bagyo ay sa Surigao.

Nang bumalik sa Siargao si Philmar ay hindi na niya makita kung nasaan ang kanilang bahay mula sa karagatan. Pare-pareho na lang kasi ang makikita dahil sa epekto ng alimpuyo ng bagyo.

Nakaligtas man ang kanyang pamilya ay napakasakit ng hagulgol ni Philmar. Du’n na niya nakita sa islang ‘yun ang kanyang kapalaran. Ang pagtuturo na ng surfing ang buslong pinagkukunan nila ng biyaya.

Napakasakit makakita ng isang matipunong lalaki na umiiyak, umiiwas siya sa mga camera, paputul-putol ang kanyang sagot.

Napakalapit sa kanyang puso ng Siargao, ang islang magkakakilala at nagtutulungan ang mga naninirahan, pero ngayon ay nakabitin sa kawalan kung paano sila makababawi.

Ipanalangin po natin ang buong Katimugan, pagaanin natin sa pamamagitan ng dasal ang kanilang kabuhayan, makabangon sana agad ang mga probinsiyang pinanggigilan ng bagyong Odette.

Show comments