MANILA, Philippines — Habang namamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng Typhoon Odette ang "Wowowin" host na si Willie Revillame, merong nag-substitute sa kanya sa programa — ang komedyanteng si Michael V.
Kilala sa kanyang impersonation ng mga personalidad, kuhang kuha ni Bitoy ang kilos, pananalita, pagkanta atbp. ni Kuya Wil habang pinangungunahan ang mga segments ng palabas gaya ng "Tutok to Win" nitong Miyerkules habang nagpapakilalang "Kuya Wowie."
"Kaya ako nandidito, si Kuya Wil lumipad papuntang Mindanao para maghatid ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyong 'Odette,'" wika ng Kapuso actor.
"Si Kuya Wowie ang kasama niyo ngayon at nabigyan tayo ng pagkakataon na mag-host... Kapag napaganda ang trabaho natin dito ngayon, baka makaulit tayo bukas!"
Sa huling taya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, aabot na sa 258 ang namamatay dahil sa hagupit ng bagyong "Odette" — maliban pa sa 568 nawawala at bilyun-bilyong halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura.
Sinasabing ito ang pinakamalakas na bagyong pumasok sa Pilipinas ngayong taong 2021.
Ilan sa mga lubhang naapektuhang rehiyon ng sama ng panahon ang MIMAROPA, Region 5, Region 6, Region 7, Region 8, Region 9, Region 10, Region 11, Region 12, CARAGA at BARMM.
Aniya, matagal na rin naman daw ginagaya ni Bitoy si Revillame kung kaya't nagkausap sila para pansamantala siyang humalili sa naturang palatuntunan.
Nagpaabot naman siya "good luck" kay Willie sa kanyang relief efforts sa probinsya habang hinihiling sa publiko na manatiling ligtas: "Sana wala nang mangyaring bagyo sa inyo, at 'wag kayong mag-alala, si kuya Wil ang bahala diyan," dagdag niya.
Kahit wala ang nakagawiang host ng programa, tuluy-tuloy naman ang pamimigay ni Bitoy ng aguinaldo kahapon na nagkakahalaga ng P20,000 in cash para sa mga swerteng natawagan sa telepono.
Revillame magpa-Pasko sa relief ops
Sa panayam kay Revillame ng Radyo Singko sa palatuntunang "Ted Failon and DJ ChaCha," sinabi ng TV host na mag-iikot siya sa Mindanao ngayong araw habang namamahagi ng tulong.
"Baka dito na ako mag-Pasko," paliwanag ni Willie ngayong Huwebes.
"Ito na lang ang Pamasko ko sa kanila [na mga nasalanta]. Kung meron tayong kauti, kahit papaano eh makatulong tayo."
Posibleng dumayo rin daw siya sa probinsya ng Bohol at ibang bahagi ng Visayas gamit ang kanyang helicopter bilang parte ng kanyang pakikipagbayanihan.
Nakasama ni Willie si Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Christopher "Bong" Go sa kanyang pagbisita sa Siargao, habang nag-donate naman ang nauna ng tig-P1 milyon sa siyam na munisipalidad nito bilang bahagi ng rebuilding efforts.
Personal na binisita ni Pres. Rodrigo Duterte ang mga biktima ng bagyong #OdettePH sa Siargao. Kasama ng pangulo ang TV host na si Willie Revillame na namigay ng cash assistance sa ilang munisipalidad na lubhang tinamaan ng bagyo. pic.twitter.com/lQf3MNy7Pc
— News5 (@News5PH) December 23, 2021
TV host Willie Revillame joins Pres. Rodrigo Duterte in his visit to Siargao for the victims of Typhoon #OdettePH. He also donates P1 million each to nine municipalities in Siargao for their rebuilding efforts.
— ONE News PH (@onenewsph) December 23, 2021
???? PCOO
RELATED: https://t.co/QlzfVEMAun pic.twitter.com/2DjAZymX9q
— may mga ulat mula sa News5 at ONE News