Singer na naging tomadora noon, may kapalit na ang nawalang mahal sa buhay!

May malalim palang kuwento kung bakit naligaw ng landas ang isang kilalang female personality nu’ng kanyang kabataan. Nahilig siya sa pag-inom, hanggang du’n lang, hindi siya nagdroga.

Napakadali niyang imbitahan sa inuman. Tumatakas siya sa bahay para lang makipag-inuman nang magdamagan sa kanyang mga kaibigan.

Kuwento ng aming impormante, “Mabait naman siya, pero meron siyang hinahanap na pagmamahal. Mula kasi nu’ng malaman niyang iniwan siya ng kanyang nanay at ipinamigay sa ibang tao, masyado siyang nasaktan.

“Ano nga naman siya, aso? Basta na lang ipamimigay? Mula nu’ng malaman niya ang kuwento ng buhay niya, e, parang naging outlet na lang niya ng sama ng loob ang pagnomo-nomo,” unang kuwento ng aming source.

Hindi lang siya sa bahay nila tumatakas, maging sa eskuwelahan ay kilala siya sa pagka-cutting classes, kasama ang mga kaibigan niya.

“Talagang humanap siya ng paraan para kahit paano, e, makapaglabas siya ng sama ng loob sa klase ng buhay na kinasadlakan niya. Mahal na mahal naman siya ang babaeng umampon sa kanya, wala siyang masasabi.

“Ang talagang hindi lang niya matanggap, e, ang pagiging parang aso niya o pusa na basta na lang ipinamigay ng sariling mother niya.

“Palagi siyang nasa inuman, napabayaan niya ang kanyang pag-aaral, mabuti na lang at nu’ng mapagpaliwanagan siya nang maayos ng umampon sa kanya, e, nahimasmasan ang female personality,” pabuntong-hiningang kuwento pa ng aming impormante.

Mula nu’n ay nangako ang female personality na magbabago na siya, hindi na siya makikipagbarkada, aayusin na niya ang buhay niya.

“Tumatakas pa rin siya sa bahay nila pero hindi na para makipag-inuman. Kung saan-saang lugar siya nakararating para sumali sa mga amateur singing contest!

“At nu’ng sumali nga siya sa isang malakihang singing contest sa TV, nagtagumpay ang female personality! Du’n na nagsimula ang maganda niyang buhay, nakilala siya, natupad ang mga pangarap niya!

“Tanggap na niya ang nakaraan, mahal na mahal niya ang umampon sa kanya, silang dalawa lang ang namuhay nang masaya. Kaya nga nu’ng mawala ang taong sumbaybay sa kanya, e, para siyang nalumpo.

“Nabali ang pakpak niya, ang taong ‘yun na lang kasi ang meron siya. ‘Yun din ang dahilan kung bakit sa kanyang pangungulila, e, saka naman dumating ang lalaking magmamahal sa kanya at mamahalin din siya.

“Sabi nga, kapag may umalis, e, may darating. Malapit nang magka-baby ang female personality, harinawang maging maayos ang panganganak niya,” punumpuno ng pag-asang pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kris, ipinagdarasal na madiskubre ang gamut sa kanyang sakit

Napakapayat na nga ni Kris Aquino. Kung dati’y ninety pounds ang kanyang timbang ay nabawasan pa ‘yun. Kapansin-pansin ang kanyang leeg na kitang-kita na ang mga buto.

Hindi siya puwedeng tumira sa lugar na malayo sa kanyang mga doktor, ‘yun ang dahilan kung bakit hindi siya makapagpatayo ng bahay sa Tarlac, maging sa Boracay na gustung-gusto pa naman niya dahil sariwa ang hangin sa isla.

Hindi siya puwedeng manirahan sa lugar kung saan matatagalan ang pagdating ng mga doktor niya kapag may nangyaring emergency. Nakalulungkot naman.

Pero lalaban siya, sabi ni Kris, para sa kanyang mga anak na sina Josh at Bimby. Maisip pa lang niyang wala nang makakasama ang magkapatid ay hindi na niya kinakaya.

Sa kabila ng dinaramdam ni Kris ay nakahanap pa rin siya ng panahon para makatulong sa mga kababayan natin sa Katimugan na sinalanta ng bagyo. Kasama niya si VP Leni Robredo sa pamamahagi ng tulong sa mga Pilipinong hindi lang bahay ang kinuha ng kalamidad sa kanila kundi pati mga buhay.

Maraming nagdarasal para gumaling na si Kris. Harinawang magkaroon ng saysay ang kanyang salapi para umayos na ang kanyang katawan.

Lagi naming naiisip na sana, lahat ng ginagawang kabutihan ni Kris nang buong puso ay bumalik sa kanya nang maraming beses sa paraan ng pagbuti ng kanyang katawan, hindi ng materyal na biyaya na hindi na niya kailangan.

Matagpuan na sana ang paraan para bumuti ang kanyang kalusugan, madiskubre na sana ang gamot na cure para sa kanya at hindi basta remedy lang, para hindi na siya nahihirapan.

Maigsi lang ang buhay. Itapon natin ang anxiety, tension, depression at kung anu-ano pang negatibong alalahanin na hindi naman makatutulong sa ating mental at physical health.

Sabi nga ng isang kaibigan naming doktor, “Worrying is hurrying to the cemetery.” Kapit lang! Laban lang! Dasal lang!

Palagi na lang nating iisipin na hindi tayo nag-iisa, may kahawak-kamay tayo sa laban, ang Diyos na kailanman ay hindi tayo pababayaan.

Right or left, SOS?

Show comments