Mukhang sa nagiging takbo ng entertainment industry sa ngayon, halos lahat ay naghahagilap ng puhunan para makapagsimula ng panibagong negosyo, o kung hindi man sila umalis sa show business, gusto na nilang mamuhunan on their own para mas mapabilis ang kanilang pagbabalik trabaho.
Marami kasing producers ang bantulot pang bumalik sa negosyo lalo ngayon at sinasabing may banta na naman ang Omicron variant ng COVID. Hindi rin maikakailang bagsak na naman ang negosyo sa Bisaya at Mindanao na binayo naman ng bagyong Odette.
Marami naman ang nakapagsimula na ng negosyo at siguro nga ay kailangan lang ng dagdag na puhunan, kagaya nga ni James Reid, na kumalas na sa kanyang dating producers at ngayon ay nagsasarili na nga bilang music producer, pero hindi naman siya makabanat nang husto dahil sa kakulangan din siguro ng puhunan.
Eh ano nga naman ang gagawin niya sa isang napakalaking bahay, wala pa naman siyang pamilya. Noon nag-live in sila roon ng dati niyang syotang si Nadine Lustre, naroroon siyempre ang possibility na baka magkaanak sila kaya ayos lang ang bahay na iyon. Eh ngayon naman ay wala na. Ano nga naman ang gagawin niya sa bahay na ang listed worth ay P82 milyon? Wise ngang ibenta na iyon, kumuha na lang siya ng condo tutal ay nag-iisa naman siya at puhunanin na niya ang pera sa kanyang recording business.
Isa pang nagbebenta ng bahay, na mas malaki pa dahil kung sabihin nga iyon ay isa nang mansion at nasa San Lorenzo Village pa sa Makati ay si Zsa Zsa Padilla, at ang asawa niya ngayong si Conrad Onglao. Ang market value daw ng mansion na iyon sa ngayon ay mahigit na 335 milyong piso na. Makakapagtayo ka na ng isang kumpanya noon, at saka sa ngayon hindi na practical ang ganoon kalaking bahay. Isipin na lang ninyo, ilang kasambahay ang kailangan ninyo sa paglilinis lamang ng ganoon kalaking bahay? Magkano ang kuryente mo at tubig kung ganoon kalaki ang bahay mo. Aba, kahit na sino ibebenta iyan.
Ok iyan kung gagawing embassy ng isang bansa, pero bilang residential mansion, hindi na yata practical.
Ganoon din naman ng naiisip ngayon ni Enrique Gil na mayroon palang beach house sa Anilao, Batangas na ang halaga ay halos P80 million din. Kaysa nga naman isang resthouse lang na bihira mo rin namang gamitin, eh di ibenta, gamitin ang pera sa negosyo at mas pakinabangan pa sa ngayon talagang dapat maging practical ka na.
Julio, nakabalik sa Indie
Iyon palang nababalita noong isang mahusay na actor na makakalabas na sa kulungan, ay si Julio Diaz ang tinutukoy.
Marami nang napagdaanan ang buhay ni Julio Diaz. May panahong kinikilala siya bilang mahusay na actor. Marami rin siyang pelikulang itinuturing na klasikong pelikula, kabilang na nga iyong Sakay. Pero nang tumamlay ang kanyang career, nagkaroon ng problema. May sinasabing nagkaroon siya ng bisyo.
Tapos na-stroke siya, at kailangan ngang magtulung-tulong ang kanyang mga kasamahan sa show business para maipagamot siya. Sa awa naman ng Diyos ay gumaling siya pero hindi pa nga lubusang magaling, nasangkot na naman siya sa isang controversy, nadampot naman siya ng mga pulis dahil sa kaso ng droga.
Matagal din siyang nakulong, at ngayon nga ay laya na siya at may nagawa na palang isang indie.
Siguro nga magandang simula na rin naman iyan para sa kanya. Mahusay pa rin naman daw siya sabi ng mga kasama, at maaaring magtuluy-tuloy na muli ang kanyang career, huwag na lang masasabit ulit. Sana naman ay hindi na.
Male personality, hindi na tinatago ang kabaklaan
Hindi na niya kailangang gumawa pa ng isang libro gaya ng isa pang singer, o sumali sa isa pang reality show kagaya ng isang dating actor para aminin niyang siya ay bading din.
In fact nag-aayos bading na siya, at gumagawa na ng mga indie kung saan nakikipagtalik na siya sa kapwa niya artistang lalaki.
Hindi man tuwiran, inaamin na niyang siya ay nakipagrelasyon na sa kapwa lalaki, at sa mga relasyong iyon aminado siyang siya nga ang gay. Hindi naman kasi ganoon kasensitibo ang katayuan ng kanyang career sa ngayon at hindi siya maaapektuhan kung bading man siya.
Ang problema na lang, papaano siya makakabawi kung sakali.