Naglaho na nga ang kinang ng kagandahan ng isang kilalang female personality. Nu’ng kanyang kabataan ay pinuputakti siya ng mga manliligaw, puro yayamanin ang humahanga sa kanya, pero pana-panahon nga ang bawat bagay.
Pagkalipas nang maraming taon ay naglaho na ang kanyang kaseksihan, ang kanyang katawan nu’n na pinagnanasahan ng mga kalalakihan ay naging doble na, wala nang naiwan sa kanya.
Kuwento ng aming source, “Hindi niya masyadong naalagaan ang sarili niya. Bakit ‘yung ibang mga kasabayan niya, e, magaganda pa rin naman ang katawan ngayon?
“E, ‘yun nga ang puhunan niya dati, di ba? Hindi naman siya kagandahan, ordinaryo lang ang itsura niya, pero dahil sa napakaganda niyang katawan, e, sumikat siya!” simulang reaksiyon ng aming impormante.
Nagpakakampante pala kasi ang female personality nu’ng mga nakaraang dekada. Dahil mayaman ang nakarelasyon niya ay hindi na siya nagpakaabala sa pagpapaganda ng katawan niya.
Patuloy ng aming source, “Walang-wala siguro sa utak niya na babalik pa siya sa pag-aartista, bakit pa nga naman siya babalik, e, napakayaman na niya?
“Nahihiga na siya sa salapi, bakit pa siya magpupuyat at magpapakapagod bilang artista? Pero may kani-kanyang panahon nga ang lahat ng bagay. Bumagsak ang negosyo ng karelasyon niya.
“Unti-unti, ramdam na ng girl na kailangan na niyang magtrabaho, malaking dagdag ‘yun sa kabuhayan showcase niya, pero nagulantang ang lahat dahil parang aparadoric beauty na siya! Mother roles na ang ginagampanan niya!
“May kamalditahan ang babaeng itey nu’ng kasagsagan ng career niya. Kapag may nagustuhan siya, nakukuha niya ‘yun, kahit awards! Kailangang meron siyang parangal para pag-arte naman niya ang napapansin at hindi lang ang magandang katawan niya!
“Anyare? Paano na siya ngayon? Wala nang lumilingon kapag dumadaan siya, unlike nu’ng magandang-maganda ang katawan niya na talagang sinusundan siya ng tingin ng mga tao!
“Kailangang tanggapin ng female personality na ito na tapos na ang kanyang panahon. Lalo na ang body niyang napakaganda-ganda, waley na!
“At huwag na siyang nagmamaldita, hindi na bagay sa kanya, wala na siyang maipagmamalaki ngayon. Manahimik na lang siya!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Siargao, wasak sa odette
Grabe ang pinsalang inabot ng ating mga kababayan sa Katimugan dahil sa matinding pananalanta ng bagyong Odette. Parang bagyong Yolanda ang pagkukumpara nila sa tindi ng hangin at ulan na ibinigay ni Odette.
Daan-daan ang nawalan ng bahay at may mga buhay ring nawala dahil sa bagyo. Nagngangalit ang hangin, umaapaw ang tubig sa mga ilog at dagat, kaya laganap ang baha.
Ang dinadayong isla ng Siargao, sa isang iglap ay nagmistulang ghost town, giba ang mga establisimyento, nakabuwal ang mga puno at bahay.
Wala talaga tayong maipagmamalaki sa buhay na ito. Ang napakagandang isla ay isang malakas na bagyo lang pala ang katapat. Buwan ang aabutin bago bumalik sa dati ang isla.
Sa Cebu, sa Leyte, sa Bacolod, sa Bohol, sa halos lahat ng probinsiya ng Kabisayaan ay umatake ang bagyo na halos wala nang itinira sa ating mga kababayan du’n.
Sina Andi Eigenmann at Nadine Lustre na itinuturing nang ikalawang bahay nila ang Siargao ay panay-panay ang panawagan ngayon para matulungan ang mahal nilang isla.
Salamat na lang dahil wala sila du’n nang sumalakay sa kanyang unang landfall ang bagyo. Pero paano nga naman ang mga nasalanta?
Maraming pulitiko ang nangako ng kanilang pag-ayuda, buti na lang at kahit panahon ng pandemya ay malapit na ang eleksiyon, may mga kumakandidatong nangangako ng tulong.
At kahit sa maliit nating kapasidad ay maaari tayong dumamay sa mga kababayan nating binagyo. Hindi naman kailangang malaki, ang maliliit na tulong kapag pinagsama-sama ay lilikha ng milagro, maraming mabibiyayaan.
Totoong-totoo ang nakasulat sa Bibliya na kapag nahabag tayo sa mga dukha ay nagpapautang tayo sa Diyos. May balik man o wala ang kabutihang ginagawa natin ay nakalista ‘yun sa libro ng Panginoon.
Harinawang makabangon agad ang mga probinsiyang sinalanta ng bagyo. Mahirap, walang kasinghirap ang mawalan ng bahay at kabuhayan, lalo ang mawalan ng mga mahal sa buhay.