Coco, sinunggaban ang pelikulang ina­yawan ng ibang aktor!

Pagkatapos ng taping ni Coco Martin sa Ang Probinsyano, dederetso pala siya ng Pampanga para sa shooting ng pelikulang gagawin niya kay direk Brillante Mendoza. Hindi siya talaga ang first choice sa pelikulang ito, pero tinanggap niya dahil maganda ang material at si direk Brillante ang direktor.

Apag ang title ng pelikula na pronounciation sa salitang ‘hapag’ ng mga Kapampangan. Sa Pampanga ito kukunan at puro Kapampangan ang dialogue kaya kasama sa cast sina Jacklyn Jose, Gladys Reyes at Sen. Lito Lapid na gaganap bilang ama ni Coco.

Ang project na ito ay nakuhang grant o sponsorship ng ibinigay kay direk Brillante ng Hongkong International Film Festival. “Binigyan ako ng parang sponsorship o grant ng Hongkong International Film Festival na gumawa ng film without sex, politics and violence. Kaya food na lang ang gawin natin. So ‘yun, nagkaroon ako ng opportunity to do it…food,” ayon kay Direk Brillante.

Bale magluluto raw sila rito nang magluluto na alam naman na­ting ang pagkain ang isa sa ipinagmamalaki ng Pampanga. Nabuo na raw nila ang cast at umokay na raw ang isang kilalang hunk actor na magiging lead actor sa pelikulang ito.

Ipinakiusap lang sa amin ni direk Brillante na huwag nang banggitin kung sino ang aktor, pero tinanggap na raw ng aktor na ito ang naturang project at aware siyang Kapampangan ang dialogue sa buong pelikula.

Kaya lang nung pinag-aaralan daw niya ang salitang Kapampangan at sinusubukan daw sa bahay nila, pinagtatawanan daw siya ng mga kapatid niya. Hindi talaga raw maalam sa salitang ito. Kaya natakot ang naunang aktor at umatras na ito.

Ang ikinawindang lang ni direk Brillante, mismong araw daw ng pull-out nila sa shooting ay umatras na ito.

Kaya biglang na-pack up daw sila at nagsimula na silang mag­hanap ng puwedeng ipalit. Binanggit daw ito ni direk kay Coco, at pinakiusapan kung puwedeng siya na lang ang gagawa.

Nasa set pa raw noon si Coco ng Ang Probinsyano at sinabing kung puwede siyang hintayin ng December 19 na matatapos na ang taping niya sa kanyang teleserye, okay lang daw siya.

Nagkasundo na raw sila sa schedule at iyun na nga magsisimula na raw sila ngayong araw at susunod na lang si Coco.

Mas gumanda pa tuloy ang casting ng pelikulang ito dahil sa pagpasok ni Coco Martin.

Natuwa pa raw siya dahil closed naman talaga sina Coco at Sen. Lapid, mas nag-swak na sila ang mag-ama sa pelikulang ito.

“You’ll be surprised bagay na bagay siya dito. Magiging tatay siya ni Coco,” dagdag na pahayag ni direk Brillante na naka-dinner namin sa kanyang Napakagandang tahanan sa Mandaluyong nung nakaraang Huwebes ng gabi.

Kim, muntik nang tumira sa Canada

Ano kaya ang pasabog ni Kim Chiu sa fluvial parade ng Metro Manila Film Festival sa Linggo?

Kinarir talaga ni Kim ang promo nitong MMFF entry niyang Huwag Kang Lalabas dahil sa kanya identified ang title ng pelikulang ito.

Pinasikat niya ang linyang ‘bawal lumabas’ nung nagsimula ang pandemic, at Huwag Kang Lalabas ang pelikula ng Obra Cinema na ipinagpasalamat nila dahil tinanggap ni Kim ang project na ito.

Parang vindicated na nga si Kim dito dahil katakot-takot na bashing ang inabot niya sa statement niyang ‘bawal lumabas’, pero nalagpasan niya ito at ngayon ay naging pelikula na. “Nung nagsimula yung ‘bawal lumabas’ issue, natatakot din po ako sa mga tao,” pakli ni Kim sa nakaraang presscon ng pelikulang Huwag Kang Lalabas. “Umabot po ako sa punto ng buhay ko na ang tingin nila sa akin ay parang ang bobo bobo ko, ang tanga tanga ko. Wala naman akong ginawa, nagtanggol lang naman ako. Kayo naman, sobra naman kayo.

“Kasi parang iba ang tingin nila sa akin, so natakot ako. Mga dalawang buwan yata ako hindi lumabas ng bahay.

“Naisip ko, sa Canada na lang ako para wala ng judgmental people. Puntahan ko na lang ang kapatid ko, umabot sa ganun.

“Parang ang daming fears na sumasailalim sa bawal lumabas, ang pandemic ang judgmental people. At the end of the day, nalagpasan ko silang lahat. Heto ako, nagpu-promote ng movie,” napapangiti na niyang pahayag.

Si Kim ang bida sa Hotel episode ng Huwag Kang Lalabas.

Show comments