Aktor na nakasandal na pader, nakatakdang magbago ang kapalaran
Kung magbiro nga naman ang kapalaran, masakit, makirot. Ang buong akala kasi ng isang kilalang lalaking personalidad ay nakadrowing na ang kanyang kinabukasan.
Hindi na siya maghihirap. Kahit wala siyang gawing proyekto ay sigurado na ang kanyang kabuhayan showcase. Mamumuhay na siya nang bonggang-bongga dahil nakasandal na siya sa napakatibay na pader.
Kilalang-kilala ang male personality na ito sa pagiging langgam. Kung nasaan ang asukal ay paniguradong nandu’n siya. Hindi siya nakikipaglapit sa mga taong hindi siya mananagana.
Kuwento ng aming source, “Paano na ‘yan ngayon? Saan na siya pupunta? Hahanap na lang ba siya uli ngayon ng kahit sinong masasandalan niya? Ano na ang magiging kinabukasan niya?” opinyon-tanong ng aming impormante.
Sumpa ng mga sumpa. Ang pader na pinagkukunan ng pag-asa ng male personality ay kumalas na sa laban. ‘Yun pa naman ang kanyang inaasahan. Kapag nanalo ang kanyang manok ay buhay-hari na rin siya.
Patuloy ng aming source, “Mula nu’ng kumapit siya sa taong ‘yun, e, wala na siyang pakialam kesehodang wala siyang project! Bakit pa nga naman siya magtitiis na magpagod at magpuyat, e, napakahayahay ng buhay niya sa kinakapitan niyang pulitiko?
“Buhay na buhay na siya at ang pamilya niya. Wala na siyang aalalahanin dahil meron na siyang mina ng ginto!
“Aanhin pa nga naman niya ang pag-arte? Halos hindi na siya nakakapagpahinga, e, puyat na puyat pa siya at maliit lang naman ang talent fee na tinatanggap niya?
“Napakadali nga naman ng work niya sa pulitiko, bubuntut-buntot lang siya at puri nang puri, e, sigurado na ang bulsa niya! Dinaot na naman ang male personality!
“Ganyan na ganyan din ang ginawa niya sa mga taong napakalaki ng naitulong sa buhay niya! Kalat-kalat ang pagkakautang niya sa mga taong ‘yun, pero nu’ng makalapit na niya ang pulitiko, e, tinalikuran na lang niya ang mga dapat niyang tanawan ng utang na loob!
“Ni hindi man lang niya makumusta, ni ha, ni ho, waley! Kasi nga, e, maayos na ang buhay niya, nasusunod na niya ang layaw niya!
“Paano na siya ngayong umurong na sa laban ang manok niya, saan na naman siya maghahanap ng pukyutan para iasa ang kabuhayan niya?
“Babalik na naman siya sa pag-arte, kahit pa maliit lang ang TF na tatanggapin niya? Ganu’n talaga ang mga langgam, wala ring kasiguruhan ang kinabukasan at kapalaran!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Ritz, sinuwerte sa kabaitan sa pamilya
Niregaluhan ng kapalaran si Ritz Azul. Madalas namin siyang kasama nu’n dahil homegrown talent siya ng TV5. Mabuti siyang anak sa kanyang mga magulang at walang kaere-ere.
Ipinanganak sa Saudi Arabia si Ritz dahil parehong OFW ang kanyang mga magulang. Nang makapag-ipun-ipon na ang mag-asawa ay nagdesisyon silang bumalik na sa Pilipinas.
Nagtayo sila ng negosyo, maliit na hanapbuhay lang, pero hindi pinalad ang mga magulang ni Ritz. Naubos ang kanilang naipon, naghirap ang pamilya, damay ang pag-aaral ni Ritz.
Hinding-hindi makakalimutan ni Ritz ang isang panahon sa kanilang buhay. Umuwing umiiyak si Ritz, hindi siya pinayagang makakuha ng exams, patung-patong na kasi ang hindi niya nababayarang matrikula.
Umiiyak din ang kanyang mga magulang, wala silang maaasahan, kaya nagpunta sa kanilang likod-bahay ang kanyang ama at pinutol ang isang buwig na saging. Ibinenta nito ang produkto, salamat dahil nabili naman, ang pinagbentahan ay ipinambayad nila sa pinapasukang eskuwelahan ni Ritz.
Ang pinagdaanan niyang kahirapan ang dahilan kung bakit nagsikap si Ritz. Gusto niyang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga magulang.
Palagi kaming naniniwala na ang anak na marespeto at mapagmahal sa kanyang magulang ay nireregaluhan ng kapalaran. Nakilala si Ritz, naiangat niya ang kanilang pamumuhay at nakilala pa niya ang bilyonaryong si Allan Guwi, na dalawang beses siyang pinakasalan.
Pagkatapos ng kanilang bonggang kasal sa Baguio ay isa pang kasalan ang ginanap naman sa Palawan. Una at huling boyfriend ni Ritz ang kanyang napangasawa.
Mabuti ang puso ni Ritz, wala siyang galit kaninuman, kahit pa kung minsan ay may mga nananakit na sa kanyang pagkatao. Umiiyak na lang siya at piping saksi kami sa mga pagkakataong ‘yun.
Kahit pa puwede na siyang magbuhay-reyna ngayon sa piling ng kanyang asawa ay malaya pa rin siyang makapag-aartista. Hindi hinaharangan ni Allan ang kanyang mga pangarap.
Sabi ni Ritz, “Napakabait po ni Lord sa akin. Lahat po ng pinagdaanan kong hirap, sobrang ibinalik Niya sa akin ang regalo sa pagtitiis ko.”
- Latest