Enzo, nangangarap manalo ng Oscar Award

Enzo
STAR/ File

Taong 2009 nang nagsimula si Enzo Pineda sa show business bilang isa sa mga contestant ng Starstruck Season 5 ng GMA 7. Mula noon ay kabi-kabilang proyekto na ang nagawa ng binata sa telebisyon at pelikula. Kamakailan ay nakasungkit ng Best Supporting Actor award si Enzo mula sa FAMAS para sa pelikulang He Who Is Without Sin.

Halos hindi raw makapaniwala ang aktor na nagkamit siya ng parangal sa kauna-unahang pagkakataon pagkalipas ng mahigit isang dekada. “Finally, after twelve years nakakuha rin ako ng acting award. Iniisip ko na nga, baka hindi ako mahal ng acting, ng passion ko, baka one-sided lang ‘to. Since right now, I’m doing a lot of different things, parang hindi na nga siya pumapasok sa utak ko lately. Tinanggap ko na sa sarili ko na maybe I should do something else for the meantime,” makahulugang pahayag ni Enzo.

Ayon sa aktor ay talagang nagsusumikap siyang pagsabayin ang pag-aaral at ang pagiging isang artista. Bukod dito ay abala rin si Enzo sa kanyang training bilang isang reservist sa ilalim ng Philippine Marine Corps. “Kinalimutan ko na muna ‘yung acting lately sa totoo lang. I guess bumabalik kasi nanalo ako ng award. I still belong pala. Ang daming days na I doubted myself. May point na, ‘Do I still want to be an actor?’ Kinuwestiyon ko na rin ‘yung sarili ko. Hindi ako pinanganak na magaling na aktor. I really did my homework. It’s more of putting in the time, the effort, the hard work kaya ako nagkaroon ng award,” paliwanag niya.

Dahil sa nakuhang parangal ay nangangarap ngayon si Enzo na makasungkit naman ng Best Actor Award sa mga susunod na taon. “I want to aim high, definitely. I want a best actor award. Hopefully, with the film that I did recently. ‘Pag lumabas na sila, those can land me a nomination sana. I’m going to shoot for the stars na rin. I named my dog Oscar, because I want to have an Oscar award someday,” pagtatapos ng aktor.

Paolo, on the spot na tinuruang mag-drive ni Eula

Natutong magmaneho si Paolo Gumabao ng manual transmission na kotse dahil kay Eula Valdes. Tinuruan umano ng beteranang aktres ang binata dahil sa isang eksenang nagawa nila sa teleseryeng Huwag Kang Mangamba kamakailan. “Ako naman, I know how to drive pero pagdating ko doon sa set, it turns out, ‘yung kotse na gagamitin ng character ko na pang-drive sa amin ni Eula Valdes ay manual. Hindi ako masyadong sanay, hindi ako marunong mag-manual. Sinabihan nila ako na I have to drive. So tinuruan po ako ni Miss Eula. On the spot kung paano mag-drive ng manual. And awa naman ng Diyos, nagawa ko naman,” kwento ni Paolo.

Hinding-hindi raw makalilimutan ng 23 taong gulang na aktor ang pagtuturo sa kanya ni Eula kung paano magmaneho ng manual na sasakyan. Isa raw itong nakakatawang karanasan para kay Paolo . “Isa ‘yon sa pinaka-memorable sa akin kasi nakakatawa eh,” dagdag ng aktor.

Samantala, hanggang ngayon ay halos hindi pa rin makapaniwala si Paolo sa kanyang pagkapanalo bilang Best Actor sa ginanap na Annual Filipino International Cinefestival para sa pelikulang Lockdown. “Hindi siya masyado pang nag-sink in sa akin. Parang, wait lang, ‘Totoo ba ito?’ I was actually laying down on bed no’ng nalaman ko. Tapos napatayo talaga ako, tumalon-talon talaga ako. Then I went out straight to my mom and I told her na nanalo nga ako ng best actor. Pati siya hindi rin makapaniwala,” paglalahad ng binata.

(Reports from JCC)

Show comments