Ang dami-daming nagsasabi na napakasuwerte ng isang pamosong babaeng personalidad sa larangan ng pag-ibig. Pareho silang kilalang-kilala, matagumpay sila sa kani-kanilang larangan, wala nang kulang sa kanilang relasyon.
Pero bakit kaya iba ang pakiramdam ng mga taong nakapaligid sa kanila? Bakit may mga nagsasabing hindi naman masuwerte ang female personality? Ano ba kasi ang kanilang nakikita?
Kuwento ng aming source, “’Yun din ang tinatanong ng mga nakakausap ko. Bakit daw ang guy lang ang sinuwerte, hindi naman ang girl? Kitang-kita raw na ang girl lang naman ang very open sa love niya sa mister niya, pero ang guy?
“Parang wala lang daw! Kulang daw sa asukal ang pagmamahalan nila, wala raw silang maramdaman sa lalaki, ang girl lang daw ang bigay na bigay!” unang tanong-opinyon ng aming impormante.
Sa maraming pagkakataon na humaharap sa mga camera ang mag-asawang personalidad ay may napapansin din ang ating mga kababayan. Parang ang babae lang talaga ang may matinding pagmamahal sa kanyang mister.
Patuloy ng aming source, “Totoo nga ‘yun. Kapag magkasama sila, e, sa anak lang nila naka-focus ang guy. Puro ang anak lang ang inaasikaso niya, parang wala siyang pakialam sa girl!
“Kaya nga nu’ng minsang may lumabas na blind item na may pinopormahang girl sa isang bar ang guy, e, napakadaling nahulaan ng marami kung sino ang guy!
“Wala mang clue, ang dami-daming nakahula na ang husband ng female personality ang taong ‘yun! Kasi nga, marami silang napapansin sa relasyon ng mag-asawa.
“May kulang talaga sa kanila, wala ‘yung sweetness na inaasahan mula sa kanilang dalawa. Mag-asawa naman sila, di ba? Pero walang nararamdaman sa kanila ang mga nakakakita sa kanila,” sabi pa ng aming source.
‘Yun daw siguro ang dahilan kung bakit parang nangunguluntoy ang itsura ng female personality, kung bakit sobrang payat niya na halos tuyot na, may problema talaga sa kanilang pagsasama.
Dagdag na impormasyon pa ng aming source, “Kaya ganu’n ang mga mata ng girl, walang glow, hindi nagsi-shine. Trabaho na lang sila nang trabaho, magkaiba ang linya nila, nililibang na lang siguro ng girl ang sarili niya, kumikita pa siya!
“Bakit kasi maghahanap pa ng iba ang guy kung nand’yan naman siya?” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Rita at Ken, sinuwerte sa kanilang pelikula!
Ganu’n naman talaga. Dumarating ang biyaya sa tamang panahon. Hindi puwedeng unahan, lalong hindi puwedeng pilitin, sumasakamay ‘yun sa eksaktong panahon ng Diyos.
At ito na ang pinakahihintay na pagkakataon nina Rita Daniela at Ken Chan. Unang pelikula nilang magkatambal ang Huling Ulan Sa Tag-Araw.
Tanggap na sila bilang magkapareha sa telebisyon, pareho silang magaling, biniyayaan sila ng magkaibang talento. Pero ngayon lang sila itatampok sa mas malaking telon.
Sinuwerte pang makapasok sa MMFF ang dinirek ni Louie Ignacio, isang magaling ding pintor, tiyempo pa sa pagbubukas ng mga sinehan. Nagkita-kita ang lahat ng suwerte para sa kanilang pelikula.
Palagi naming gusto si Ken Chan. Sinusubaybayan namin ang mga pinagbibidahan niyang serye. Ramdam kasi namin na mabait ang aktor, walang kaangas-angas, disiplinado at masikap.
Ganu’n din si Rita, bukod sa magaling na itong singer ay napakasimple pa nitong umatake sa mga ipinagkakatiwalang papel sa kanya, kumbaga sa duet ay talagang sakto sila ni Ken.
Sabi sa amin ni Salve Asis, “Nay, kailangang mapanood mo ang movie nina Rita at Ken. Pokpok du’n si Rita na nagka-cancer, magpapari naman sana si Ken. Sayang kapag hindi mo pinanood.”
Sabi naman ng iba pa naming mga kapwa manunulat, pagkatapos daw nilang panoorin ang Huling Ulan Sa Tag-Araw ay kuntento sila, hindi raw nasayang ang kanilang panahon.
Naging panauhin namin sina Ken at Rita sa Cristy Ferminute, pareho kami ni Romel Chika na interesado sa kanila, kabisado namin ang kanilang nakaraang buhay.
Pareho silang may hugot sa kahirapan, katangiang wala ang mga personalidad na lumaki sa ginhawa, kitang-kita ang hugot na ‘yun kina Ken at Rita sa mga seryeng pinagbidahan nila.
Masaya kami para kina Ken at Rita. Ang mga ganitong artista ay dapat lang binibiyayaan ng kapalaran dahil marunong silang maghintay.
Sabi nga, “Trust God even when the answer is wait. Trust His timing, not ours. God never said that the journey would be easy, but He said that the arrival will be worthwhile.”
Ito na ‘yun para kina Ken Chan at Rita Daniela.