Curious lang kami kung may gagawin pa bang drama series si Derek Ramsay sa GMA 7.
Kung hindi ako nagkamali, matatapos na ang kontrata niya sa taong 2022 pero isang drama series pa lang ang nagawa niya.
Ngayong mag-asawa na sila ni Ellen Adarna, sinabi ng Kapuso actor na sa pamilya raw muna siya mag-focus.
Nakatsikahan ng partner ko sa DZRH na si Morly Alinio si Derek nung nakaraang Linggo, at nagpahayag ang aktor na hindi raw muna siya gagawa ng drama series. “No plans talaga for now. Next year may international movie ako. So, focus ako dun,” pakli ni Derek.
“Pahinga muna ako from teleserye. Alam mo naman ako, sinabi ko sa mga interview natin ‘pag nag-umpisa na ako ng pamilya, talagang ‘yun ang focus ko. So, ‘yan kakasal lang namin. Wala eh. Hindi ako makaka-focus sa ibang bagay kundi pamilya ko. I really need to just take a break and enjoy the next chapter of my life,” dagdag niyang pahayag.
Kaya ewan ko kung okay ba ang relasyon ni Derek sa Kapuso network. Bukod sa international film na gagawin ng aktor, gusto rin daw muna niyang ituloy ang honeymoon nila ni Ellen sa Africa.
Balak daw nilang umalis patungong Africa bandang second week of January next year at isasama raw nila si Elias. “Gusto namin ma-experience ni Elias ‘yung na-experience namin. Pinag-iisipan namin ni Ellen ito eh, na kung nandun na kami tapos ‘yung mga makikita namin iwi-wish siyempre na makita ni Elias ‘yun. ’Yung Safari, once mo lang gagawin ‘yun eh. Maganda kung makasama namin si Elias, para ma-experience din niya,” sabi pa ni Derek.
Gusto man daw nilang isama ang panganay niyang si Austin, hindi lang daw kayanin dahil nag-i-school na ang kanyang anak at may girlfriend na nga raw ito.
Masaya si Derek sa pagsasama nila Ellen dahil wala raw silang ka-pressure pressure. Hindi raw sila nag-aaway at ini-enjoy lang daw nila ang prank sa isa’t isa. “Wala kaming away. Sobrang positive ang energy dito sa bahay. Parang big brother lang ano?” napapangiti niyang pahayag.
Natatawa pang kuwento ni Derek, naloloka raw si Ellen sa kapapanood ng online concert ng BTS. Mamahaling ticket na VIP pa raw ang binibili at hindi lang minsan kundi four times daw niyang pinapanood ito. “Alam n’yo magkano ang ticket ng BTS, 1,500 dollars. Tapos 4 days. Magkano na ‘yun 6k dollars?” natatawang kuwento ni Derek.
Rita, emosyonal sa pelikula
Hindi napigilang maluha ni Rita Daniela sa presscon ng pelikulang Huling Ulan sa Tag-araw nila ni Ken Chan na entry ng Heaven’s Best Entertainment sa nalalapit na Metro Manila Film Festival.
Hindi lang maidetalye ang kuwento ng pelikula, pero meron kasing Cancer patient sa isang karakter ng naturang pelikula at nung nabasa raw ni Rita ang script, gustung-gusto raw niyang gawin dahil alay daw niya ito sa kanyang ina na isang cancer survivor. “I dedicate this movie for my mom. She was diagnosed with breast cancer two years ago. That’s why I’m very very happy because I think my Mom would be so proud of me and my Dad also. I’m just so happy po talaga,” pahayag ni Rita.
Sobrang tuwa nila ni Ken sa pelikulang ito na nabuo nila ito sa gitna ng pandemya.
Ginawa raw nila ito na wala pa silang katiyakan kung kailan ipalalabas at kung saan dahil sarado pa noon ang mga sinehan.
Wala raw sa hinagap nila maipalalabas na ito at kasali pa sa Metro Manila Film Festival.
“Siguro nga po, talagang in God’s time na talagang binibigay sa amin ni Lord na ang sabi niya sa amin, ‘maghintay kayo dahil may perfect time para sa pelikula na ‘yan at mas gusto ko na mas maraming taong makakakita nito, at ito nga po ang araw na ito,” sabi naman ni Ken.
Pero sa totoo lang, magaling silang dalawa rito lalo na si Rita na baklang-bakla sa pelikulang ito.