Janine, maraming natutunan sa mga katrabaho
Nasa ikalawang season na ngayon ng teleseryeng Marry Me, Marry You na pinagbibidahan nina Janine Gutierrez at Paulo Avelino.
Masayang-masaya ang aktres dahil sa loob ng ilang buwan ay marami nang natutunan mula sa mga kasamahan sa proyekto. “Sobrang saya ng experience. Parang naging pamilya talaga kami sa taping at sa set. Ang laki din ng pasasalamat ko kay Ate Shine (Sunshine Dizon), Ms. Pie (Cherry Pie Picache) at Ms. Vina (Morales). Kasi sobrang dami kong natutunan sa kanila na feeling ko mga ate, tita at nanay ko talaga sila,” pagbabahagi ni Janine.
Sobrang sarap umano sa pakiramdam ng aktres dahil tinangkilik ng mga manonood ang kanyang kauna-unahang proyekto sa ABS-CBN.
Ayon kay Janine ay kailangang pakaabangan ng mga tagahanga ang bawat eksena na kanilang ginawa. “Kahit alam ko ‘yung mga mangyayari, excited pa rin ako no’ng nakita ko ‘yung mga bago for season 2. Dapat abangan pagdating sa relationships sa pag-ibig at sa pamilya. I’m glad na nakaka-touch kami ng iba’t ibang buhay through Marry Me, Marry You. Kaya sobrang thank you sa lahat ng nanonood. Alam ko na madami talagang nakaka-relate sa ganitong klaseng kwento ng pag-ibig at pamilya. Kaya talagang enjoy na enjoy ko talaga ito,” paglalahad ng dalaga.
Sa taping pa lamang ay talagang pinanood daw ni Janine ang kanyang mga kasamahan sa mga ginagawang eksena.
Ryan, aayusin muna ang kabuhayan ng mga magulang bago mag-asawa
Taong 2010 nang magsimula si Ryan Bang sa show business. Sa loob ng sampung taon ay hindi naging madali ang mga pinagdaanan ng aktor sa industriya. Hindi rin marangya ang buhay ng pamilyang pinanggalingan ni Ryan sa Korea. Kaya naman talagang nagsumikap ang aktor sa Pilipinas at ngayon nga ay mayroon ng ilang mga negosyo. “2020 ako nag-start ng negosyo. Ngayon meron akong salon (Moridu Art), Ducup (food business), tapos Jaba Kimchi (bottled Kimchi), siyempre partner kami sa Dookki (Korean Tapokki Buffet restaurant), apat ‘yon, sa SM North, Mega Mall at SM Clark,” pagbabahagi ni Ryan.
Naisipan din umanong pasukin ng binata ang pagnenegosyo para sa kanyang magiging pamilya sa mga susunod na taon. “Kasi mag-aasawa na ako, kailangan kong mag-asawa. Mag-aasawa na ako pero wala pa akong girlfriend. Masyado raw akong OA,” natatawang pahayag ng It’s Showtime host.
Puspusan din ang ginagawang pagtatrabaho ni Ryan para sa mga magulang na matagal nang nagkahiwalay. “Binigyan ko ng condo ang mommy ko. Ang next ko naman, magbigay ako ng condo kay daddy. Tapos gusto ko magbigay sa mommy ko ng real estate (company) na pangalan niya kasi trabahador lang siya eh. Gusto kong magbigay ng sariling negosyo kapag okay na ako. ‘Yung daddy ko naghirap, naging taxi driver dahil nalugi ‘yung billiard bar. Gusto ko siya bigyan ng billiard bar, maliit lang. Mommy ko, daddy ko, may negosyo, may tig-isang condo, pwede na akong mag-asawa. Ayoko kasi ako magsisi ako habangbuhay. Oh, may asawa ako, maganda ang buhay ko, maganda ang eskwelahan ko. Tapos ‘yung mommy ko nagtatrabaho, ‘yung tatay ko taxi driver. Ang pangit ko, hindi ako pupunta heaven, mapupunta ako hell. I-settle ko muna ‘yung magulang ko. Then mag-asawa ako, i-settle ko rin ‘yung magulang niya (magiging asawa). Gusto ko i-settle muna ang magulang ko then saka ako mag-asawa,” paliwanag ni Ryan. (Reports from JCC)
- Latest