Ninong Ry, naging inspirasyon ang buhay

Ninong Ry
STAR/ File

Maituturing na inspirasyon ang buhay ng popular na chef at businesssman na si Ninong Ry o Ryan Morales Reyes.

Marami rin kasi siyang pinagdaanang pagsubok bago niya narating ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

Matatandaang sa isang breadmaking workshop, sumabog ang ginagamit niyang oven noon. Nagtamo siya ng second at third degree burn sa kanyang mukha at braso.

Pero hindi naging hadlang ang sakunang iyon para hindi niya pagsikapang makabangon.

Ngayon, isa na siya sa mga sinusubayba­yang social media star pagdating sa kanyang cooking videos na more than a million na ang followers sa YouTube.

Aniya, kung dati ay pampalipas-oras ang ginagawa niyang content para sa kanyang vlog, ngayon daw ay ito ang pinagmumulan ng kanyang fulfillment.

“‘Yung content creation ko was just there to relieve anxiety. Kasi tulad ng lahat ng Filipino, naapektuhan din ng pandemic ‘yung ginagawa ko noong panahon na ‘yun,” aniya.“I needed something to direct my attention. Kasi bumaligtad bigla ‘yung mundo ko, eh. Bigla akong nawalan ng gagawin. So bumalik ako sa primal source of joy ko – cooking,” dugtong niya.

Pagbabahagi pa niya, natutuwa raw siya dahil marami ang nag-eenjoy sa panonood ng kanyang cooking videos kasama na ang kanyang mga inaanak (tawag niya sa kanyang followers).

Nagpapasalamat din siya kina Erwan Heusaf at Wil Dasovich dahil ang mga collaboration daw niya sa mga ito ang naging daan para mas maging matagumpay pa siya bilang isang content creator.

Bilang isang chef, isa sa specialty ni Ninong Ry ang paggawa ng pizza.

“I remember we have this Hanabishi oven toaster nung bata ako. Isa rin ‘yun sa mga nag-ambag sa desire ko sa pagluluto,” pagbabalik-tanaw niya..

Si Ninong Ry ang pinabagong brand ambassador ng Hanabishi Appliances, ang pinagkakatiwalaang brand pagdating sa home appliances.

Sa pamamagitan din ng videos ni Ninong Ry sa Hanabishi, layunin ng kumpanya na maipakita kung paano magiging madali at nakawiwili ang pagluluto na isang oportunidad din para mag-bonding ang pamilya ngayong Pasko.

Show comments