Komedyante na maraming sinunog na pera sa online sugal, nagbebenta na lang ng siomai ngayon
Pinagtatawanan na lang ngayon ng isang kilalang komedyante ang mga naging karanasan niya nu’ng mga panahong hindi niya pinahahalagahan ang kanyang kinikita.
Halos magdamag siyang sumasalang para magpatawa sa isang comedy bar, ngawit na ngawit na ang panga niya sa pagpapahalakhak sa mga kostumer, pero sinasayang lang ng beking stand-up comedian ang kanyang pera.
Kuwento ng aming source, “’Yun ang time na nalokah siya sa pagpindut-pindot, pagkatapos ng work niya, gora na siya agad sa online sugalan. Wala siyang naiuuwing datung, palagi kasi siyang olats.
“Kapag pauwi na ang beki, nangungutang na lang siya ng pang-taxi sa mga kakilala niya. Grabe ang pagkadupang niya nu’n sa online gaming!” pag-alala ng aming impormante.
Malakas kumita ang beki, kilala na kasi siya kahit sa malalayong probinsiya, madalas siyang napapanood sa TV ng ginagaya ang boses ng isang sikat na female personality.
Balik-kuwento ng aming source, “Pagbalik niya sa Maynila, daang libo ang datung niya! Ganu’n na katas ang talent fee niya. Kaso, hindi muna siya umuuwi sa inuupahan niyang apartment, sa online gaming muna siya tumutuloy.
“Natural, kinakain ng makina ang kadatungan niya, pang-taxi lang ang natitira sa kanya, olats na naman ang bakla! E. madalas siyang puntahan ng land lady niya, naniningil, puro pangako ang sinasabi niya!
“Inuuna pa niya ang bisyo niya kesa sa magbayad ng mga pagkakautang niya! Pinagtataguan niya ang kasera. Kapag nagpupunta na para maningil ang may-ari ng apartment, hindi siya sumsagot!
“Pero kailangan niyang maligo para pumasok na sa trabaho niya sa comedy bar! So, kapag naliligo ang bakla, e, tahimik na tahimik lang siya! Pati ang lagaslas ng tubig mula sa shower, kontrolado niya!
“Walang kaingay-ingay ang paliligo niya dahil kung mag-iingay siya, e, malalaman ng kasera na nandu’n pala siya! Magkatabi lang ang apartment nila ng land lady.
“Pinagsisisihan na niya ‘yun ngayon, kung inipon nga naman niya ang kinita niya nu’ng mga panahong ‘yun, e, siguradong meron na siyang bahay!
“Ngayon pa namang pandemya, walang raket ang mga katulad niya, kaya lalo siyang naiinis! Napakalaki nga naman kasi ng sinunog niyang pera nu’n dahil sa sugal!
“Pero marunong siyang dumiskarte, meron siyang raket ngayon habang sarado pa rin ang mga comedy bar! Nagbebenta siya ng siomai, kinakantahan pa niya ang mga customers niya, kaya marami siyang suki.
“Magaling si ate! Nakakaraos siya kahit paano ngayon, alam niya kasi na walang himala ngayong pandemya kung hindi siya kikilos!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Pinoy rock icon Heber Bartolome, namatay sa atake
“Tayo’y mga Pinoy, tayo’y hindi Kano, huwag kang mahihiya kung ang ilong mo ay pango…” Sino ba ang makalilimot sa likhang piyesang ito ng Pinoy Rock Icon na si Heber Bartolome ng Banyuhay?
Ang makasaysayang kuwento ng anak-mahirap na si Nena, karpintero ang ama at labandera ang ina, kaya hindi ito nakapag-aral. Isang gabi ay nakita na lang ang kanilang mga kapitbahay si Nena, naka-make-up, maigsi ang damit, maghahanap na ng kostumer sa madidilim na lugar sa Ermita.
At marami pang awiting likha ni Heber Bartolome na isa sa mga itinuturing na poste ng Pinoy Rock. Mga huling taon ng dekada ’70 nang makilala namin siya. Tagahanga niya kami.
Tatlo silang magkakapatid sa Bandang Banyuhay (Banda Ng Buhay), mahuhusay silang tumugtog ng lahat ng instrumento, kumakanta rin sina Levi at Jessie.
Lunes nang gabi ay tumawag sa amin si Lolita Carbon ng Asin, “Nay, wala na ang kaibigan natin, heart attack.” Pareho kaming hindi nakarating ni Lolita sa ipinang-imbitang selebrasyon ng kaarawan ni Heber nu’ng nakaraang November 8 sa kanyang bahay.
Kalamansi sa sugat ang pagpanaw ng aming kaibigang musikero, pintor at kompositor. Ilang taon na ang nakararaan ay niregaluhan niya kami ng kanyang obra.
Ang tagpo ay sa isang rally, nag-alisan na ang mga aktibista, “Ang Naiwan” ang titulo ng painting. Isang tsinelas na de-sakbat ang kanyang binilugan sa kanyang obra. ‘Yun na lang ang naiwan kasama ang maraming basura sa kalye.
Nu’n pa sinasabi sa amin ni Heber na marami na siyang sakit. “Mag-uunahan na lang sila kung alin ang ikamamatay ko,” pagbibiro pa niya.
Palagi naming aalalahanin si Heber Bartolome bilang mang-aawit-kompositor na makabuluhan ang mga piyesa na nanunuot sa puso at kunsensiya. Isa siyang malaking kawalan sa mundo ng musika na minahal niya.
Magpahinga ka na, kapatid-kaibigang Heber Bartolome, sobrang pagod ka na sa paghihintay ng pagbabago ng sistemang noon mo pa ipinaglalaban.
- Latest