Ate Vi, natulungan nina Luis at Jessy sa anxiety attacks
Aminado si Vilma Santos-Recto na talagang matinding kalungkutan sa araw-araw ang naidulot sa kanya ng COVID-19 pandemic. Nakatulong umano sa Star for All Seasons ang pananatili ng anak na si Luis Manzano at manugang na si Jessy Mendiola sa kanilang tahanan sa Batangas kamakailan upang pansamatalang maibsan ang kalungkutan. “It was an anxiety-ridden year. Grabe ito, paggising ko pa lang negative na ako. ‘What’s going to happen today? Who’s going to die?’ Really bad, naging malungkot ako. Nagkaroon ako ng panic attacks. It was good also, nag-stay for more than a month sina Jessy and Lucky sa bahay. Malaking tulong ‘yon para sa akin, para maka-cope up ng anxiety na dinaranas ko. At the same time, family bonding na rin. Nakaka-positive ng outlook,” pagbabahagi ni Vilma.
Sobrang na-enjoy raw ng actress-politician ang pagsali sa ginawang video blogs nina Luis at Jessy. Dahil dito ay nagkaroon na rin ng sariling YouTube channel si Ate Vi. “First time kong ma-experience na mag-live with Lucky sa Facebook. May mga nakakausap ako, bumalik, may proper communication sa mga tao sa labas. Nagkaroon ako ng bagong excitement. Sabi ko, ‘Anak, tulungan mo naman ako. Can I have my own (YouTube channel)?’ ‘Di ako techie eh, ginawan nila ako ng sariling channel,” nakangiting kwento niya.
Kamakailan ay kinumpirma ni Ate Vi na magpapahinga na sa pulitika simula 2022. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto muling gumawa ng aktres ng pelikula. Nangangarap din ang Star for All Seasons na maging direktor upang makagawa ng mga makabuluhang pelikula. “Dream ko ‘yon ‘pag napagod na akong gumawa ng pelikula. Gusto ko naman magdirek ng movie gaya ng mga movie ni direk Marilou Diaz-Abaya, feminist, or Direk Laurice Guillen. Naisantabi ang gusto ko na maging direktor, but maybe ngayon or maybe next year. I have something in mind. I just want to do a movie na nangyari ng 24 hours. Dream ko lang, ang ganda sa simula but within 24 hours something happened. Pagdating sa ending, mga mukhang basura na hitsura because of what happened in 24 hours. Do’n ako nae-excite,” pagdedetalye ng actress-politician.
Maymay, tanggap sa amakabogera
Noong isang buwan pa lamang nailunsad ang music video ni Maymay Entrata para sa bagong single na Amakabogera. Masayang-masaya ang dalaga dahil naging mainit ang pagtanggap ng mga tagahanga sa bagong kanta. “Hindi ko lubos ma-explain ‘yung nararamdaman ko. Hindi ko in-expect ‘yung sobrang overwhelming na pagtanggap nila sa kanta kong Amakabogera. Siyempre minsan may insecurities tayo. Sana makatulong po ang Amakabogera para ma-boost po ang confidence n’yo,” bungad ni Maymay.
Naimbitahan kamakailan ang aktres upang kantahin ang bagong single sa Wish 107.5. November 9 lamang na-upload ang video ni Maymay para sa naturang sikat na music bus at ngayon ay halos mayroong 3 million views na.
Sobrang kinabahan daw si Maymay dahil sa kanyang ginawang live performance para dito. “No’ng una nagdalawang-isip pa nga ako kasi live ‘yon. ‘Handa na ba talaga ako?’ ‘Yon yata ang pinakaunang live na hindi taped. Kinabahan ako kapag naiisip ko ‘yon,” pagtatapat ng aktres.
(Reports from JCC)
- Latest