Dapat pala ay may kasunod nang piyesa ang isang male singer pagkatapos ng kanyang kanta na pinagpistahan ng buong bayan. Sa totoo lang, kahit uhuging bata ay kinakanta-kanta ang kanyang sumikat na piyesa kahit pa hindi maabot ang mataas na tono, ganu’n nagmarka ang kanyang kanta.
Pero mukhang inalihan ng kaangasan ang male singer. Lalo na kapag kinakanta ng mga sikat na singers ang kanyang piyesa, akala niya ay forever na siyang dadalhin sa tagumpay ng kantang ‘yun.
Kuwento ng aming impormante, “Di ba, kapag ganu’n katindi ang pagtanggap ng buong bayan sa isang composition, e, sinusundot uli ‘yun ng kantang bago pero hindi nalalayo ang tono sa naging successful niyang kanta?
“’Yun na dapat ang plano, gagawa uli siya ng composition na mamahalin ng mga music lovers, pero naudlot ‘yun dahil sa katigasan ng kanyang ulo!” unang reaksiyon ng aming source.
Matigas kuno ang ulo ng male singer, ayaw niyang pinakikialaman siya ng kahit sino, siya lang ang dapat masunod sa lahat ng bagay.
Dagdag na impormasyon pa ng aming source, “Di ba, hindi lang naman boses ang mahalaga sa isang tulad niya? Kailangan din siyempreng kapakete nu’n ang pleasing personality?
“Ayaw niyang nasasabihang mataba siya at kailangang mag-exercise siya. Para naman sa kanya ‘yun, hindi naman para sa ibang tao, pero nagwawarla siya!
“Wala raw dapat nagdidikta sa kanya sa kung ano ang magiging itsura niya! Wala raw kinalaman ang itsura ng singer lalo na kapag sumikat ang kanta niya!
“So, ayaw niyang mag-diet, ayaw niyang mag-exercise, galit siya kapag may nagpapaalala sa kanya na masyuba siya! Marami raw namang singers d’yan na okey ang itsura, pero wala namang napasisikat na kanta!
“Totoo naman ‘yun, impernes, pero di ba, mas maayos kung maganda na siyang tingnan habang kumakanta, e, nagsisigawan pa ang audience dahil sa pinasikat niyang song?
“Maangas ang male singer na ito! Matigas ang ulo niya! Ayaw niyang pinakikialaman siya ng kahit sino! Kaya ayun, anyare? Sumikat nga ang piyesa niya, pero wala nang kasunod!
“Pagkakataon na sana niya ‘yun para sundan ang monster hit niya, pero waley, matigas nga kasi ang ulo niya! Pati buwan, e, magtatampo sa kanya kapag ganyan siya!” madiing pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Mga artista ng Huwag Kang Mangamba, kapuri-puri ang acting!
May malaking kuneksiyon sa pandemya kung bakit tinututukan ng mga kababayan natin ang seryeng Huwag Kang Mangamba. Naghihirap ang buong mundo. Laganap ang taggutom.
Ipinaaalala ng seryeng ito na hindi tayo dapat kinakapos sa pananampalataya. Kailangang buo ang ating paniniwala na may Diyos tayong kasama sa laban.
At malinaw rin ang mensahe ng serye na hindi tayo dapat naniniwala sa mga nagdidiyus-diyusan, sa mga nagpapanggap na Diyos, lalo na’t ginagamit ang kapangyarihan sa ilegal na paraan.
Matatapos na sa susunod na Biyernes ang serye, naparurusahan na ang mga pekeng makapangyarihan, lumulutang na ang katotohanan na isa lang ang Diyos at ang sinuman ay hindi maaaring maging Panginoon.
Sa mga huling gabi ng serye ay pinahahanga kami ng dalawang bumibida sa serye. Sina Andrea Brillantes at Francine Diaz. Hindi natapos ang kinang ng kanilang bituin sa una nilang seryeng Kadenang Ginto na todong sinubaybayan din ng buong bayan.
Sa pagbabalanse sa kanilang pagganap ay mas angat si Andrea bilang si Mira. Ibang-iba ang pagyakap ng batang ito sa papel na ipinagkatiwala sa kanya ng produksiyon.
Ang mahahaba niyang linya na kumakagat sa puso ng manonood, ang kanyang pag-arte na wala siyang pakialam kung ano ang magiging itsura niya, minolde na ng panahon ang husay niyang umarte.
Kapuri-puri rin naman ang pagganap ni Francine bilang si Joy, mas mabigat lang ang papel ni Andrea, pareho lang silang hininog na ang pag-arte.
Sana’y mabigyan uli sila ng seryeng magtatampok sa talento nila. Sayang ang ganitong mga artista kung mababalagoong lang ang kapasidad nila sa pagganap.
Wala kang itatapon sa cast ng Huwag Kang Mangamba. Napakahusay ni Eula Valdez bilang pekeng manggagamot, angat din ang pagganap ni RK Bagatsing bilang kurap na mayor na asawa ng magaling din umarteng si Mylene Dizon.
At sa maraming eksena ay nagpakitang-gilas sa pag-arte sina Dominic Ochoa, Matet de Leon at Enchong Dee.
At hindi namin makakalimutang purihin ang napakahusay na pagganap ni Sylvia Sanchez bilang si Barang. Napakahirap ng role na itinoka sa kanya, pero kataka-taka pa ba ‘yun kay Ibyang, ang isa sa pinakamahusay na aktres ng kanyang panahon?