Balitanghali, 16 taon sa maiinit na balita
Ngayong Nobyembre, ipinagdiriwang ng award-winning midday newscast na Balitanghali ang ika-16 na taon nito, sa pangunguna ng anchors na sina Raffy Tima at Connie Sison.
Mula noong 2005, ang Balitanghali ay naging alternatibong kasalo na ng mga manonood sa tanghalian at nagsimula ng bagong trend sa telebisyon. At hanggang ngayon. Kamakailan ay kinilala ang Balitanghali sa 42nd Catholic Mass Media Awards sa Best Special Event Coverage category para sa Taal Volcano coverage nito noong 2020.
Taos-puso ang pasasalamat nina Raffy at Connie sa patuloy na pagtangkilik ng mga manonood sa programa.
Bilang batikang reporter, marami na ring coverage si Raffy sa loob at labas ng bansa. Tumanggap na siya ng mga parangal mula sa iba’t ibang prestihiyosong award-giving bodies tulad ng New York Festivals at US International Film and Video Festival at marami pang iba. “Hinubog ng Balitanghali ang aking karera sa pamamahayag dahil malaking bahagi ng mga taon ko sa broadcasting ay bilang anchor ng Balitanghali. Nagagamit ko ang kaalaman at karanasang nakuha ko bilang field reporter sa newscast kapag nakakapanayam ko ang malalaking personalidad at eksperto,” sabi ni Raffy.
Samantala, kilala rin sa pagbabalita ng breaking news si Connie. Noong 2018, kinatawan ni Connie ang Pilipinas sa Monte-Carlo TV Festival kung saan nominated ang Unang Hirit sa Breaking News category para sa coverage niya sa Resorts World attack. Si Connie rin ang kauna-unahang ginawaran ng Bantog Award for Media Practitioner in Television ng Department of Science and Technology para sa isa pa niyang programa na Pinoy MD.
Ayon kay Connie, “Sa lawak ng naaabot ng Balitanghali, naisasakatuparan ko ang isa sa mga layunin ko sa buhay na bigyang boses ang ating mga kababayan at tumulong sa pagbibigay-solusyon sa kanilang mga hinaing.”
Napapanood ang Balitanghali, Lunes hanggang Biyernes, 11 a.m. pagkatapos ng GTV Reality sa GTV.
- Latest