Labing-siyam na finished films ang nai-submit nung Oct. 30 para sa 2021 Metro Manila Film Festival.
Ayon sa spokesperson ng MMFF na si Noel Ferrer, napagdesisyunan na ng Executive Committee ng MMFF at MMDA na itutuloy nila ang MMFF 2021 at sa mga sinehan na gagawin.
Kailangan na raw talagang sa sinehan na ito mapanood, dahil umaasa silang makakabawi na ngayon ang MMFF, pagkatapos nitong sumemplang digital nung nakaraang taon.
Inaasahan nilang magaganda at may bankability ang walong pelikulang mapipili.
May alam na kaming ilang pelikulang nai-submit pero hindi pa muna sinabi sa amin ng mga taga-MMFF kung ano pa ang ibang mga pelikulang isinumite.
Pinag-uusapan pa rin daw kung mababalik ba sa dati ang mga activities tuwing MMFF. Kagaya ng parada, theater tours at awards night. Hindi raw nila madesisyunan sa ngayon dahil mahirap ma-practice ang social distancing sa ganung event.
Pero ang gusto raw talaga nila ay maibalik ang panonood ng mga tao sa mga sinehan. Sa Nov. 10 na magbubukas ang ibang sinehan, at magsisimula raw muna ito sa 30 percent capacity.
Inaasahan na pagdating ng December ay tumaas hanggang 75 percent capacity, para marami naman ang ma-accommodate na manonood sa mga sinehan. Baka Nov. 15 o mas maaga pa ay i-announce na raw ang walong pelikulang mapipiling entries sa ngayong taong MMFF.
Hindi pa nila masabi kung sino ang bubuo sa Selection Committee, pero ang isa raw sa pinapakiusapang mamuno ng grupong ito ay si Cong. Vilma Santos-Recto. Bilang hindi naman siya tatakbo sa darating na eleksyon, baka may sapat na oras naman daw siyang mag-screen ng mga isinumiteng entries. Wala pang sagot si Ate Vi kung tatanggapin niya ito.
Kuya Kim, naging pasensyoso nang maging Christian
Sa Nov. 8, Lunes na magsisimula si Kuya Kim Atienza sa Mars Pa More, kasama sina Iya Villania at Camille Prats. Mas malaking studio na sila at wala naman daw gaanong nabago sa format pero malaking bagay raw ang pagdagdag kay Kuya Kim.
Bale pangatlong show na ito ni Kuya Kim sa GMA 7, at na-curious tuloy ako kung anu-ano ang balak niyang gawin sa una niyang suweldo mula sa Kapuso network. “Ibibigay ko lahat sa misis ko,” mabilis na sagot ni Kuya Kim sa virtual mediacon kahapon.
“Actually I made an arrangement with the bank . Sabi ko, ‘puwede bang mutual account? Gusto ko alam niya eh. Sabi, ‘what you can do is your personal account and you can go to mutual account, then internal lang ang arrangement namin sa bangko,” napapangiti niyang pahayag.
Maraming ipinagpasalamat si Kuya Kim sa Diyos dahil sa magaganda niyang shows na ginagawa sa GMA 7.
Aminado si Kuya Kim na mapag-react siya at ang bilis niyang pumatol sa bashers. Pero ngayon ay iba na raw, at dala na rin nang pagiging Christian niya ay hindi raw siya agad-agad na magre-react. “Pikon ako. Very reactive ako eh. Very fiery ako. Mabilis ako mag-react,” pakli ni Kuya Kim. “But you know, since I became Christian, I became more circumspect and more discerning with my answer.
“‘Pag galit ako…sabi nga nila, ‘be quick to listen, slow to speak and slow to get angry. I listen, I read,” dagdag niyang pahayag.
Iniisip na lang daw niya kung may maitutulong ba o may magagawa ba ito sa kanya.
Kaya iniiba na lang daw niya ang sagot na nakaka-good vibes na lang.
“Kung kami nina Mars Iya o Mars Cams o ako ang pumatol sa bashers, kami ang talo dun eh. It’s really best to just keep quiet or shoot the energy positively para gumanda ang usapan,” sabi pa ni Kuya Kim.