MANILA, Philippines — Ngayong Sabado (October 30) sa I-Witness, masusubok ang katatagan ni Mariz Umali nang pasukin niya ang isang abandonadong ospital na nasa itaas ng isang burol. Binubuo ito ng tatlong palapag na napalilibutan ng mga dambuhalang puno ng balete.
Nagsimula na ngang lamunin ng mga naglalakihang ugat ang ilang parte ng lumang istruktura na halos 30 taon nang inabandona. Halos walang impormasyong makukuha tungkol sa kasaysayan nito na dumagdag pa sa misteryong bumabalot sa dating ospital. Pero ang mga residente, maraming kuwento ng kababalaghan na mismo nilang naranasan ang handa silang ibahagi sa kanino mang matapang na magtatanong.
Si Janine Piñon, lumaking naglalaro sa paligid ng dating ospital. Naaalala pa niya nang may makita siyang batang lalaking naglalaro at tumakbo papunta sa dating morge. Sa pag-aakalang isa rin itong bata, sinundan niya ito hanggang sa bigla itong naglaho nang pumasok sa napakaliit na bitak sa pader.
Si Ricardo Madriaga, ang matagal nang nangangalaga sa lugar, naalala pa ang kuwento ng misteryosong babaeng madalas daw na tumatawag sa pangalan niya kapag sumasapit ang dilim. Minsan na rin daw niyang nakita ang babaeng nakatingin sa kanya mula sa abandonadong ospital.
Sa pagpasok ng I-Witness team sa ospital, maraming pangyayari ang kanilang naranasan—mga pangyayaring mahirap ipaliwanag. Mismong si Mariz, may nakakatindig-balahibong karanasan din nang biglang may gumalaw sa madilim na bahagi ng pasilyo sa gitna ng kanyang pagsasalita.
Panoorin ang isang espesyal na Halloween episode ng I-Witness, ang Tahimik na Sigaw, ngayong Sabado, 10:30 p.m. pagkatapos ng Daddy’s Gurl sa GMA Network.