Nakakatawa ang mga kuwentong binalikan ng aming mga impormante tungkol sa dakilang ina ng isang sikat na female personality.
Mapagharimunan si mommy, kung puwede lang na wala na siyang bilhin at asahan niya na lang ang mga bigay-bigay ng mga faney ng kanyang anak, ‘yun ang gusto niyang mangyari.
Kuwento ng aming source, “Kapag may show sa ibang bansa ang anak niya, e, limang maleta ang dala-dala nila. Dalawa lang ang may laman, basyo ang tatlo, basyo lang, as in, walang laman.
“Bakit? ‘Yung dalawa, e, may laman na mga gown at damit ng sikat na anak niya, pero ang tatlo, bakante lang. Wala talagang laman!
“’Yun kasi ang paabang ni mommy sa mga magreregalo sa anak niya. Kesa nga naman bumili pa siya ng mga maleta, mas maganda nang naka-ready ang mga maleta na pagkakargahan niya ng mga regalo sa anak niya!
“Ganu’n katindi si mommy, wala pa ang mga regalo, meron nang paglalagyan!” tawa nang tawang unang kuwento ng aming source.
Heto na. Nasa ibang bansa na sila. Bago pa mag-show ang anak niya ay napakarami nang nagbibigay ng regalo. Getlak lang nang getlak si mommy, karga lang siya nang karga sa mga baon nilang maleta, masayang-masaya siya.
“Pagdating nila sa hotel, e, iniaayos ni mommy ang mga regalo sa daughter niya. Sinisiksik niyang mabuti ‘yun para marami pang mailaman sa mga susunod na shows ng anak niya!
“Magaling mag-impake si mommy. Walang nasasayang na espasyo sa kanya. ‘Yung mga stuffed toys, hindi na talaga nakahihinga sa sobrang pagpapatung-patong ni mommy!
“At magaling siiya, meron siyang maleta para sa mga dry goods, meron ding para sa mga cold cuts, napakahusay niya talagang mag-ayos ng mga regalo ng anak niya!” kuwento uli ng aming source.
Dahil mapagharimunan nga si mommy at ayaw niyang may mga nasasayang na pagkain, pati ang mga tira-tirang pagkain nila sa hotel, kinukuha rin ni mommy.
Sabi uli ng aming source, “’Yun naman ang inilalagay ni mommy sa isang maleta. Merong mga pizza du’n, may cake, merong steak, pati mga softdrinks, nandu’n din.
“Ganu’n katindi si mommy, marunong siya sa buhay, sa halip nga namang bilhin pa, malaki ang natitipid nila dahil hindi na sila nagsa-shopping, puro bigay-bigay na lang ang iniuuwi nila!
“Pagkatapos niyang ikarga ang lahat, sarado na ang mga maleta! Sarado na talaga!” tawa pa rin nang tawang pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Kris, kumonsulta sa feng shui bago pakasal?!
Bago matapos ang taon ang planong pagpapakasal nina dating Congressman Mel Senen Sarmiento at Kris Aquino. Abalang-abala na ngayon si Kris sa paghahanda para sa pagharap nila sa altar ng pulitiko.
Mahilig magpaniwala sa feng shui si Kris, siguro’y meron siyang kinausap na feng shui reader tungkol sa kanilang kasal, mahirap ipaliwanag pero maraming nagpapatunay na may matinding kinalaman sa anumang mahalagang pagdedesisyon natin ang feng shui.
Maraming nagkokomento na ito raw ang magiging wedding of the year. Hindi raw magpapakabog si Kris sa pagpapabongga dahil kayang-kaya naman siyang bigyan ng marangyang kasal ng pulitiko.
Anumang gusto ni Kris ay maibibigay ni Mr. Sarmiento, pero malay din natin, baka isang simpleng kasal lang naman ang gusto ni Kris.
Sensitibo siya sa mga nagaganap ngayong pandemya, alam ni Kris na napakaraming kababayan nating naghihirap, kumakalam ang mga sikmura dahil sa kawalan ng trabaho.
Pero marangya o simple man ang kanilang kasal ay hindi na mahalaga. Ang importante ay nakita na ni Kris ang lalaking magpapaligaya sa kanya nang walang anumang agenda.
Masayang-masaya nga ang kanyang bunsong si Bimby para sa kanila ni Mr. Sarmiento. Nakikita kasi nito ang kakaibang ningning ng mga mata ng kanyang mommy.
Higit kailanman ay ngayon pinaniniwalaan ni Kris ang kasabihang sa tamang panahon. Napakatagal niyang walang karelasyon, may mga dumarating na espesyal na tao sa kanyang buhay, pero hindi naman sila nagtatagal.
Harinawang si Mr. Sarmiento na nga ang sagot sa mga dasal ni Kris. Ito na sana ang makasama niya habambuhay. May karapatang lumigaya si Kris.
Sa tindi ng kanyang pinagdaanan sa biyahe ng pakikipagrelasyon ay meron talagang itinakda sa kanya ang kapalaran. ‘Yung hindi niya hinanap. Basta dumating na lang sa isang panahong lugmok siya sa kalungkutan dail sa pagkawala ng kanyang kapatid.