Anak ni Bong Revilla na kakandidato sa 2022 elections umakyat na sa 3

Litrato nina Ram (kaliwa), Bryan (gitna) at Jolo Revilla (kanan) na pare-parehong tatakbo sa 2022 national and local elections
Mula sa Facebook page ni Lani Revilla; Jolo Revilla/Released

MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang bilang ng mga anak ng isang celebrity couple-turned-politician mula Cavite ang sasabak sa larangan ng pulitika sa susunod na taon.

Sa isang Facebook post, inilahad ng aktres na si Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla — asawa ni Sen. Bong Revilla Jr. — ang pagkandidato ng isa pa nilang anak sa eleksyong 2022.

"Ramon Vicente 'Ram Revilla' Bautista has filed his certificate of candidacy as Board Member of the 2nd district of Cavite (Lone District of Bacoor)," pahayag ni Lani, Biyernes, habang hawak ni Ram ang kanyang certificate of candidacy.

"He substitutes for his brother Bryan Revilla who will be the first nominee of AGIMAT Partylist."

 

 

Sasabayan nina Ram at Bryan ang pagkandidato ng kanilang kapatid, na isang artista rin, na si Jolo Revilla.

Si Jolo, na kasalukuyang vice govenor ng probinsya ng Cavite, ay nauna nang nag-file ng kanyang COC para tumakbo bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Cavite noong ika-7 ng Oktubre.

"Lahat ng inyong hinaing at pagbabagong nais natin makamtan ngayong pandemya, agad-agad kong aaksiyonan," wika ni Jolo ilang linggo na ang nakalilipas.

"Inaasahan ko ang inyong patuloy na suporta sa aking mga naumpisahang serbisyo gayundin sa ilalatag kong mga napapanahong programa na pakikinabangan ng lahat."

Ang ina nina Jolo, Ram at Bryan na si Lani ay kumakandidato naman bilang mambabatas sa Ikalawang Distrito ng Cavite.

Kung papalarin, hahalili si Lani sa posisyon ni Strike Revilla, na siyang kapatid naman ng mister na si Bong.

 

 

— James Relativo

Show comments