Angeline, may sampung araw na concert sa met

Angeline
STAR/ File

Malapit nang mapanood ang concert series ni Angeline Quinto na may titulong 10Q. Ito ang magsisilbing selebrasyon at pasasalamat ng singer para sa kanyang ika-sampung taon sa show business.

Matutunghayan ang sampung araw na concert sa Oct. 29 at 30, Nov. 26 at 27, Dec. 25 at 26, Jan. 28 at 29, at Feb. 18 at 19. “Wala pong makakapigil sa akin na maghandog ng isang enggrandeng concert experience at tuloy na tuloy po ang pagpapasalamat ko sa lahat ng sumuporta sa akin simula’t sapul,” bungad ni Angeline.

Masayang-masaya ang singer dahil sa MET Theater gaganapin ang naturang concert series. Hindi raw kailan man naisip ng dalaga na makapagtatanghal siya sa nakilalang Metropolitan Theater noon na kanyang nadadaanan lamang dati. “Si Mama Bob talaga ‘yung nagkukuwento sa akin kung ano ba ‘yung Metropolitan Theater dati. So sa kanya ko nalaman na do’n pala nagpe-perform ang mga sikat na artists. Sabi pa ni Mama Bob, gano’n daw kasikat ‘yung lugar na ‘yon. Naabutan ko siya sarado na eh, marami na siyang yero na nakaharang sa labas. Tapos kung kailan ako nabigyan ng chance na maging performer din at ito ‘yung trabaho ko, ang maging singer, hindi na ako nakapag-perform doon. Eh one time nakita ko sa Facebook parang may nag-post na nabuksan ulit tapos ang ganda-ganda na kasi naayos. Tapos biglang tumayo ‘yung balahibo ko kasi naalala ko si Mama Bob. Sabi ko, kung sakaling buhay ang mama, alam kong sasabihin ni Mama Bob, ‘Sana makakanta ka diyan.’ Ang galing-galing kasi parang nakatadhana talaga. Hindi ko ini-expect na ngayong 10 taon ng selebrasyon ko magaganap sa Metropolitan,” pagdedetalye ng dalaga.

Para kay Angeline ay kailangan talagang pakaabangan ng kanyang mga tagahanga ang concert series kung saan magiging panauhin sina Regine Velasquez, Erik Santos at Vice Ganda. Kung maaayos ang schedule ay posible ring makasama si Sharon Cuneta para sa special show ni Angeline. “Nakapag-shoot na kami ng ilang mga episodes kaya sobra akong excited na mapanood ito ng mga tao. Isa ito sa pinakamagandang concert na nagawa ko talagang pangarap ko ‘to three years ago pa lang. Naiisip ko lang, ‘Ano bang gusto kong gawin ‘pag umabot ako ng sampung taon?’ Kaya sobra akong happy,” pagtatapos ng singer.

Kit, inaming hindi para sa lahat ang pelikula niyang sarap...

Aminado si Kit Thompson na hindi para sa lahat ang pelikulang Sarap Mong Patayin na pinagbibidahan nila nina Ariella Arida at Lassy Marquez.

Maraming ginawa ang aktor sa pelikula na talagang ngayon lamang daw niya naranasan sa isang proyekto. “It’s not a movie for everyone talaga. ‘Yung humor, it’s different. Kaya ko rin tinanggap kasi iba ito, hindi ko pa ito nagagawa. This is fresh, this is new. It’s a collaborative experiment. Kung maraming negative (comments) it’s only helping us more. When you make a movie, you want people to react, kasi kung wala silang reaction eh di wala, it’s boring,” paglalahad ni Kit.

Si Darryl Yap ang direktor ng naturang digital movie. Ayon kay Kit ay talagang napahanga siya kung paano ginawa ng direktor ang kanilang pelikula. “He’s so detailed and so specific  in his vision. He’s so creative. Hindi niya hinahayaan ‘yung ibang tao to affect his creativity and even the same ‘pag filming on the set. He’s very specific with what he wants pero hindi naman siya sobrang strict. I’m happy kasi ang ganda ng kinalabasan ng project,” paliwanag ng aktor. (Reports from JCC)

Show comments