Habang nagkakagulo ang maraming mga artistang pumasok sa pulitika, relaxed na relaxed naman ngayon si Congresswoman Vilma Santos at sinasabi nga niya na “ito ang panahon na masasabi kong panatag ang kalooban ko. Wala akong iniintindi, although siyempre tatapusin ko pa rin ang tungkulin ko bilang congresswoman ng Lipa hanggang sa susunod na taon. May sessions pa kami eh. Hindi ako nag-iintindi ng kampanya, si Ralph (Recto) naman ang tatakbong congressman ng Lipa, unopposed. Ang kailangan na lang naming tulungang magkampanya ay ang mga kasama namin sa Bangon Lipa team at saka iyong mga napangakuan naming tutulungan sa national level. May mga batas pa akong balak iharap, pero hindi na matatapos iyan kaya sabi ko nga si Ralph na lang ang bahala sa mga iyon, after all ngayon pa nga lang unti-unti na akong nagtu-turn over sa kanya ng trabaho,” sabi ni Ate Vi.
Ano ang plano niyang iba sa ngayon?
“Kasi nga congresswoman pa rin ako, iyon muna ang haharapin ko, tapos after May next year, maaari na akong magsimulang magbasa ng mga script. Pagkatapos kong mag-announce na pahinga muna ako sa politics, ang dami agad tawag, kinukumusta kung puwede ko na raw gawin ang projects nila. Sabi ko nga teka muna. Pagbigyan muna ninyo ako ng ilang buwan pa, tutal pagkatapos noon iyan na ang haharapin ko. Ate Vi na ako ulit sa lahat. Sisimulan ko na naman ang bagong buhay,” sabi ni Ate Vi.
Pero natanong nga namin si Ate Vi, bakit nga ba ayaw niya ng mas mataas na posisyon?
“Noon pa hindi ba sinasabi ko na sa inyo, palagay ko bagay lang ako sa Batangas. Kasi sa Batangas magagawa ko lahat ng posibleng magawa. Iyong national position parang napakalaki na noon sa akin. Hindi ko ma-imagine ang sarili ko na kailangang tumakbo kung saan may disaster, o kung saan kailangan. Kasi ang naiisip ko papaano naman ang tungkulin ko sa pamilya ko?
“First and foremost, nanay ako. May mga anak ako na kahit na sabihin mong malalaki na, obligasyon ko pa rin. May asawa ako, at may obligasyon din ako sa kanya. Kaya nga talagang ipinagdasal ko iyan. Sabi ko nga kung ako lang ayoko, pero mangyayari kung ano ang kagustuhan ng Diyos. Siguro naunawaan ng Diyos ang sitwasyon ko at kung ano ang gusto kong mangyari,” sabi pa ni Ate Vi.
Jak, tinodo ang pagpapa-sexy
Aba at nagpa-sexy na nang todo si Jak Roberto. Hindi naman para sa isang internet movie kundi nakuha yata siyang endorser ng isang underwear brand. Naglabasan na ang kanyang pictures na naka-boxer briefs, pero mayroon na rin daw siyang pictures na ang suot niya ay briefs talaga.
Kung iisipin mo, hindi na rin naman bago iyan kay Jak, kasi binigyan siya ng buildup bilang isang sexy star. Hindi nga ba ang tawag sa kanya ay “abs ng bayan” dahil sa magandang hubog ng kanyang katawan.
Sanay na ang mga taong nakikita siyang walang shirt, pero ngayon lang siya mag-aalis ng kanyang pantalon at briefs na nga lang ang ititira.
May mga nagsasabi ngang dahil tumanggap na rin siya ng ganoong endorsement, siguro puwede na rin niyang gawin iyan sa mga pelikula. Pero ano ang sasabihin diyan ng kanyang girlfriend na si Barbie Forteza, na ang image ay napaka-wholesome at hindi naman magpapa-sexy.
Male star, panay ang utang sa mga kaibigan sa social media
Talaga nga yatang mahirap ang buhay ngayon. Pinag-uusapan nila ang isang male star na panay ang pakiusap sa kanyang mga kaibigan sa social media na “pautangin siya.” Minsan daw ang sinasabi, “pambili lang namin ng bigas at groceries.” Minsan naman ang sinasabi, “pambayad ng tuition ng anak ko.” Nangangako naman siyang magbabayad, pero hindi niya sinasabi kung papaano at kung kailan siya magbabayad.
Pero marami nang kasong ganyan. Hindi naman kasi kayo magkaharap, at maaari niyang sabihin na hindi naman siya ang nangutang, na maaaring na-hack lang ang kanyang account. Kaya iyang mga ganyan hindi dapat patulan. At marami na ang gumagawa ng mga raket na ganyan.
Nasa inyo na iyan kung magpapabola pa kayo sa ganyan.