Knoronahan bilang Aliwan Fiesta Digital Queen 2021 si Shanyl Kayle Hofer ng Minglanilla, Cebu noong Sabado ng gabi, sa ikalawang pagtatanghal ng online pageant ng Manila Broadcasting Company (MBC).
Tinalo ni Hofer ang 11 pang mga kandidata mula iba’t ibang bahagi ng bansa sa apat na lingguhang kompetisyon buong buwan ng Setyembre upang makamit ang P50,000 premyo para sa kanya at katumbas na P50,000 din para sa kanyang benepisyaryong kooperatiba ng mga maliliit na negosyanteng nabiktima ng pandemya.
Ang bente anyos na estudyante ng University of San Jose Recoletos ay itinanghal rin na Best in Evening Gown.
Nakamit naman ni Vijie Matias ng San Manuel, Isabela ang ikalawang puwesto sa timpalak, habang si Chynna Kaye Verosil ng Bugallon, Pangasinan ang pumangatlo.
Natagurian namang “hakot awardee” ang national athlete mula Kalibo, Aklan na si Cherry May Regalado nang hirangin siyang Netizens’ Choice, Best in Talent, at kandidatang naglahad ng Best Digital Production, na umikot sa kanyang pagiging pencak silat gold medalist ng bansa na hinarap ang balakid ng kahirapan at ngayo’y humuhubog ng mga kabataan upang maging mga kampeyon balang araw.
Ang iba pang tumanggap ng special awards ay sina Angeli Gabrielle Therese Estrada ng Puerto Princesa, Palawan (Miss White Rose Papaya and TNT Nasa Saya Yan); Sharmaine de la Cruz ng Zamboanga (Miss Charm); Keith Arboleda ng Echague, Isabela (Miss Unique Smile); at Krysti Anne Villarias ng Cabadbaran, Agusan del Norte (Palmolive Gandang Natural).
Ang timpalak upang hanapin ang Aliwan Fiesta Digital Queen 2021 ay isinakatuparan sa tulong ng mga istasyon ng MBC sa buong kapuluan – DZRH, Love Radio, Yes The Best, Easy Rock, Aksyon Radyo, at Radyo Natin – kung saan 47 mga dilag ang lumahok at pinagpilian ng 12 finalists.
Ang pagwawagi ni Hofer ay ika-siyam na panalao ng isang Cebuana sa talaan ng Aliwan Fiesta. Sa paghahanap ng Festival Queen (Reyna ng Aliwan), ang mga hinirang sa taunang paghaharap ng mga kapistahan sa buong bansa ay sina Sian Elizabeth Maynard (2009), Rizzini Alexis Gomez (2010), Rogelie Catacutan (2011), Angeli Done Gomez (2012), Jamie Herrell (2013), Steffi Rose Aberasturi (2014), Cynthia Thomalla (2016), at Marla Alforque (2017).