Bago pala nag-file ng COC sa pagka-senador si former senator Jinggoy Estrada, nag-courtesy visit muna siya sa amang si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at inang si dating Senadora Loi Ejercito sa kanilang Greenhills abode.
Ani Jinggoy, importanteng makuha niya ang basbas ng pamilya bago mag-file ng kandidatura. “Importante po ang suporta ng aking pamilya sa aking desisyon na ipagpatuloy ang serbisyo publiko,” pahayag niya.
Sa muling pagsabak sa mundo ng pulitika, ang tagline ng aktor-pulitiko ay “Aaksyon para sa masa” na matagal na niyang ginagamit maging kanyang YouTube channel na JingFlix.
Nais daw ni Jinggoy na makatulong sa mga problema at pagsubok na hatid sa Pinoy ng “new normal” sa pamamagitan ng pagsulong at pagbibigay pokus sa food security, job generation, mas matatag na health system na may equitable access, youth empowerment, modernized agricultural sector, mas matatag na digital economy, sustainable environmental protection at adaptable o accessible quality education.
At ang panawagan nga sa Facebook page ng dating senador, tama na ang mga paandar at huwag na ring magtanim ng sama ng loob, “Itanim na lamang natin ang magiging biyaya sa kinabukasan ng ating mga ka-masa.”