Ang daming balita na hindi naman nagkakaisa sa kanilang sinasabi. Puro kasi unconfirmed sources, pero ang tanong, tinakbuhan nga ba ng actor na si Jake Cuenca ang isang checkpoint ng PNP sa Mandaluyong City?
Hindi basta may nakatayong pulis ay checkpoint na iyon. Ang isang checkpoint ayon sa batas ay kailangang nasa isang maliwanag na lugar at may signage na may isinasagawang checkpoint at kailangang nakalagay ang pangalan ng officer in charge.
Kung ganyan ang tinakbuhan mo, mabaril ka man wala kang masisisi.
Pero ano ang nangyari kay Cuenca?
May nasagi diumano na isang private vehicle, ibig sabihin hindi police car dahil walang pangalan iyon. Ginagamit daw kasi sa isang “buy-bust operations.” So, maliwanag na ang isinasagawa noon ay “buy bust,” kaya walang tinakbuhang checkpoint. Bakit tinakbuhan niya ang mga pulis na nagpapahinto sa kanya? Una ang nakita niyang nagpapahinto sa kanya ay hindi unipormado, at nakita niyang may baril.
Ano ang iisipin niyang laban niya, eh ‘di tumakas. Noong hinabol siya binaril siya, eh di lalo siyang tatakas.
Binaril ang goma ng kanyang sasakyan, tumalbog daw ang bala at may tinamaang Grab rider, sino ngayon ang mananagot?
Maliwanag ding nakita sa initial investigation na walang droga at walang armas na kahit na ano sa sasakyan ng actor. Kung wala siyang itinatago, maliwanag na umiral ang nerbiyos nang makakita siya ng naka-civilian na may baril. Nakakasiguro ka nga ba naman kung sino iyon?
Ibang usapan iyon kung unipormado ang pulis.
Minsan nga unipormado, may high-powered guns, hindi ka pa rin nakakasiguro. Ilan bang ganyan na unipormado ang nabalitang nangholdap ng bangko. Eh iyang uniporme ng pulis nabibili lang doon sa mga tindahan sa may Crame, at kahit na sa Quiapo. Lalo na nga iyong ginagamit nila ngayong asul na t-shirt lang.
Hindi namin sinasabing walang kasalanan si Jake, kasi lumalabas na nakainom siya. Pero iyang mga buy bust na ganyan na hindi unipormado ang mga pulis, delikado talaga. Ano ang nangyari noong nagkabarilan sa harapan ng isang mall sa Quezon City ang mga pulis at tauhan ng PDEA, dahil hindi nagkakilala? Eh kung sila mismo nagkakalituhan at hindi nagkakakilala, ano aasahan mo sa kagaya ni Jake Cuenca?
Pamilya Sotto, nagkakagulo sa pulitika
Hindi nagkakaisa ang pamilya ng mga Sotto.
Nagpahayag ng sama ng loob si Ciara Sotto dahil sa pagbangga ni Sen. Kiko Pangilinan sa vice presidential bid ni Tito Sen. Pero nauna riyan, noong 2010 hiningi ni Sharon Cuneta ang suporta ng kanyang tiyuhin para sa ambisyon ng kanyang asawa na maging senate president. Hindi ibinigay ni Tito Sen ang boto, “olat” si Kiko.
Iyong mga anak ni Vic Sotto ay ganoon din. Opisyal ng partidong Aksiyon Demokratiko si Mayor Vico Sotto. Pero dahil sa kanyang tiyuhin at ninong pang si Tito Sen, nagsabi si Vico na hindi niya masusuportahan si Yorme Isko (Moreno) at Willie Ong, kahit na noong una ay nagsabi siyang todo suporta siya kay Yorme.
Iyon namang isa pang anak ni Vic na si Paulina, nagsabi siyang hindi siya susuporta sa kandidato dahil kaanak lamang niya. Mas mahalaga raw ang buong Pilipinas kaysa sa kanilang pamilya lamang.
Nagpahayag siya kung sino ang susuportahan niya, tiyak na hindi kasama doon ang partido ni Tito Sen.
Iyon kayang dalawang anak pa ni bossing na sina Danica at Oyo Boy, kanino susuporta?
Mga nagbebenta ng kahalayan, walang ibang matakbuhan
“Oo natatandaan at kilala ko siya. Mga tatlong beses kaming nag-date noon na ang nag-arrange ay isang dating massage parlor officer na pinagsi-shootingan din ng mga pelikula diyan sa Timog. Noon 15K ang bayad sa kanya sa bawat date at ok naman, sulit naman. Kaya lang ayoko noong pumapatol kahit kanino kaya pagkatapos noon ayaw ko na sa kanya,” kuwento sa amin ng isa naming source tungkol sa character actor na sexy star noong araw.
Trending iyang mga ganyang sideline ng ilang male stars ngayon. Alam naman ninyo, mahina ang raket ngayon sa show business dahil sa lockdown. Kaya marami ang nagbebenta ng kahalayan at ang iba naman ay pumapasok na muna sa graft and corruption. Kaya nga ang daming kumandidatong artista eh, kahit na iyong hindi bagay, kasi nga wala silang raket.