Jake hindi pa rin nagsasalita, Paulo todo ang pagpapaliwanag!

Paulo
STAR/ File

Hanggang nung Linggo ng gabi ay sinasagot pa rin ni Paulo Avelino ang ibang nagku-comment sa kanyang tweet na nagtatanggol kay Jake Cuenca.

Naaliw kami sa mga palitan ng tweets dahil may ibang nagtanggol sa mga pulis, meron namang umaayon sa ginawa ni Jake.

Sabi kasi ni Paulo, kung sa kanya raw nangyari ‘yun, maaring tatakbo rin siya dahil hindi alam kung ano talaga ang pakay ng mga pulis na ‘yun,

Pero may sumagot na nakabangga siya kasi ng isang kotse ng pulis kaya dapat lang na tumigil siya.

Pero kaagad na sinagot ito ni Paulo ng “Ma’am wag p tayo mag marunong. Wala pong tama sasakyan niya. Kung may nasagi man gulong niya malang dahil kita naman po sa mga picture lampas ng sasakyan. Yung complainant po private vehicle ng pulis na ginamit sa operation. Uulitin ko po, GET YOUR FACTS STRAIGHT.”

Samu’t-sari na ang mga opinyon ng netizens na nakisawsaw sa tweet na ‘yun ni Paulo.

Nilinaw naman ng aktor na hindi lasing si Jake at hindi naka-drug. Pupuntahan lang daw siya, pagkatapos siyang naka-recover sa COVID 19.

Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag si Jake. Pero sinasabi rin ng iba na dala ng taranta ni Jake kaya siya tumakbo, dahil maaaring makilala siya at natakot itong gagamitin siya ng ibang pulis.

Hindi mo nga naman masisising mawalan tayo ng kumpiyansa sa ilang kapulisan natin.

Naaliw lang ako sa palitan ng tweets sa account ni Paulo, mas marami nang fans ang nagpa-cute sa aktor.

Sinasabi nilang hindi raw nila alam na nagka-COVID si Paulo, sana inalagaan daw nila ito. Sobrang na-miss na raw nila si Paulo na naging abala sa taping ng Marry Me, Marry You nila ni Janine Gutierrez.

Kaya ang ending ng tweet nito; “Oo na. Sige na. Na-miss ko din kayo. Naging busy lang dahil pinaghahandaan namin bago naming serye. Sana magustuhan ninyo.”

Ariella suportado pa rin ang kandidatura ni Ervic, humanga kay Willie

Nakatsikahan namin si Ariella Arida sa radio program namin sa DZRH nung nakaraang Biyernes, at medyo na-awkward siya nang tinanong namin tungkol sa pagtakbo ng dating boyfriend niyang si Ervic Vijandre.

Tatakbong konsehal si Ervic sa San Juan, at nakatsikahan din namin si Ervic bago namin na-interview si Ariella.

Nilinaw sa amin ni Ervic na 2015 pa siya sa San Juan at naging magkaibigan sila ni Mayor Francis Zamora na siyang naghimok sa kanya na tumakbong konsehal sa ilalim ng kanyang partido.

Natanong din kay Ervic tungkol kay Ariella na sinagot naman ng aktor na okay sila, at hindi naman sila nag-iiwasan kapag nagkasalubong sila.

Natanong din si Ariella kung susuportahan ba niya ang kandidatura ng dating boyfriend. “Supportive naman po ako sa lahat,” safe na sagot ng beauty queen/actress at TV host.

At sa usaping pulitika, nabanggit niyang lalo siyang humanga kay Willie Revillame nang magbigay ito ng pahayag kaugnay sa di niya pagtakbo bilang Senador sa darating na eleksyon.

Sabi ni Ariella; “Napahanga ako ni Kuya Wil kasi siyempre sa estado  n’yang ‘yun sobrang… kumbaga kung gugustuhin naman talaga niyang pumasok sa pulitika, talagang nakukuha niya ang puso ng masa dahil ever since tinutulungan niya ‘tong mga ‘to. Easy win for him kumbaga. Pero pinili pa rin niya ang ibang way na nakakatulong naman siya na hindi na niya kailangang pumunta sa posisyon na ‘to.”

Halos dalawang taon ding nagku-co-host si Ariella kay Willie sa Wowowin at minsan ay nagi-guest co-host pa rin daw siya.

Aware raw siyang marami na ang humihikayat noon sa Wo­wowin host na tumakbo sa eleksyon, pero tumatanggi na raw ito.

“Naalala ko nga ang lagi niyang sinasabi, ‘kung nakakatulong ako sa ganitong paraan, walang pinagkaiba kung nasa posisyon ako.

“Nagi-gets ko naman po siya. Kaya siguro sobrang blessed din siya dahil coming from the heart talaga ‘yung pagtulong niya,” pahayag ni Ariella na todo promote pa sa pelikula niyang Sarap Mong Patayin na mapapanood na sa Vivamax sa Oct. 15.

Show comments