Hindi masarap ang kinakain ngayon mula sa agahan hanggang sa hapunan ng isang female personality. Matindi ang pamba-bash sa kanya, hindi na halos siya pinagpapahinga, kinukuwestiyon ang kanyang loyalty at kawalan ng utang na loob.
Umariba na naman kasi nang padaskul-daskol ang babaeng personalidad. Hindi muna niya pinag-isipang mabuti ang pinasok niyang kompromiso.
Palagi siyang sumasablay, nalalagay siya sa indulto dahil hindi muna siya humihingi ng payo sa mga pinagkakatiwalaan niyang kaibigan, bira na lang siya nang bira.
Kuwento ng aming source, “Sobrang sakit para sa kanya ngayon na pati ang mga grupong kakampi niya dati, e, kalaban na niya ngayon! Sapak kung sapak ang inaabot niya ngayon, kasing-anghang ng ginisang siling-labuyo ang ipinakakain sa kanya! ‘Yun ang napala niya sa kagustuhan niyang magpabibo!
“Wala siyang kadala-dala! Arya na lang siya nang arya, matupad lang ang mga pangarap niya at personal interest!” inis na inis na pagsisimula ng aming impormante.
Nag-aambisyon ang female personality na ito na makapaglingkod kuno sa kanilang mga kababayan, sumali siya sa isang grupo, pero hindi niya man lang pinag-aralang mabuti kung ano ang kasaysayan ng tropang sinalihan niya.
Dagdag na impormasyon ng aming impormante, “Bukas ba ang tenga niya sa mga nangyayari? ‘Yung grupong sinalihan niya, isa ‘yun sa mga tumutol para makabangon ang istasyon nila ng anak niya!
“Hindi man lang niya naisip na kung wala ang network na ‘yun, e, baka umaamot pa rin siya ng awa sa mga kaibigan at kakilala niya para sila mabuhay ng mga anak niya!
“Milagro ang ginawa sa kanila ng istasyon, sumikat ang anak niya, pati nga siya, e, naambunan ng suwerte dahil bigla siyang nagkaroon ng show!
“Hindi man lang niya naisip ‘yun? Nasaan naman ang loyalty niya? Nasaan ang pagtanaw niya ng utang na loob? Mismong grupong naglaglag sa bakurang pinagkukunan nila ng biyaya ng anak niya, sinalihan pa niya?
“Ambisyosa kasi ang female personality na ‘yun, pabibo, pabida, bira lang siya nang bira nang hindi man lang nag-iisip! Ano ngayon ang masasabi niya?
“Mismong mga tagahanga ng anak niya ang nagsasabing napakakapal ng face niya? ‘Yan ang napala niya sa mataas niyang ambisyon!” naiinis pa ring pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Cong. Niña, hindi nagbago kahit malayo na ang narating
Napakalayo na nga ng nararating ng anak ng Iriga City. Hindi lang ang Superstar na si Nora Aunor ang maipagmamalaki ng progresibong siyudad ng Bicol, may isa pa, si Congresswoman Niña Taduran.
Bata pa lang siya ay pangarap na niyang magamit ang kanyang talino sa mundo ng radyo. Magaling siyang magsalita, malinaw, meron din siyang karismang kanyang-kanya lang.
Pinasasalamatan ni Cong. Niña ang mga broadcaster na nagtiwala sa kanya. Hindi nga naman lahat ng probinsiyana ay nabibigyan ng pagkakataong magsalita sa harap ng mikropono.
Mula sa pagiging co-host ng mga markadong radio announcer ay dumating sa kanya ang mas malaking oportunidad. Nagkaroon na siya ng sarili niyang programa sa radyo at maging sa telebisyon.
Ang pinakahuli niyang programa ay ang Wanted Sa Radyo ni Raffy Tulfo. Mahigit na dalawang dekada siyang naging co-anchor ng matapang na broadcaster na tumatakbo nang senador ngayon.
Nalihis naman ang kapalaran ni Niña Taduran nang manalo ang ACT-CIS Party List, naupo siya bilang third nominee sa Kongreso, naging mabait sa kanya ang kapalaran dahil mas lumutang ang kanyang talino.
Masarap makatulong at magserbisyo sa ating mga kababayan bilang kongresista, aminado si Cong. Niña, pero kung bubuklatin natin ang kanyang puso ay nakahulma pa rin du’n ang pagiging broadcaster niya.
Kundi man siya muling pumalaot sa mundo ng pulitika sa darating na eleksiyon ay siguradong nand’yan ang mundo ng pamamahayag na nakaabang sa kanya.
Meron siyang babalikan, maraming istasyong magtitiwala sa kanyang kakayahan, dahil meron siyang magandang bakas na iniwan nang maging kinatawan siya ng ACT-CIS Party List.
Malawak ang mundong nakalaan para sa isang tulad ni Congresswoman Niña Taduran na nagmahal sa kanyang propesyon. Maraming kalye ng oportunidad na handang sumalubong sa kanya nang dalawang kamay.
Matagal namin siyang nakasama sa Radyo 5, mula nu’n hanggang ngayong may titulo na siyang hawak ay hindi siya pinagbago ng kapangyarihan, siya pa rin ang dating Niña Taduran na parehas sa kanyang kapwa at marunong tumanaw ng utang na loob sa mga taong nagpala sa kanya.