Ate Vi, alam kung kailan dapat tumigil
Ang nakita naming dahilan kung bakit tumatagal si Ate Vi (Vilma Santos) sa anumang pasukan niya, at hindi kailanman nagaya sa ibang nalaos, kasi alam niya kung kailan siya titigil.
Bilang isang television star, tumigil siya dahil gusto niyang magkaanak at sinabihan siya ng doctor na nakakaapekto sa kanyang pagbubuntis ang pagsasayaw niya noon sa kanyang show. Nagpahinga si Ate Vi sa telebisyon noong ang kanyang show ay highest rating sa survey at siya ang itinuturing na highest paid television personality.
Simula nang pumasok sa pulitika, hindi naman niya iniwan nang tuluyan ang pagiging aktres sa pelikula, pero gumagawa lang siya ng proyektong gusto niya. Hindi bayad ang basehan. Nakagawa nga siya ng isang pelikula ni singko hindi siya binayaran, dahil sinabi niyang ang ibabayad sa kanya ay hati-hatiin na lang sa mga extra at sa mga crew.
Ang daming producer na lumalapit sa kanya, mayroong ding naiinip na. Pero alam kasi ni Ate Vi ang tamang timing para sa lahat ng proyekto.
Hindi siya kagaya ng iba, na siguro naman kasi dala na rin ng mahigpit na pangangailangan, lahat tinatanggap kaya naman sunud-sunod na flop.
Ngayon tingnan ninyo ang record. Undefeated Mayor of Lipa for three terms. Undefeated governor of Batangas, for three terms. Undefeated congresswoman of the lone district of Lipa, for two terms.
Highly rated choice for president or vice president, highly rated choice bilang senador, iisipin ba ninyong aayaw siya ngayon?
Pero may dahilan. Naniniwala siyang siguro sapat na ang kanyang pagiging public official ng 23 taon, tutal nandiyan naman si Senator Ralph (Recto) na papalit sa kanya sa Kamara at maaari siyang tumulong sa background.
At ang matinding dahilan, naniniwala siyang makakatulong siyang maibangon ang lugmok na industriya ng pelikula bilang aktres, director at producer ng pelikula at sa telebisyon. Naniniwala siyang panahon na para balikan niya ang mga kaibigan at mga nakasama sa trabaho sa loob ng mahigit na 50 taon.
Hindi masasabing umalis siya sa pulitika dahil nalaos siya, o nakagawa siya nang mali. Umalis siya sa panahong ang palagay ng marami ay unbeatable siya. At iyan ang kaibahan, alam niya kung kailan siya dapat na tumigil.
Willie, tumulad kay Dolphy
Noong araw hinihimok nila si mang dolphy na kumandidato dahil tiyak panalo siya. Pero ang sabi ng comedy king, “madali ang manalo, pero ang problema ay kung manalo ako at hindi ko alam ang gagawin.”
Ngayon, ano ang sinabi ng isa pang komedyanteng may utak, si willie revillame? “dito ako sa wowowin. Hindi ako aalis dito. Hindi ko kailangang maging senador para makatulong sa tao. Nakakatulong ako sa mas marami at nakapagbibigay pa ng kasiyahan dito sa aking show.”
Iyan ang tao. Hindi kagaya ng iba na alam mo namang gunggong pero nag-aambisyon pa rin at kumakandidato.
Gayahin ninyo ang halimbawa ni mang dolphy. Gayahin ninyo si willie revillame. Alam nila kung saan sila dapat lumagay.
Radio announcer na si Henry Ragas pumanaw, 82
Pumanaw na sa edad na 82 ang sikat na radio announcer sa radyo na si Henry Ragas. Si Kuyang Henry ay huling napakinggan sa dzBB, at dating pinakikinggan namin nang magdamag. Si Kuyang din ang isa sa mga original na anchor ng Radyo Patrol, kasabayan nina Orly Mercado, Barr Samson, Cris Daluz, Vic Morales at iba pa.
Nakaburol daw ngayon si Kuyang Henry sa Marikina. Wala naman silang ibang detalye pang idinagdag, kasi bawal pa rin naman ang makipaglamay. Maraming taong nagbigay siya sa atin ng mga balita at entertainment. Ipanalangin nating masumpungan niya ang kapayapaang walang hanggan at ang liwanag na walang katapusan sa piling ng Diyos.
Nora, may sariling partylist
Akala namin biruan lang noong umagang-umaga ay dumating sa CCP Complex ang ilang fans ni Nora Aunor, at sasama raw sila sa idol nila na magsusumite ng COC bilang nominee ng isang party list. Hindi nila alam kung anong party list, “basta partylist iyon” sabi pa ng isa.
Dumating nga si Nora, hindi naman siya nasamahan ng ilan niyang fans dahil bawal nga ang supporters sa loob ng COMELEC area at nag-file ng nomination niya bilang kinatawan ng National Organization for Responsive Advocacies for the Arts (NORAA).
Hindi ito ang unang sabak ni Nora sa pulitika. Tumakbo na rin siya sa Bicol noon pero natalo. Siya ay dalawang ulit na ring nai-nominate bilang national artist at dalawang ulit ding na-by pass ng dalawang magkasunod na presidente, sina Pangulong Noynoy Aquino at si Presidente Digong Duterte.
Habang ang kasabayan niya sa showbiz na si ate Vi, nag-exit na sa pulitika, na sa kasalukuyan ay deputy speaker ng lower house.
- Latest