Marami ang nagulat sa naging desisyon ni Deputy Speaker Vilma Santos kahapon ng tanghali.
Hindi na siya tatakbo sa kahit na anong posisyon sa 2022. Gusto na muna niyang magpahinga matapos ang 23 taong serbisyo sa bayan, ngayon sinasabi nga niyang ang kanyang babalikan ay ang kanyang third priority. Gagawa na siya ulit ng pelikula. “Una sa tingin ko hindi maganda ang sitwasyon ngayon, kasi mahihirapan din naman akong magkampaya. Palagay ko hindi ko kayang ikutin ang buong Pilipinas. Hindi lang nakakapagod at time consuming, pero delikado ngayon dahil sa sitwasyon ng COVID. Alam mo naman lampas na tayo sa pagiging teenager kaya kailangang mag-ingat na. Kahit na sinasabi nila, hindi ko raw kailangang mag-ikot, sabihin lang na kakandidato ako sapat na, palagay ko hindi puwede iyon. Hindi puwede sa akin iyong hindi ako haharap sa mga tao. Kung hihingin ko ang kanilang pagtitiwala, kailangan maipakita ko sa kanila na mapagtitiwalaan nila ako. Hindi puwedeng hindi ako haharap sa kanila. Doon sa bagay na iyon mahihirapan ako,” pahayag ni Ate Vi.
Pagpapatuloy niya pa : “Alam ko marami ang disappointed sa desisyon kong ito. Marami ang umaasa na noong una tatakbo raw akong vice president, tapos senador naman. Pero noon pa sinasabi ko na sa iyo na mayroon akong third option at iyon ay balikan ang pagiging artista ko.
“Alam mo ba nakokonsensiya na rin ako sa tuwing kinakausap ako ng Vilmanians. Ilang taon na iyan na puro pangako ako sa kanila na gagawa ako ng pelikula, hindi ko naman magawa. Akala ko noon pag congresswoman ako makagagawa na ako ng pelikula, oo nga’t hindi ka kailangang araw-araw pumasok, pero ang dami naman palang homework, tapos inabutan pa nga tayo ng pandemya.
“Pinag-aralan ko naman lahat ng sinasabi nila sa akin. May isang local official pa ngang nagpunta sa akin na ng sabi. Ate Vi, kahit na iyong posisyon ko takbuhan mo na lang dahil ayaw naming mawala ka sa team. Pero sabi ko nga hindi naman ako mawawala sa team. I will continue to be there in spirit. Tuloy ang paglilingkod-bayan na magagawa naman kahit hindi ka elected official. Kung ano ang nasimulan ko sa Batangas, magtutuluy-tuloy ako, lalo ngayon na magkasama pa kami ni Ralph (Recto) sa trabaho,” ending ng usapan namin ni Ate Vi.
Tiyak iyan, tuwang-tuwa na ang VSSI at si Jojo Lim na matagal nang naghihintay ng pelikula ni Ate Vi.
Aljur at AJ, gimik lang?
Naku, umarriba na naman si ‘Marites.’
Mayroon pa siyang video nina Aljur Abrenica at AJ Raval na magka-holding hands habang namamasyal sa isang mall. Kahit na sabihin mong may face mask, kilala pa rin naman ang mukha sa video.
Isa lang ang hindi alam ni Marites. Hindi niya alam kung totohanan nga bang date ang kanyang nakunan o isang publicity gimmick para mapansin ang pelikulang ginawa ng dalawa para sa internet.
Alam ninyo ang mga artista ngayon lahat ng gimmick ginagawa para may manood ng pelikula nila. Eh talagang wala naman halos nanonood ng sine sa internet. Kita nga ninyo iyong festival ng mga indie, hindi nila maituloy dahil walang sinehan. Kung sa sinehan noon nilalangaw na iyang mga indie, lalo pa ngayon sa internet.
Mayroon nga riyan na nagsisipag-hubad na, nakalabas na ang dapat na itago, mga lalaking naghahalikan. Aba lahat ng kahalayan ginagawa na mapansin lang ang pelikula nila sa internet, pero wala pa rin.
Pero ano nga ba Marites? Palagay mo ba mag-syota nga sina Aljur at AJ? Baka naman pagkatapos ng pelikula nila sa internet wala na iyan.
Direktor, gustong gawan ng pelikula ang galit ng bading sa inalagaang dyowa
Tatawa-tawa pa si direk,habang nagkukuwento ng gusto niyang gawing pelikula na ang title ay Ngitngit ng Butanding. Hindi namin alam kung gusto niya iyong ilabas sa National Geographic o sa Animal Planet Channel. Pero may nagbulong sa amin na possible raw na iyon ay isang “true to life story.”
Ang takbo raw kasi ng kuwento talagang galit na galit ang butanding sa “kanyang small fish,” dahil natuklasan niyang may hinahabol iyong isang isdang babae. Siyempre galit ang butanding, dahil pinapalaki nga niya ang male fish, at totoo namang gay siya.
Hindi lang namin alam kung mapapapirma ni direk ang butanding para ang pelikula niya ay mailabas niyang true to life story, dahil kung hindi, baka maging science fiction lang ang classification niyan.