Showbiz senatoriables uli: Herbert Bautista, Monsour del Rosario tatakbo sa ilalim nina Lacson-Sotto

Litrato nina dating Quezon City Mayor Herbert "Bistek" Bautista at dating Makati Rep. Monsour del Rosario, parehong artista, na naghain ng kanilang COCs para sa 2022 senatorial elections sa ilalim ng slate nina Sen. Panfilo Lacson at Senate President Vicente "Tito" Sotto III, ika-6 ng Oktubre, 2021
Comelec/Released

MANILA, Philippines — Dalawa pang aktor at atleta ang naghain ng kanilang kandidatura ngayong araw para sa pagkasenador sa susunod na taon — sa pagkakataong ito, pare-pareho sa ilalim ng slate nina Sen. Panfilo Lacson at Senate President Vicente "Tito" Sotto III na naghain ng kanilang 2022 bid sa pagkapresidente at pagkabise.

Miyerkules nang maghain ng kanilang certificates of candidacy (COCs) ang dating QC mayor at komedyanteng si Herbert Bautista, bagay na sinabayan din ng aktor at Taekwondo athlete na si Monsour del Rosario.

"Herbert 'Bistek' Bautista po. Nandito po ako upang samahan ang atin pong pagkapresidente at vice president: wala na pong iba kung hindi sina Sen. Ping Lacson at si Senate President Tito Sotto. Bahagi po kami ng Nationalist People's Coalition (NPC)," ani Bautista kanina.

"Nandito po ako upang kumandidato bilang senador ng Republika ng Pilipinas. Ito po 'yung kauna-unahang journey ko sa larangan ng public service after more than three decades of serving the people of Quezon City."

Wala siya gaanong nabanggit patungkol sa kanyang mga plataporma kung papalaring makasungkit ng pwesto sa lehislatura.

Kilalang presidente ng NPC si Sotto, na isa ring komedyante't TV host sa Kapuso Network.

"God willing po, at ako po'y pagbigyan niyo dito sa bansang Pilpinas na maging senador ninyo," banggit ni Del Rosario sa kanyang speech kanina sa Comelec.

"I think I can contribute a lot in my experiences in life, being a national taekwondo athlete for many years, fighting for our country, giving glory for our country, later on, being a leader for many Philippine national teams competing aroundf the world in different international competitions."

Kilalang dating naging kinatawan ng Makati City si Del Rosario sa unang distrito nito mula 2016 hanggang 2019. Ilan sa mga naipasa niyang batas noong 17th Congress ay ang Telecommuting Act of 2018, na siyang labis daw napapakinabangan ngayong may COVID-19 pandemic.

Layon din daw niya makapagbalangkas ng mga polisiyang makatutulong sa ekonomiya ng bansa para mas lalong matulungan ang mga nahihirapan sa buhay sa ngayon.

Maliban diyan, nakakuha siya ng gintong medalya sa taekwondo sa ika-14 at ika-15 na Southeast Asian Game. Lumabas na rin siya sa ilang Filipino at international action films. 

Tatakbo si Del Rosario sa ilalim ng Partido Para sa Demokratikong Reporma na siyang pinamumunuan naman ni Lacson.

Maliban sa kanila, ilan na ang showbiz personalities na pinupuntirya ang Senado sa ngayon.

Kahapon lang nang ianunsyo ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi na tatakbo sa ilalim ng kanilang partido sa pagkasenador ang action star at "Bad Boy ng Pelikulang Pilipino" na si Robin Padilla.

Makakasama ni Robin ang kanyang kapatid at aktor ding si Rommel na tatakbo naman bilang kinatawan ng unang distrito ng Nueva Ecija.

Show comments