Mga artistang kakandidato mas dumami, sinabi ni Rico nagkatotoo!
Mukhang mas maraming artista ang kumakandidato ngayon sa iba’t ibang posisyon, local man o nasyonal, hindi pa kabilang diyan ang marami nang nakapuwesto pa.
Ang iba ay nakasubok na sa pulitika, pero mas marami yata ang ngayon lang sasabak sa larangang iyan.
Marami ang nagsasabing may advantage ang mga artista kaysa sa ibang baguhang pulitiko, dahil kilala na sila, karamihan ay napaganda na ang image, at malakas ang recall ng kanilang pangalan.
Hindi na bago iyan. Siguro ang kauna-unahan ngang artista na sumabak sa pulitika, ay ang sikat na matinee idol noong araw na si Rogelio dela Rosa. Siya ay nahalal na senador at nanungkulan simula noong 1957 hanggang 1963. Muntik na rin siyang maging presidente ng Pilipinas kung nagtuloy siya sa eleksiyon para pangulo noong 1961, pero umurong siya para bigyang daan ang kanyang kababayan at bayaw na si Diosdado Macapagal. Ang unang asawa ni Macapagal na si Purita ay kapatid ni Rogelio dela Rosa. Nang muli siyang lumaban bilang senador noong 1963 ay natalo siya, at hindi na kumandidato pang muli. Ginawa siyang ambassador sa Cambodia noong 1965, at sinasabi ngang dahil sa nasimulan niya, dumami ang artistang namulitika.
Isa sa mga unang sumunod sa kanya ang radio broadcaster na si Eddie Ilarde, na nagsimula bilang congressman din hanggang maging senador.
Ang komedyanteng si Chiquito ay nagsimula bilang konsehal ng Makati nang tatlong ulit. Nanungkulan sandali bilang vice mayor ng lungsod ng Makati rin. Sumubok na tumakbo ring senador si To-chi-ki, pero hindi siya nanalo.
Tapos marami na ang sumunod pa. Si Joseph Estrada ay matagal na mayor ng San Juan, tapos ay naging senador at tapos ay kauna-unahang artistang presidente ng Pilipinas, pero napatalsik, at nagbalik bilang mayor ng Maynila.
Pumasok din sa pulitika ang kanyang mga anak na sina Jinggoy at JV, ganoon din ang mga pamangking sina ER at Gary.
Ganoon din naman ang komedyante at musikerong si Tito Sotto na ngayon ay presidente ng Senado. Pumasok din sa pulitika ang kanyang anak na si Lala at ngayon ang vice mayor na si Gian Sotto. Mayor na rin ang kanyang pamangking si Vico Sotto.
May mga biruang ang Maynila daw tambak ang artista, dahil mayor si Isko Moreno, congressman si Yul Servo, may panahong konsehal sina Lou Veloso, Robert Ortega at marami pang iba.
Hindi natin dapat kalimutan na kumandidato rin bilang pangulo si FPJ, at sinasabi ng marami na dapat siyang nanalo sa isa sa pinakakontrobersiyal na halalan sa Pilipinas.
Naging political clan na rin naman ang mga Revilla. Una si Mang Ramon, na sinundan ni Bong sa lalawigan ng Cavite. Ngayon nasa lalawigan ang asawa ni Bong na si Lani, ang anak na si Jolo, ang kapatid na si Strike, at nasa Antipolo naman ang kapatid na babaeng si Andrea.
Isa sa malayo na rin ang narating ay si Congresswoman Vilma Santos, na nagsimula bilang mayor ng Lipa, gobernador ng Batangas, at ngayon deputy speaker ng Kongreso. Isang clan na rin ngayon si Mayor Richard Gomez at ang asawang Congresswoman Lucy Torres-Gomez.
Mayroon din namang mga artistang talunan. Natalo si Nora Aunor nang magtangkang kumandidato sa Bicol. Ganoon din naman si Robin Padilla na sa kabila ng kasikatan ay natalo sa eleksiyon.
Natalo rin naman nang magtangka sa pulitika si Phillip Salvador. Kumain din naman ng alikabok sa pulitika si Cesar Montano.
Nagtangka rin namang kumandidato bilang pangulo noon si dating MTRCB Chairman Manoling Morato pero natalo rin naman siya. Naging congressman din naman si Monsour del Rosario, pero natalo siya noong nakaraang eleksiyon.
Si Edu Manzano, naging vice mayor ng Makati. Natalo nang mag-ambisyong maging mayor. Kumandidatong senador, talo rin. Kumandidato pang vice president, olats pa rin. Nitong huli, kumandidatong congressman sa San Juan, wala pa rin.
Mahina ang kita sa show business, kung sabihin ngang “walang raket.” Sana ay hindi totoo ang sinasabi noon ng singer at komedyanteng si Rico J. Puno, na naging konsehal din ng Makati, “walang raket sa showbusiness eh kaya lipat na muna sa graft and corruption.”
Pero biro lang naman iyon kay Rico J.
- Latest