Pagkatapos mapabalita ang pagpasok ni Claudine Barretto sa pulitika, pinaglaruan na ito ng iba na kung saan ay meron namang nag-post sa Facebook ng pagtakbo naman ni Raymart Santiago.
Ikinalat ang art card ng isang partido na kung saan nandun ang litrato ng Zambales Vice Governor Jay Khonghun, ang partner ni Aiko Melendez.
Tatakbo raw itong Congressman at ang nakalagay na Mayor ay ang incumbent Mayor Len J. Paulino at ang Vice Mayor daw nito ay si Raymart.
Natawa na lang si Raymart nang ipinarating sa kanya ang post na ‘yun. Fake news daw ‘yun ayon sa kampo ng aktor.
Hiningan siya ng reaksyon ng ka-Troika kong si Noel Ferrer, pero “hahaha!” lang ang sagot niya.
Hindi naman talaga mahilig magpapatol si Raymart sa mga ganung bagay, kaya hindi na siya nagkomento. Basta natatawa na lang siya.
Napagtripan lang na paglaruan dahil nga sa pagtakbong konsehal ng Olongapo ng dating asawa niyang si Claudine Barretto.
Kapartido ni Claudine dito ang manager niyang si Arnold Vegafria na tatakbo namang mayor.
Julie Ann at Rayver, may ‘magic’ ang tambalan
Hindi lang pala ako, kundi napapansin na rin ng mga taga-The Clash na may chemistry ang tambalan nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz.
Hindi pa sila nagsama sa isang drama series, pero kahit hosting lang ay nakitaan sila ng chemistry at puwede talaga silang magtambal sa isang project, hindi lang sa The Clash.
Sabi nga ni AiAi delas Alas, meron daw silang magic na napapansin din ng lahat, kaya parami nang parami ang kanilang JulieVer fans.
“Yung rapport namin ni Juls sa stage, iba rin. Kahit ako nagiging fan na rin. Marami pa akong natutunan in terms of… pag nagpi-perform ako kasama si Juls. Siya ‘yung nagtuturo sa akin. Lahat kasi kaya niyang gawin eh. Parang nadadala ako kapag kasama ko siya eh. Kailangan mo ring galingan kapag kasama si Juls pati sa paghu-host eh,” napapangiting pahayag ni Rayver.
Parang nahiya pa si Julie nang sinabihan kong parang gusto ko silang intrigahin dahil bagay sila, pero nakakahiya lang kay Janine Gutierrez. “I love Janine,” pakli ni Julie na natatawa na lang.
“Si Rayver kasi masarap siyang katrabaho, and we really get along kahit hindi… like for example kapag wala kami sa stage, like before nung show o ng prod ganyan, basta everytime na makita ko si Rayver parang wala akong… like never ako nahirapan na i-approach siya. Never ako nagkaroon ng dull moment with him. Kasi kalog si Rayver eh, parang masaya siyang kasama. Everything else follows. Kapag masaya ka naman as a person, nagri-reflect din sa trabaho mo. Hindi ko rin ma-explain kung ano ‘yung nakikita sa amin together,” sabi pa ni Julie Anne.
“Siguro naging teamwork na rin. May ano eh, may… hindi ko ma-explain eh. Merong something na nagdya-jive talaga kami eh,” dugtong naman ni Rayver.
Bukas, Sabado, ay magsisimula na ang The Clash na nasa 4th season na.
Kitang-kita raw na may ‘magic’ at may kilig ang tambalang Rayver at Julie Anne.