Binoboldyak ngayon sa social media ang isang kilalang male TV personality. Hinalungkat na yatang lahat ng kanyang mga bashers ang pinakamasasakit na salita sa diksiyunaryo para lang ibato laban sa kanya.
Lulundag na kasi sa kabilang bakod ang lalaking TV personality, hindi na siya nakapaghintay sa kanilang ipinaglalaban, kaya siya sinusumbatan ngayon ng mga bashers.
Kuwento ng aming source, “Hindi naman sana ganito katindi ang mangyayari sa kanya kung nanahimik lang siya nu’n. Kaso, nag-ingay pa siya, kung anu-ano ang sinasabi niya, kaya ayan, bumalik sa mukha niya ‘yun!
“Mahirap talagang magsalita nang tapos, minamarkahan ‘yun ng mga netizens, lalo na ng mga trolls at bashers!” umpisang komento ng aming impormante.
Nu’ng malagay sa indulto ang network na pinaglilingkuran ng male TV personality ay nagparamdam siya ng loyalty. Mananatili kuno siyang magiging tapat sa istasyon kung saan siya nagsimula.
Dagdag na kuwento pa ng aming source, “Kinukuwestiyon niya ang scenario, bakit daw iniipit ang kanilang network, bakit daw sinisikil ang kanilang kalayaan?
“Meron pa siyang ipinangako na mananatili siya sa network hanggang sa pinakahuling hininga ng istasyon. Hanggang sa pinakahuling laban.
“Bakit, napugto na ba ang hininga ng network nila? Wala na bang pag-asang makabalik ang istasyong pinagsimulan niya at naging dahilan kaya siya nakilala?
“Ang dali niya namang nagkaroon ng amnesia? Ang bilis niya namang bumitiw sa ipinaglalaban nila? Sayang, magaling pa naman siyang magbalita tungkol sa panahon, pero ano ang ginawa niya? Wala sa panahon!” madiin pang sabi ng aming source.
Pero ayon sa isa naming source ay marespeto namang nagpaalam sa kanyang mga ehekutibo ang male TV personality. Hindi naman siya basta-basta lumundag sa kabilang bakuran.
“Actually, matagal na panahon muna ang lumipas bago siya nagdesisyon. Paalis pa lang ‘yung papalitan niya sa kabilang istasyon, e, may mga kumakausap na sa kanya.
“Pero hindi muna siya nag-decide, inayos niya muna ang lahat ng kailangan. Papayagan ba siya ng mga boss niya? Marespeto siyang nagpaalam.
“Alam niya na hindi niya kayang bayaran ang utang na loob. Napakalaki ng nagawa para sa kanya ng network na iiwanan niya. Nagpaalam siya nang maayos,” paliwanag ng kaibigan ng male TV personality.
Sabi na lang ng aming source, “’Yun ang ulat ng panahon. Makulimlim lang ngayon, pero liliwanag din kapag nagpaliwanag na siya.”
Ubos!
AiAi at Gerald, tuloy na ang pagtira sa amerika
Sa Amerika magbubuo ng sarili nilang pamilya sina AiAi delas Alas at Gerald Sibayan. Itinuturing nang anak ni Gerald ang mga anak ng Comedy Concert Queen pero iba pa rin ‘yung mismong pinagsanib nilang binhi ang pagmumulan ng kanilang anak.
Pagkakaroon ng anak ang una nilang proyekto kapag nanirahan na sila sa West Virginia. Kungdi na sila makahahabol sa natural na paraan dahil inaalala ni AiAi ang kanyang edad ay nasa Amerika na sila. Nandu’n na ang lahat ng mga kailangan para magkaroon sila ng anak sa siyentipikong paraan.
Sa Disyembre na ang paglipad nila papuntang Amerika para du’n na sila manirahan. Aasikasuhin din ni Gerald ang kanyang planong ipagpatuloy ang pagpipiloto nito sa ibang bansa.
Sabi ni AiAi, “Matindi ang desisyong ito para sa akin. Para akong isda na tinanggal sa tubig. Pero kung meron namang mga shows na kailangan kong gawin dito, puwede naman ako, hindi ako tumatanggi sa grasya.”
Sa napakahabang biyahe ni AiAi sa pakikipagrelasyon ay dumating din sa kanyang buhay si Gerald Sibayan. Magkalayo man ang kanilang edad ay nagkakasundo sila sa halos lahat ng bagay.
At kahit ang mga anak ni AiAi ay nagpapatotoo na ngayon lang nila nakita ang kanilang ina na masaya sa pakikipagrelasyon. Kalmado lang si AiAi, walang gulo, maayos ang samahan nila ni Gerald.
“Alam mo ‘yung ibibigay talaga sa iyo ni Lord ang taong kailangan mo. Ang dami ko nang pinagdaanan, ibinibigay ko naman ang share ko, pero hindi nagtatagumpay.
“Tapos, heto si Ge na nakilala ko lang sa badminton court, naging magkaibigan kami, pero siya pala ang magiging asawa ko. Walang aksidente, palaging nakaplano,” seryosong sabi ng komedyana.
Maganda kasi ang kanyang puso. Mapagpahalaga siya sa mga taong nakasabay niya sa pag-akyat sa mga baitang ng escalator ng tagumpay (hindi hagdan) na hanggang ngayo’y binabalikan niya pa rin at tinatanawan ng utang na loob.