Aktor na plinanong pagkaperahan ang pulitika, walang nakuhang partido!

Dahil sa kahirapang kakambal ng pan­demya ay naisipan pala ng isang kilalang male personality na pasukin na rin ang mundo ng pulitika.

Naniwala siya sa bulong ng kanyang mga nakakausap na kung matumal ang trabaho ng mga artista ngayon ay magandang pangsalo sa kabuhayan showcase ang pulitika.

Kuwento ng aming source, “Meron siyang kinausap na politician na dati niyang ikinakampanya, ang dami-dami niyang tanong, parang kumbinsido na siyang kumandidato.

“Kanino raw manggagaling ang pondo kung kakandidato siya? Magkano raw ang bigayan sa mga kakandidato? Puro tungkol sa datung ang tanong niya,” biting kuwento ng aming impormante.

Nabigo ang male personality sa mga narinig niya. Wala namang kumukuhang partido sa kanya, kaya kapag ganu’n, siya ang gagastos sa kabuuang kampanya niya.

Balik-kuwento ng aming source, “Biglang atras ang male personality. Saan nga naman siya kukuna ng gagastusin niya, e, wala nga halos siyang trabaho ngayon?

“Ang dahilan ng kagustuhan niyang tumakbo, e, ang magkadatung. Gagawin niyang negosyo ang pulitika, sa totoo lang, pero ang problema, e, wala namang kumukuha sa kanya!

“May mga kinausap na rin siyang mga artistang nakaupo na, ganu’n din ang sagot sa kanya. Wala siyang maaasahang pondo, dahil indepen­dent siyang tatakbo.

“Nawalan na siya ng gana, nabura na sa utak niya ang pagpasok sa pulitika, uuwi na lang daw siya sa kanilang probinsiya para du’n magsimula ng negosyo,” madiing kuwento ng aming source.

Wala siyang binatbat sa isang lalaking perso­nalidad na napakahusay mang-engganyo ng mga pulitiko. Laway lang ang kanyang puhunan, wala itong pera, pero nakukuha nito ang loob ng mga pulitiko.

Sabi ng aming source, “Iba ang atake ng isang ‘yun! Kuda lang ang puhunan niya, puro laway lang, kamukat-mukat natin, kumakampanya na pala siya!

“Hanapbuhay na niya ang pamumulitika, palagi siyang talo, pero may laman naman ang bulsa niya! Magaling ang isang ‘yun! Malakas ang convincing power niya!

“Sandali lang ang usapan, very short lang, pero long ang kinauuwian ng transaksiyon nila ng pulitiko! Di ba naman, kakaiba siya?” tawa nang tawang pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Sen. Manny, si Mommy D. ang kailangan sa kampanya...

Bugbog-sarado na ang katawan ng Pambansang Kamao sa nakaraan nilang upakan ni Ugas pero sa kanyang pagbabalik sa bansa ay panibagong pambubugbog na naman ang pinagdadaanan ngayon ni Senador Manny Pacquiao.

Hindi umaayon ang mga bituin sa pagkandidato niyang pangulo, minamaliit ang kanyang kapasidad, hindi raw naman labanan lang sa kudradong lona ang pinasok niya ngayon.

“Ayaw niya talaga ng tahimik na buhay. Nasa kanya na ang lahat, wala na siyang hahanapin pa, pero kumuha pa siya ng batong siya mismo ang magpupukpok sa ulo niya!” agarang komento ng kaibigan naming propesor.

Idagdag pa ang pinapasan niyang krus sa pagtuligsa ng ating mga kababayan sa kanyang misis na si Jinkee. Taliwas ang mga ipinakikita nito sa imaheng inilalapit niya sa publiko.

Maganda at positibo ang mensaheng tinanggap namin, “Ang puhunan niya sa pagtakbo, e, ang pinagmulan niyang kahirapan. Pang-teleserye naman talaga ang kuwento ni Pacman. Kapupulutan ng inspirasyon.

“Pero hindi si Jinkee ang dapat niyang ibandera sa kampanya, si Mommy Dionisia dapat, dahil silang mag-ina talaga ang dumaan sa kahirapan at nagsikap si Pacman para makaahon sila.

“Si Mommy D ‘yun, hindi si Jinkee, na sumobra sa pagla­lantad sa publiko ng kayamanan nila. Lumayo ang loob ng mga kababayan natin kay Jinkee, damay-damay na ang nangyari,” komento ng aming kausap.

Ang dami-daming kailangang haraping laban si Senador Manny. Mabigat ang kanyang balikat sa mga pasan niyang krus sa pagharap sa laban ng panguluhan.

Maraming upper cut ang kailangan niyang pakawalan, matinding footwork, para malusutan niya ang paghusga laban sa kanya ng publiko.

Kung puso ang magiging barometro sa labanan ay meron ang Pambansang Kamao. Marami siyang natutulungang hindi na niya ipinagmamakaingay. Pero iba ang mundo ng pulitika, kaliwa’t kanang latay ang aabutin niya, kasingtindi ‘yun ng mga suntok na pinakakawalan niya sa lona o higit pa.

Matindi ang kanyang disposisyon. Ipakukulong niya ang mga nagnanakaw sa kaban ng yaman ng ating bayan. Bilang na raw ang kanilang mga araw dahil magsasama-sama sila sa kulungan.

Napakasarap sa pandinig. Minsan isang panahon ay may matapang at matulis na dila na nagpakawala ng mga ganu’ng salita.

Knockout ang mga tinamaan.

Show comments