Ang daming nagulat nang lumabas ang bagong Facebook account na Bagong Olongapo, na kung saan nakalagay doon ang litrato ng talent manager na si Arnold Vegafria.
Tatakbong alkalde ng Olongapo ang naturang talent manager, ang presidente ng ALV Group of Companies.
Narinig ko na ‘yan noon pa na balak niyang pasukin ang pulitika na ang akala ko biruan lang, iyun pala seryoso na talaga si Arnold.
Ang nagulat lang ako ay kasama sa line up niya si Claudine Barretto na isa rin sa mga alaga niyang artista. Nandun din ang dating Mr. World-Philippines na si JB Saliba na kakandidatong konsehal.
Sabi ni Arnold nang naka-text ko kamakalawa lang, matagal din daw na nanirahan si Claudine sa Olongapo. Dating Director daw ng Subic Bay Management Authority o SBMA ang namayapa niyang ama, at nagsilbi rin daw doon ang lolo ng aktres bilang Governor ng naturang lungsod.
Nitong pandemic daw ay doon na raw sa Olongapo nanirahan si Claudine.
Tinanong ko na rin si Arnold kung paano na niya hahatiin ang oras niya bilang talent manager, presidente ng ALV at alkalde ng Olongapo pag nagkataon. “Kaya yan! Trust me!” text niya sa akin.
Isang oras at 20 minutes daw ay nasa Olongapo ka na kapag galing ka ng Maynila. Kakayanin daw niyang magbiyahe pabalik-balik ng Maynila at Olongapo.
Ilan lamang ‘yan sa mga panggulat na mga artistang tatakbo sa darating na eleksyon.
Asahan nating marami pa riyang magsusulputang pangalang tatakbo mula sa entertainment industry.
Mikee, binalikan ang first love
Muling binalikan ni Mikee Quintos ang pagkanta na first love niya. Inilunsad na sa iTunes at nag-streaming na sa Spotify ang single niyang Just Enough under GMA Playlist, ang sub label ng GMA Records.
Ito ang first single ni Mikee na sa kanya talaga. Ang ibang mga kanta niyang nai-record ay gamit pa ang mga karakter na ginagampanan niya sa drama series niya noon. Itong kanta niyang Just Enough at nasa bubble pop genre, na tipong nakaka-happy lang at pang-chill na kanta. “I think this is the best genre to go with sa first song dahil growing up naman. Iyun ang mga kantang napupusuan kong kantahin. But we really wanna explore pa eh. I’m talking with sa plans sa akin with GMA Playlist, gusto namin mag-explore pa into different genres and then, eventually we’ll find what works for me. And nasa trial and error process pa eh. But the important thing we’re enjoying the process,” saad pa ni Mikee sa nakaraan niyang virtual mediacon para sa nasabing kanta.
Natanong na rin namin kay Mikee ang sitcom nilang Pepito Manaloto: Unang Kuwento na maganda ang feedback at mukhang mai-extend pa.
Kahit si Michael V ay nagustuhan ang ginawa nila sa Unang Kuwento at marami pa silang magagawa sa prequel nitong Pepito Manaloto.
Ang saya nga raw nina Mikee nang ibinalita sa kanilang mai-extend pa sila. Mukhang aabutin pa sila hanggang middle of next year. “Sobrang happy po!” bulalas niya.
“Actually, narinig ko lang ‘to kahapon sa taping namin, nandun po kami. Ang reaction ko pati sina Kokoy (de Santos) at si Sef (Cadayona), totoo ba to?
“Kasi ang iniisip ko lang ang schedule ko po kasi sa Pepito nasasabay ko siya sa school. So, at least meron akong work habang nag-aaral.
“We’re really grateful. Sana…nagwi-wish din ako na mag-abot na kahit sa susunod kasama namin sila,” dagdag na pahayag pa ni Mikee.