Lalaking personalidad handa na sa mga ibabatong kalaswaan ng mga kalaban

Iba talaga ang labanan sa mundo ng pulitika. Malayo pa ang kampanyahan at halalan ay umaandar na ang makinarya nila, nagsasaliksik na ng maibabatong putik sa kanilang kalaban, ginagalugad na ng kanilang mga tauhan ang nakaraang pinagdaanan ng kaagawan nila sa tinatarget nilang posisyon.

Walang sinumang perpekto, natural lang na may madilim na nakaraan ang kahit sino, ‘yun ang katotohanang nagpapapula sa hasang ng mga mapanirang tatakbo.

Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng magkakaibang partido ang pagwasak sa imahe ng isang lalaking pulitikong halatado ng mga kalaban na mabango ang dating sa publiko.

Kuwento ng aming source, “Kailangan nilang harangan ang karisma ng male politician, malakas ang dating niya, ngayon pa lang, e, kita na nilang nakukuha nu’ng male politician ang puso ng masa.

“Kapag pinabayaan nilang magtuluy-tuloy ‘yun, e, sa kang-kungan pupulutin ang lahat ng mga kalaban niya sa position,” unang komento ng aming impormante.

Maraming puwedeng ibato sa lalaking pulitiko, ang tanong lang ay kung totoo ba, punumpuno ng kontrobersiya ang padating na eleksiyon.

Balik-kuwento ng aming source, “May isang partido na abalang-abala ngayon sa pagri-research sa pagkatao ng male politician. May mga binubuo silang plano, talagang tinatrabaho na siya ngayon pa lang!

“Pero expected na ng male politician ang gagawing laro ng mga kalaban niya. napaghandaan na niya ‘yun, ready na siya sa bakbakan, kahit pa sa batuhan ng putik!

“Political butterfly raw siya, kung saan siya makikinabang, e, du’n siya kumakampi, nasaan daw ang kanyang loyalty? Kayang-kaya raw niyang iwan sa gitna ng laban kahit ang mga pulitikong unang-unang nagtiwala sa kanya.

“Sangdamakmak na sapali raw ang kinita niya sa eleksiyon, donasyon daw ‘yun ng mga kaibigan niyang Chinese na hindi niya naman ginastos sa eleksiyon at ibinulsa lang niya!

“At ang pinakamatindi, papasukin ng mga kalaban niya ang personal niyang buhay, niri-researc talaga ng mga galamay ng kalaban niya kung ano ang naging diskarte niya nu’n.

“Pero yakang-yaka ng male politician ang mga ibabatong putik sa kanya, balewala ‘yun, cool na cool lang siya, dahil wala naman siyang itinatagong baho sa publiko.

“At sino nga naman ba ang sinisira, sino ba ang winawasak, di ba’t ang buo?” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Tito Sen, hindi mahanapan ng butas

Wala nang urungan ang pagkandidato ni Senate President Tito Sotto sa pagiging vice-president kahawak-kamay si Senador Ping Lacson.

Masaya ang mga taga-showbiz, maraming personalidad na mula sa industriya ng lokal na aliwan ang kakandidato, makikipagbakbakan sila sa mga tradisyunal na pulitiko.

Sila ang mga pulitikong kung ilarawan ng mga trapo ay “mga artista lang.” Wala silang alam sa pagpapatakbo ng ating pamahalaan, kapos sa katalinuhan, at kung anu-ano pang pangmemenos sa kanilang kakayahan.

Positibo ang imahe ni SP Tito Sotto. Kapansin-pansin na sa lantarang pagbabangayan ngayon ng mga pulitiko ay walang kahit anong naibabato laban sa kanya, wala silang makitang butas, kailangan pang mag-imbento ng kuwento para siya wasakin.

Wala siyang ginalaw na pera ng bayan sa kabuuan ng kanyang panungungkulan bilang senador, hindi siya nasangkot sa anumang katiwalian, malinis ang pangalang ihahain ni SP Tito Sotto sa publiko.

‘Yun ang dahilan kung bakit ang una nilang tututukan ni Senator Ping ay ang paggamit ng pera ng bayan sa tama at makabuluhang pa-raan. Alkansiyang butas ang nagaganap ngayon.

Kumakalog ang pondo ng bayan dahil sa naglalabasang anomalya ngayon na ang nakapronta ay ang mga kababayan nating nagdarahop pero iilan lang naman palang bulsa ang nakikinabang.

Panahon na para magluklok tayo ng mga tagapamuno ng ating bayan na hindi tatratuhing negosyo ang ating pamahalaan.

Ang unang dapat makinabang ay ang mga Pilipinong nagpapalago sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis at ang mga pobreng Juan at Marya ng ating bansa na umaasang aangat ang kanilang kabuhayan sa pagkakaroon ng mga pulitikong magiging tapat sa ipinangako nilang pagseserbisyo-publiko.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Sa kanilang lahat na nagdeklara na ng pagtakbo, naka-focus ako sa tambalang Lacson-Sotto. Sa mga ginaganap pa lang ng hearing sa Senado, e, malalaman na natin kung sinu-sino ang may utak at nagdudunung-dunungan lang at kung sinu-sino rin ang tunay na may malasakit at pagmamahal sa ating bayan.”

Show comments