Nalulungkot ang mga dating kaibigan ng isang sikat na lalaking personalidad na masusuong sa pinakamalaking laban sa buhay niya. napapailing ang mga ito, nanghihinayang, dahil baka bumalik sa dati niyang buhay ang male personality.
Madali raw kasing maniwala ang lalaking personalidad sa mga bulong. Hindi muna niya pinag-aaralang mabuti ang mga bagay-bagay kung makabubuti o hindi sa kanya.
Kuwento ng aming source, “Nag-aalala ang mga dating kaibigan niya sa mga sinusuong niyang paghamon. Parang puro biglaan, parang hindi muna niya pinag-aralang mabuti.
“Madali kasi siyang maniwala, kapag marami nang bumubulong sa kanya, e, nakakalimutan na niyang balansehin ang mga pangarap niya,” unang komento ng aming impormante.
Labas na raw sila ngayon sa mga desisyon ng sikat na male personality, ang mahalaga ay hindi naman sila nagkulang sa pagpapayo nu’ng may komunikasyon pa sila, titingnan na lang siya nang malayuan ngayon ng mga taong nakasama niya sa hirap at sa ginahawa.
Dagdag na kuwento pa ng aming source, “Kulang siya sa tiwala sa sarili niya. Kailangan niya talaga ng mga taong nakapaikot sa kanya. Ang nakakalungkot lang, e, hindi niya nababalanse nang husto kung ano ang motibo ng mga taong nakakasama niya ngayon.
“Du’n siya nagkukulang. Sayang, maganda pa naman ang puso ng taong ‘yun. Hindi nga siya pinagbago ng popularidad at kayamanan. Walang nagbago sa kanya.
“Pero gaano man kaganda ang mga layunin niya, e, masasapawan ‘yun ng utak ng mga taong iba ang gusto para sa kanya. Nakakaawa siya.
“Ilang taon niyang pinagpaguran ang kung anumang meron siya ngayon, matindi ang pinagdaanan niya, huwag sana niyang payagang mawala ‘yun sa isang iglap lang dahil sa mga maling desisyon.
“Nasa kama na siya, malambot na higaan, nakatakas na siya sa sahig, bago mahuli ang lahat, e, maisip sana niya na hindi niya naman nakuha ang success at kayamanan niya nang magdamagan lang.
“Sayang na sayang. Tama ang komento ng halos lahat ngayon. From rags to riches na nga naman ang kapalaran niya, pero baka mauwi siya sa rags uli,” pagtatapos ng aming source na nag-aalala rin sa kahahantungan ng kapalaran ng sikat na male personality.
Ubos!
Willie, hindi napilit magpulitika
Parang wala na kaming nauulinigang pahimakas ng pagpasok sa pulitika ni Willie Revillame. Mukhang mas pinahalagahan na niya ang payo ng mga nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya na huwag nang pakinggan ang imbitasyon ng partidong kumukuha sa kanya para tumakbong senador.
Mas positibo ‘yun para sa kanyang mga tagasuporta, para sa kanyang mga kaibigan, maging sa kanyang pamilya. Siguradong wawasakin ng pulitika ang buhay ni Willie.
Napakaganda na ng kanyang katayuan ngayon. Bilang host ng kanyang programa ay napakaraming buhay ang binabago niya, nakatutulong siya kahit wala siyang upuan sa pamahalaan, wala siyang hinihintay na anumang kapalit.
Isang bagay na mas nagpalinaw sa amin kung bakit naniniwala kaming malayo na sa isip ni Willie ang pagpasok sa pulitika ay ang hindi pa niya paghahanda sa giyerang papasukin niya.
Dapat ay kumukuha na siya ng kursong may kuneksiyon sa kanyang pagtakbo, pinaghahandaan na dapat niya ang mahalagang desisyong ito sa kanyang buhay, pero anumang crash course na may kinalaman sa plano niyang pumasok sa pulitika ay wala.
At kung kilala nga namin si Willie ay hindi niya gusto ang mga pagbabangayan, ang mga away-away, pampublikong pigura siya pero matindi ang pagpapahalaga niya sa kanyang kapribaduhan.
Serbisyo-publiko rin naman ang kanyang ginagawa ngayon. Mas matindi pa nga sa mga tradisyunal na pulitiko ang ginagawa niyang pag-ayuda sa ating mga kababayan dahil wala siyang hinihingi at hinihintay na boto pabalik.
Sabi ng isang kaibigan namin, “Ano pa ba naman ang gusto at pinapangarap ni Willie? Mahal na mahal siya ng mga kababayan natin, itinuturing siyang biyaya ng Diyos sa lupa, huwag na siyang magtangkang pumasok pa sa pulitika dahil ‘yun ang sisira sa buhay niya!”
Oo nga naman. Kung tahimik na buhay ang pinapangarap ni Willie Revillame ay hindi pulitika ang sagot sa kanyang hinahanap.
Ibang-iba ang pulitika sa mundo ng showbiz na kinagisnan niya. Napakalayo ng pagkukumpara. Dulo at dulo ang layo.
Maligaya na siyang nakapaglilingkod sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng kanyang Tutok-To-Win, maraming nagdarasal para sa kanya dahil sa ganda ng kanyang puso, may kulang pa ba?