Nash Aguas sa 2022? Ex-'Goin' Bulilit' star usap-usapang tatakbo sa Cavite

Litrato ng aktor na si Nash Aguas habang nanunumpa bilang bagong miyembro ng partidong Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ika-21 ng Setyembre, 2021
Mula sa Facebook page ni Vice Mayor Denver Chua

MANILA, Philippines — Kung paniniwalaan ang ilang ugong-ugong sa social media, lumalabas na tatakbo sa lokal na posisyon sa gobyerno sa susunod na taon ang isang batang binatang artista — sa pagkakataong ito, si Nash Aguas.

Ito ang ispekulasyon ng maraming netizens sa 22-anyos na aktor matapos manumpa ni Nash bilang bagong miyembro ng partidong Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa unang distrito ng Cavite nitong Martes.

Kasama ni Aguas ang sumusunod bilang mga bagong miyembro ng Lakas-CMD, bagay na isinapubliko ni Cavite City Mayor Denver Chua:

  • Denver Chua
  • Raleigh Rusit
  • Mark Amparo
  • Mau Lu
  • Renan Montoya
  • Jun Novero
  • Doods Nuguid
  • Cris Paredes
  • Marian Pinzon
  • Marc Serrano
  • Edmund Tirona

 

 

Kapansin-pansin naman ang mga komento sa litrato ni Nash na ipinaskil ni Chua, kung saan tinatawag siyang "konsi" ng mga netizens — salitang balbal na tumutukoy sa mga konsehal.

 

 

Sa ilalim ng Local Government Code of the Philippines, 18-anyos ang kinakailangang minimum age requirement para kumandidatong konsehal sa mga "component cities" gaya ng Cavite City.

Kinakailangan namang 23-anyos pataas ang mga kumakandidato sa Sangguniang Panlunsod kung sila'y nasa isang "highly urbanized city."

Wala pa namang sagot si Nash sa panayam ng Philstar.com kung talagang tatakbo sa anumang posisyon sa darating na halalan.

Isang "Kapamilya," nagsimula ang karera ni Nash sa showbiz matapos niyang sumali sa "Star Circle Kid Quest" ng ABS-CBN. Bahagi rin siya ng sikat na kid's sketch comedy show na "Goin' Bulilit." — James Relativo

Show comments